Quantcast
Channel: Kultura – Pinoy Weekly
Viewing all 164 articles
Browse latest View live

One for the road?

$
0
0

Pinilay ng pandemyang coronavirus disease 2019 (Covid-19) ang ilang bahagi ng industriya ng musika. Ilan sa mga kaswalti nito ang mga music establishment at maging ang performers sa live music. Palibhasa’y ipinagbawal ng gobeyrno ang mga mass gathering mula nang ipatupad ang lockdown noong kalahati ng Marso, tigil ang lahat ng mga konsiyerto at iba pang porma ng live music.

Bagaman makakapaglun-sad ng online na live gigs, tila wala pang kalinawan sa malapit na hinaharap kung kailan manunumbalik ang mga pisikal na mga tugtugan. Bunsod nito, naapektuhan ang mga bar na lunsaran ng live music at maging ang mga music studio na pinag-eensayuhan ng mga artista at banda.

End of the road

(mula sa Facebook page ng Route 196)

“We’re at the end of the road for Route 196,” saad ng Route 196 nang inanunsiyo sa social media ang kanilang pagsasara noong Agosto 23. Marami ang nagulat at nalungkot na marinig na magsasara na ang naturang bar sa Quezon City na itinuring na “tahanan” ng maraming banda at mga music production at tinangkilik ng “gig-goers” sa loob ng 15 taon. Bilang pamamaalam, naghanda ng isang online “farewell gig” sa Setyembre 12 ang naturang bar na pinamagtang “One for the road” na katatampukan ng iba’t ibang bandang naging regular na tumutugtog dito. Bukod sa online gig, naglabas din ito ng “Route 196 Farewell T-Shirt”.

Isa sa naunang nagsarang music establishment ang Today x Future. Isa itong bar sa Cubao, Quezon City na halos 12 taon na ang operasyon. Binitiwan nito ang pabatid ng pagsasara noong Hunyo. Ayon sa naturang pabatid, matapos ng mahabang deliberasyon, umabot ang mga management ng naturang bar sa desisyong magpaalam. “Magiging 12 years old sana kami ngunit alas, ang kawalang katiyakan ay ginawa itong lubhang mahirap. Gayunman, hindi ito pahayag ng kalungkutan at pagsisisi at naghahangad na iba sana ang mga bagay-bagay,” pahayag ng bar.

audio mixer na natupok ng sunog (mula sa Facebook page ng Catch272)

Bagaman hindi direktang epekto ng pandemya, mananatiling nakasara ang Catch 272 sa T. Gener, Quezon City bunsod ng pagkakasunog nito noong Hunyo 4. Ayon sa mga may-ari, nadamay ang naturang bar sa nasusunog na ikalawang palapag ng kapitbahay bandang alas-10 ng umaga. Anila, “Paumanhin, di na namin kayang tuparin ang anumang plano sa kasalukuyan. Nasunog ang bahay nating Green Papaya Art Projects + Catch272.”

Habang isinusulat ang artikulong ito, nag-anunsyo na rin ng pagsasara ang XX XX, isang bar sa Chino Roces, Makati. Ayon sa pahayag ng naturang bar noong Setyembre 1 sa kanilang Facebook page, “Dumating na rin ang oras namin. Matapos ng 4+ taon, sa lahat ng litaw na mga kadahilanan, kami ay napilitang isara ang aming mga pinto.”

Pa-extend po

lineup ng performers para sa ika-2 season ng “Pa-Extend Po!” (mula sa Facebook page ng Alternatrip)

Samantala, nagsisikap pa rin ang ilan pang music establishments na mabuhay sa kabila ng ekstra-ordinaryong panahon sa ilalim ng pandemya at mga iba’t ibang antas ng community quarantine o lockdown. Sa kabila ng limitadong operasyon, naglulunsad ang mga ito ng fundraising activities para matugunan ang pangangailangan ng mga crew at staff at ang kaakibat na bayarin ng mga establisimyento.

Inilunsad kamakailan ng Alternatrip, isang lokal na independent music collective ang livestreaming gig series na “Pa-Extend Po!” upang mangalap ng pondo para sagipin ang Redverb, isang community-run music studio sa Quezon City. Sa naturang serye, nakapagtanghal na noong Hulyo at Agosto ang mga artist at banda sa eksenang indie tulad ng Cinema Lumieré, Megumi Acorda, si Aly Cabral (Ourselves The Elves), Megumi Acorda, The Geeks, Shirebound and Busking at ang protest band na The Axel Pinpin Propaganda Machine. Nakatakdang ilunsad ang ikalawang season ng serye ngayong Setyembre. Naglunsad din ang naturang grupo ng Gofundme page para sa mga nais magbigay sa pagsagip sa Redverb.

Para sa staff and crew

(mula sa Facebook page ng saGuijo Cafe + Bar Events)

Pinakanaapektuhan sa pagsasara ng mga music establishment – pansamantala man o tuluyan – ang mga staff at crew nito. Naging kaparaanan din ng ilan sa mga establisimyento ang paglulunsad ng online fundraising gig upang tulungan ang kanilang mga empleyado.

Naglunsad, halimbawa, ng online fundraising gig noong Agosto 28 ang Saguijo, isang bar sa Makati na pansamantalang nagsara nitong lockdown. Tumugtog sa naturang online gig ang Itchyworms, Wickermoss, Syd Hartha, Soapdish at marami pang iba. Hinikayat ng naturang bar ang mga tagasuporta nito na magbigay ng donasyon sa pamamagitan ng pagdeposito sa kanilang bank account.

Nanawagan naman sa kanyang post ang Facebook user na si Ry Oli ng “Save Tomato Kick from being kicked out of business!” Ibinahagi ni Oli ang screenshot ng palitan ng mensahe na diumano’y magsasara ang Tomato Kick. Ayon pa rito, nangangamba ang mga staff dahil anila sa matumal na order kada araw. Nanatili ang operasyon ng naturang bar sa pamamagitan ng pagpapa-order online ng mga pagkain mula Marso 19.

(mula sa post ni facebook user Ry Oli)

Samantala, nanawagan naman ng tulong ang Mow’s, isang bar sa Matalino, Quezon City, nang mamatay ang kanilang staff sa kalagitnaan ng lockdown.

Sa Facebook post ng naturang bar noong Mayo 17, humiling ito ng tulong para kay Roniel Espinosa para sa pagpapalibing nito.

Matapos ng isang araw, nakalap ang P47,527 pondo para sa pagpapalibing ng naturang empleyado sa tulong ng mga music production, mga banda at mga tumatangkilik sa nasabing bar.

Nakakalungkot ang sinapit ng minamahal natin na mga music establishments at mga empleyado nito sa harap ng pandemya. Pero nakakagalit ding isipin kung paano nga ba umayuda ang gobyerno upang hindi magsara ang naturang mga establisimyento at maiwasang mawalan ng trabaho o kabuhayan ang mga empleyado ng mga ito.

Kunsabagay, kadugtong ito sa kung paano nga ba ang pangkabuuang aksyon ng gobyerno laban sa pandemya na palpak at ginagamit lang para sa pakinabang ng iilan.


Mad Marx

$
0
0

Pumanaw na ang progresibong intelektuwal, ekonomista, akademiko, awtor at konsultant sa usapang pangkapayapaan na si Prop. Edberto “Ed” Villegas, ayon sa malalapit niyang kaibigan. Na-stroke si Prop. Villegas noong nakaraang linggo at tinakbo sa Makati Medical Center, kung saan siya binawian ng buhay, gabi ng Setyembre 7.

Kinaumagahan, bumuhos agad sa social media ang mga parangal, mula sa nagmamahal na mga kaibigan, estudyante, kasama at tagahanga.

Ang palayaw niyang “Mad Marx”, ay patungkol sa pagiging matalas, maalab at mapusok na pagtatalakay niya sa mga kaisipan ng rebolusyonaryong pilosopo na si Karl Marx sa kanyang mga klase, sa talakayan sa mga aktibista, at sa iba pang pampublikong espasyo.

“Ikaw ang laging pinaka-radikal sa kuwarto at ginamit mo ang lahat ng enerhiya mo para masegurong malayo rin ang tinatanaw namin tulad mo,” sulat ni Sonny Africa (sa wikang Ingles), makabayang ekonomista at executive director ng Ibon Foundation kung saan nagsilbi ring board member si Villegas.

Sa kanya ring Facebook post, inalala naman ni Prop. Bomen Guillermo ang panahong pinabasa niya kay Villegas ang kanyang salin ng Das Kapital ni Karl Marx. “Ilang beses kaming nagkita sa Maynila para pag-usapan ang mga puna o pagwawasto niya na tunay na nakatulong sa pagpapaunlad ng salin (may mga bahaging may alusyon sa Bibliya sa Kapital na hindi ko masyadong gamay na natukoy at naiwasto niya!),” kuwento ni Guillermo.

Maraming estudyante rin ang nag-alala sa masasaya at makabuluhang mga engkuwentro sa maalamat na propesor ng Development Studies sa Unibersidad ng Pilipinas-Manila.

“Di na talaga tayo matutuloy mag-reunion at magkuwentuhan. Kakalimutan ko na rin ang utang mong beer,” paskil ni Frances Bondoc, dating estudyante ni Villegas. “Pero di ko makakalimutan lahat ng mga aral na iyong naibahagi sa amin sa loob ng silid aralan, higit lalo ang mga aral ng iyong mayamang karanasan sa pakikibaka.”

“Di ko makakalimutan iyung nagpunta tayo sa ancestral house n’yo sa Batangas at ipinakita mo ung painting ng lolo mo si Heneral Miguel Malvar na ikaw mismo ang nagpinta,” sabi naman ni Prop. Reggie Vallejos, dati ring estudyante ni Villegas na guro na rin sa UP Manila.

Ilan lang iyan sa maraming parangal na ipinaskil hinggil sa minamahal na propesor at isa sa pinakaimpluwensiyal na intelektuwal sa political economy sa bansa.

Maagang namulat

Kabataang aktibista noong dekada ’60 si Villegas, at naging bilanggong pulitikal sa ilalim ng batas militar. Nakaranas siya ng matinding sikolohikal at pisikal na tortiyur sa kamay ng militar. Nitong huling mga dekada, naging konsulant sa mga repormang sosyo-ekonomiko sa usapang pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines si Villegas dahil sa kanyang pagiging eksperto sa usaping pang-ekonomiya.

Bilang Marxistang intelektuwal, awtor si Prop. Villegas ng di mabilang na libro hinggil sa pampulitikang ekonomiya, at mga isyung pang-ekonomiya at pampulitika.

Kabilang dito ang mga sulatin na nagpapasimple at nagpapaliwanag sa mga ideya ni Marx sa kanyang mahalagang na librong Das Kapital.

Bilang manunulat pampanitikan, sinasabing sinulat ni Prop. Villegas noong panahon ng batas militar ang rebolusyonaryong nobelang Sebyo sa ilalim ng pangalang Carlos Humberto. Noong 2013, nilabas din niya ang nobelang Barikada. Nitong 2016, inilunsad niya ang librong Mga Kuwento Mula sa Lipunan: 12 Maikling Kuwento.

Ginabayan din ni Prop. Villegas ang maraming henerasyon ng mga estudyante at aktibista bilang propesor sa UP kampus nito sa Baguio at Manila, kung saan matagal siyang nagturo bago magretiro. Nagturo din siya sa De La Salle University.

Si Prop. Villegas ay apo ng rebolusyonaryong heneral ng digmaang Pilipino-Amerikano na si Hen. Miguel Malvar.

MTRCB at mga pelikula online

$
0
0

Laman ng kritisismo o katatawanan ng publiko ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) kamakailan.

Paano ba naman, sinabi ni MTRCB legal affairs chief Jonathan Presquito sa isang pagdinig sa Senate Trade Committee na kailangan daw pangasiwaan ang linalaman ng Netflix at iba pang online na platapormang nagpapalabas ng mga pelikula o bidyo.

“Kung ’yun ang gusto niyang mangyari lahat po’yan ay ire-regulate ng MTRCB at hindi po puwedeng gawin ng MTRCB na i-restrict ang internet dahil ang internet mas malaki pa sa planeta. Hindi po siya Diyos, wala po siyang kapangyarihang sagkaan ang Facebook, Youtube, ganyan,” giit ni Marichu Lambino, propesor ng media law.

Sa mga nagdaang araw, iba-iba ang pahayag ng MTRCB. Mula sa pagsabi na kailangan talagang ituloy itong pagpapangasiwa sa online video on demand (VOD) sa kabila ng kritisismo, hanggang sa mas banayad na pakiusap na baka naman puwedeng magrehistro ang mga VOD provider para masiguro nilang ang mga pelikula online ay wasto sa edad ng manonoood at hindi pinirata. Nariyan pa nga’t naging dahilan ang pagtatanggol sa paniniwalang Pilipino, kung ano man ang pakahulugan ng MTRCB rito.

Napakahalaga nga naman ng kultura at “contemporary Filipino values” sa gobyerno. Wala pang tatlong buwan ang nakalipas nang ihapag ng Kongreso sa ABS-CBN ang mga tanong tungkol sa pagpapahalaga sa kultura at paniniwalang Pilipino, at heto na naman tayo, muling pinag-aaalala para sa kinabukasan ng contemporary Filipino values.

Hindi ito unang panahon na kinasangkapan ang paniniwala at kulturang Pilipino sa panunupil ng kalayaang magpahayag.

Nariyan ang nangyaring sa pelikulang Orapronobis ni Lino Brocka at Jose Lacaba noong 1989. Hindi pinayagang maipalabas sa mga sinehan ang pelikulang naglalaman ng mga imahe ng kasakiman ng militar noong panunugkulan ni Corazon Aquino.

Nasa probisyon ng batas na lumikha ng MTRCB ang pagpigil sa mga pelikulang maaaring magpahina sa tiwala ng mga mamamayan sa kanilang gobyerno o iba pang awtoridad.

“Nakakapanghinayang na hindi pa rin bumibitaw ang MTRCB sa nakaraan nitong nakasandig sa batas militar at pagsensura,” giit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon.

Paniwala ng iba’t ibang mambabatas, dapat gamitin ng MTRCB ang kapangyarihan nito para makapanghikayat ng de-kalidad na mga pelikula sa harap ng pandemya na negatibong nakaapekto sa industriya.

Kung tunay nga ang pagpapahalaga ng MTRCB sa kalidad ng mga pelikula, dapat maging kasangkapan ito, hindi ng represyon, kundi ng pagbangon ng manggagawang sektor na lumilikha nito, at ng mga komunidad na pinagkukuhanan ng libong kuwento.

“Sa kabila ng pangalan nito, makikitang censorship board pa rin ang MTRCB na luwal ng represyon ng batas militar,” paliwanag ni Luis Teodoro, dating dekano ng UP College of Mass Communication at propesor ng midya, sa isang sulatin noon pang 2012. “Ilang dekada na inilalaban ng mga mananananggol ng kalayaan sa pamamahayag at kalayaan sa paghahayag o ekspresyon ang pagpapasara sa ahensyang ito.”

Ngayon na nariyan ang Anti-Terrorism Law at ang bantang pagmamanman ng gobyerno–on-ground at online–sa mga, kailangang maging kritikal ng lahat sa anumang panukalang maaaring ikasangkapan laban sa mga mamamayan.

Kung may pagpapahalagang Pilipino na kailangang protektahan ang MTRCB, ito ang pagpapahalaga ng masang Pilipino sa karapatan at kalayaan. Ilang dekada at yugto na itong paulit-ulit natatampok sa ating kasaysayan: ang tinig ng Pilipino ay tinig na hindi magpapalupig.

Bulnerableng rebolusyonaryo

$
0
0

Mahigit isang dekada na siguro noon, taong 2009, sa kabundukan ng Surigao del Sur. Papagabi na noon, malakas ang hangin, at tanging alingasngas ng mga talahib ang nadidinig. Nakarating kami sa isang kubo, at sinalubong ng isang matanda pero makisig na lalaki. Nagpakilala siya: Jorge “Ka Oris” Madlos, noo’y tagapagsalita ng National Democratic Front sa Mindanao.

Bago magsimula ang panayam, may dumating na magsasaka. May inabot kay Ka Oris. May nagpapabigay daw. Kaarawan ng isang kakilala sa baryo. Ice cream ang pinabibigay. Siyempre, dahil sa layo ng nilakbay nito, natunaw na. Masaya naming ininom ni Ka Oris ang tunaw na ice cream. Hanggang tainga ang ngiti ni Oris, na may bahid pa ng tunaw na ice cream ang labi.

* * *

Oris, sa Rustling of Leaves

Sa panayam ding iyon, natanong ko kay Ka Oris ang tungkol sa isang napanood kong pelikula, matagal na panahon na. Mahigit dalawang dekada na ang nakaraan. “Napanood ko po kayo sa isang documentary film. Iyung Rustling of Leaves,” sabi ko. Naaalala pa raw niya ito. Maitim pa ang buhok niya noon. Kapapatalsik pa lang ng diktador na si Marcos. Matalas ang memorya ni Oris. Naalala pa niya ang mga detalye, ang mga pangalan ng mga kasamahan noong panahong iyon, ang mga lugar kung saan nangyari ang mga eksena.

Pero tila kakaunti lang ang nakakaalala sa dokumentaryong Rustling of Leaves: Inside the Philippine Revolution. Hindi pa kasi ito opisyal na napapalabas sa Pilipinas. Taong 1988 lumabas ang naturang pelikula, na dinirehe ng isang dokumentarista mula sa Canada na si Nettie Wild.

Di mahirap maunawaan kung bakit tumagal nang mahigit tatlong dekada bago nagkaroon ng “premiere” sa Pilipinas ang Rustling of Leaves. Kaiba ito sa mga pelikula o dokumentaryong iniluwal ng unang pag-aalsang EDSA noong 1986 na panay pagdiriwang sa “pagbabalik ng demokrasya” sa bansa matapos mapatalsik ang isang diktador. Kainitan noon ng “Cory fever”, ng “Cory magic”, ng pagpapamalas daw sa buong mundo ng tagumpay ng pag-aalsa na di nagdanak ng dugo, ang pag-aalsa sa EDSA. Nasa landas na raw ng demokrasya at kaunlaran ang Pilipinas. Tapos na ang panahon ng tiraniya.

Pero madaling nadisilusyon ang progresibong mga filmmaker sa bagong dispensasyong ito. Ang aktibistang direktor na si Lino Brocka, na nakulong noong batas militar at naging delegado pa sa pagbubuo ng 1987 Saligang Batas, mabilis na napagtanto na nananatili pa rin ang mapang-aping sistema sa kabila ng pagpapatalsik kay Ferdinand Marcos. Ginawa niya ang pelikulang Orapronobis noong 1989. Maganda sanang maitambal ang pelikulang ito sa pelikula ni Wild.

Tulad ng Orapronobis, pinakita ni Wild sa Rustling of Leaves ang mukha ng bagong rehimen sa kanayunan: Ang pamamayani pa rin ng pasismo, paglaganap ng mga grupong paramilitar o vigilante katulad ng Alsa Masa at Tadtad sa Mindanao, ang pagsikil sa mga aktibistang kumikilos sa hayag at sinusubok ang bagong “demokratikong espasyo” para itulak ang progresibong pagbabago.

Mga gerilya ng New People’s Army. Larawan mula kay Nettie Wild, noong 1988.

* * *

Kamakailan lang, sa gitna ng pandemya, opisyal na pinalabas ito sa unang pagkakataon sa Pilipinas, sa film festival na Daang Dokyu. “Umuwi na sa Pilipinas, sa wakas, ang pelikulang ito,” sabi ni Wild, sa isang online Q & A. Napapanahon ito.

Ilan sa mga karakter na sinundan ni Wild: Si Bernabe “Kumander Dante” Buscayno, na matapos palayain ay tumakbo bilang isa sa mga kandidato sa pagkasenador ng Partido ng Bayan; sina Oris at Fr. Frank Navarro, na mga lider-gerilya noon sa Mindanao; si Edicio dela Torre, dating pari na nag-underground noong batas militar, nakulong at lumaya; si Jun Pala, anti-komunistang brodkaster at lider ng Alsa Masa. May ilang menor na mga karakter din na maaaring kilala natin ngayon: si Lt. Ronald dela Rosa, lider ng Tadtad, na naging notoryus sa Mindanao sa pagtadtad ng leeg ng pinagbibintangang mga komunista.

Sa online na Q & A kay Wild, sinabi niyang ayaw niyang gumawa lang ng pelikulang “propaganda”, bagamat simpatetiko siya sa mga karakter na aktibista at rebolusyonaryo. Gusto raw niya ipakita ang pribado o bulnerableng mga eksena ng mga karakter para makakuha ng simpatya sa mga manonood. Siyempre, limitado ang pagpapakahulugan niya sa salitang “propaganda”. Pero kuha natin ang punto: nakita ang pang-araw-araw na buhay nina Oris, nagdedesiyon, halimbawa, sa buhay-at-kamatayan ng isang taong naging imporante ng mga militar at nagturo sa mga tagabaryo niya. Pinakita rin si Dante at mga pag-aalinlangan niya bilang tagapagsalita sa maraming pagtitipon. Hindi siya sanay sa malalakas na ilaw, sabi ni Dante. Ang kinasanayan daw niya, mga kuliglig sa gubat.

Sa dulo ng pelikula, diretsong tinanong ng direktor si Dante: Para sa kanya, ano ba talaga ang lugar ng armadong pakikibaka sa pagtutulak ng progresibong pagbabago? Sa kanyang opinyon, sabi ni Dante, pangalawa lang ito sa legal na pakikibaka. Pero sa sumunod na mga eksena, ipinakita ang limitasyon ng pinili ni Dante na “pangunahing” landas ng paglaban: Natalo lahat ang mga kandidato ng Partido ng Bayan sa eleksiyon, maraming boluntir at kandidato nito ang nasawi, namayagpag sa kanayunan ang mga vigilante na may basbas pa ni Cory, nadistiyero si Dela Torre sa Europa dahil sa sunud-sunod na mga atake sa legal na mga aktibista.

Si Dante mismo, na-ambush, kasama ang iba pang sibilyan, sa Quezon City.

Nettie Wild (kaliwa), at isang gerilya ng NPA, noong 1988.

Nettie Wild (kaliwa), at isang gerilya ng NPA, noong 1988.

* * *

Napapanahon ang pelikula dahil mahigit tatlong dekada na ang nagdaan, sariwa pa rin ngayon ang mga tema ng pelikulang ito. Bukod kay Oris na maitim pa ang buhok noon pero balbasarado na, tila nagpalit lang ng ilang karakter ang kuwento. Sa halip na si Cory, si Duterte, ang bagong presidente – nagdala ng bagong pag-asa sa kanyang pag-upo. Noon, sina Dante at Dela Torre ang kumatawan sa ang mga lider ng kilusang underground na nakulong at lumaya sa bagong administrasyon. Sumusubok sila sa pagtutulak ng progresibong pagbabago sa bagong dispensasyon. Ngayon, kay Duterte, napalaya ang ilang bilanggong pulitikal tulad nina Benito Tiamzon at Wilma Tiamzon, Adelberto Silva, Tirso Alcantara, at iba pa. Lumahok sila sa usapang pangkapayapaan. Pero nang malapit na magtagumpay ang usapan, biglang umatras si Duterte at naglunsad ng malupit na giyera kontra insurhensiya laban sa mga rebolusyonaryo at aktibista.

Pinamamalas muli ng bagong karanasan ng Kaliwa: Limitado ang espasyo para sa progresibong pagbabago sa sistema ngayon. Anumang pag-abante ng mga progresibo sa loob ng sistema – pagkakahalal sa Kongreso, pagpasok sa gabinete, pagharap sa peace talks – tiyak na haharangan ng mga pasista kapag may signipikanteng pag-abante na. Nabigyan-katwiran nito ang piniling landas ng pakikibaka nina Oris at Fr. Frank.

Sa isip ko, parang humihingi ng sequel ang Rustling of Leaves. Nanahimik na ngayon at nagbuhay-magsasaka si Buscayno. Pero si Fr. Frank, nasawi sa isang atake ng Scout Rangers sa Surigao del Sur noong Agosto 1994. Si Oris, tagapagsalita na ng buong New People’s Army. Pero puti na ang buhok at balbas niya. Si Dela Torre, naging tagapamandila ng “popular democracy” sa Pilipinas at naging direktor pa ng Tesda noong panahon ni Joseph Estrada. Si Jun Pala, naging kritiko ni Pangulong Duterte sa Davao. Noong Setyembre 2003, pinaslang siya ng di-nakilalang armadong kalalakihan. Pag-upo ni Duterte sa Malakanyang, may testigong nagsabing iniutos daw niya ang pagpaslang kay Pala.

Sa naiisip nating sequel, si Oris na masayang kumakain ng tunaw na ice cream, nagpapakita ng kanyang masayang mukha sa kabila ng pagiging armadong rebolusyonaryong lider, payapa sa pinili niyang landas ng pakikibaka, tumanda na pero tiyak sa katumpakan ng progresibong hinaharap – ang huling imahe na tatatak.

Viewing all 164 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>