![Selfie at iba pang kaganapan sa Kalyeserye ng Eat! Bulaga: May resonance sa mga migrante. Kuha ni <b>Mia Banaag de Lima</b>]()
Selfie at iba pang kaganapan sa Kalyeserye ng Eat! Bulaga: May resonance sa mga migrante. Kuha ni Mia Banaag de Lima
Marahil ay nagtataka sina Taylor Swift, Katy Perry at Ellen DeGeneres kung sino si Maine Mendoza.
Ayon sa Socialbakers.com, isang social media marketing company sa New York, si Maine Mendoza a.k.a. Yaya Dub ay ikaapat na sa fastest growing celebrities sa Twitter, kasunod nina Swift, Perry at DeGeneres, at naungusan na ang tanyag na talk show host na si Jimmy Fallon. Si Yaya Dub ay kalahati ng tambalang “AlDub”, ang pinakamainit at penomenal na Pinoy love team sa buong mundo ngayon.
Mula 500,000 followers lamang noong Agosto, umabot na sa 2.4 milyon ang Twitter followers niya bago matapos ang Oktubre. Ayon sa pagtataya ng TwitterCounter.com, kung magpapatuloy ang kasikatan ng AlDub, maaring umabot sa 4.6 milyon ang Twitter followers ni Yaya Dub sa susunod na tatlong buwan, o 12.6 milyon sa loob ng isang taon.
Noong Oktubre 24, muling binasag ng AlDub ang sarili nitong world record nang umabot sa 39 milyong tweets ang #AlDubEBTamangPanahon sa loob lamang ng 24 oras. Tinalo ng #AlDubEBTamangPanahon ang pinakamataas na record tweets (35.6 milyon) noong laban ng Brazil at Germany sa FIFA World Cup noong Hulyo 2014.
Ang pinakamaraming tweets para sa AlDub ay mula sa mga overseas Filipino worker (OFW), mga migranteng Pilipino mula sa iba’t ibang dako ng mundo.
Samantala, labas sa Twitter at social media, tinatayang 55,000 katao ang tumungo sa Philippine Arena para mapanood ng live ang “Tamang Panahon”, kabilang na ang maraming migranteng Pilipinong bumiyahe pa mula sa ibang bansa. Umabot naman sa mahigit 3 milyong views ang official live stream channel ng “Eat Bulaga” para sa naturang episode.
Patok sa migranteng Pilipino
Noong Oktubre 7, inilaan ng Eat Bulaga ang episode ng AlDub sa mga OFW. Ilang araw nang absent si Alden sa kalyeserye at lumbay na lumbay na si Yaya. Ikinumpara ni Lola Nidora ang sitwasyon nina Yaya at Alden sa kalagayan ng mga migranteng Pilipino. Aniya, dapat tularan ni Yaya ang mga OFW. Dapat daw silang magsilbing inspirasyon dahil sa kanilang sakripisyong malayo sa mga mahal sa buhay habang nagtatrabaho sa ibang bansa.
Instant ang resulta: “Kilig pa more” para sa mga Pilipino sa ibang bansa.
Bakit nga ba patok na patok ang AlDub sa migranteng Pilipino? Narito ang ilang dahilan kung bakit “relate pa more” ang mga migrante sa kalyeserye:
Relasyong “split screen” – Tulad nina Yaya Dub at Alden, nabubuhay ang migranteng Pilipino sa “relasyong split screen” – mapa-LDR (long distance relationship) man o pakikipag-“Skype” sa kani-kanilang mga kaibigan at kapamilya sa Pilipinas. Alam ng migranteng Pilipino ang di-mapantayang galak ng nakikita ang mahal sa buhay kahit sa monitor lang. Lalo’t higit kung “nakaw” na oras lamang ito, tulad ng ilang minutong pagda-“dubsmash” at “fansign” nina Yaya at AlDub sa tuwing sasapit ang ala-una impunto.
Pagkakakonekta (connectivity) sa pamamagitan ng social media – Salamat sa makabagong teknolohiya at Internet, kahit papaano’y napaglalapit ang magkalayo, napagtutugma ang mga time zone at updated ang tsismisan saanmang lupalop ng mundo sila naroon. Nagiging simple at magaan ang kuwentuhan dahil libre na ang komunikasyon. Hindi na tulad ng dati na kailangan pang gumastos ng malaki para sa overseas call o maghintay ng matagal sa snail mail o voice tape.
Naging real time din ang komunikasyon at palitan sa pagitan ng telebisyon at mas aksesibleng (accessible) social media para sa mga OFW. Kung dati’y kailangang hintayin pa ang balitang primetime o kinabukasang headline para sa kung anumang trending na paksa, ginawang posible ng Eat Bulaga para sa mas maraming Pilipino, saanman sila sa mundo, ang mas mabilis na pagsasanib ng tradisyunal na telebisyon at social media nang pagsamahin nito sa isang pormula ang “kalye”, “serye”, “tweet” at “hashtag” sa “pinakalumang” palabas sa telebisyong Pilipino.
Pagnanasa, pasakit at pag-asa – Sino nga bang migranteng Pilipino ang hindi nakaranas na malumbay para sa minamahal? Ang hamakin ang lahat para lamang sa ikasasaya ng karelasyon, kaanak, kababayan? Sa kalyeseryeng AlDub, hinahamon ang pag-iibigan nina Yaya Dub at Alden. Maraming balakid, maraming pagsubok at tila laging may humahadlang. Hindi estranghero ang migranteng Pilipino sa araw-araw na pagnanasa at pasakit. Gayunpaman, laging may pag-asang balang-araw ay darating din “ang tamang panahon” na muli silang makakauwi at makakapiling ang minamahal.
Ang kapangyarihan ng migranteng Pilipino na lumikha ng kasaysayan
Penomenon ngang maituturing ang “lakas” ng AlDub sa hanay ng migranteng Pilipino, pero hindi ito isang “milagro”. Hindi totoong basta lang #GodgaveusAlDub. Hindi ito magic.
Kahit ang Eat Bulaga ay aminadong ang AlDub ay isang mapangahas na eksperimento. May syensya (science) sa likod ng tagumpay ng AlDub, at naging susi ang migranteng Pilipino sa pagsasakatuparan nito.
“Organisado” ang mga fans nito sa hanay ng migranteng Pilipino. Sa isang pag-aaral, napag-alamang may mga “lead” Twitter account sa bawat syudad at bansa sa buong mundo sa pangunguna ng mga migranteng bahagi ng tinaguriang “AlDubNation”. Ang bawat account ay may tinatayang 20,000 hanggang 50,000 na followers. Sa bawat araw na nagpapalit ng hashtag, nakaabang na ang mga lead account na ito at sabay-sabay na nagtu-tweet para suportahan ang palabas.
May mga account ding “AlDub Police” na alistong nagbabantay at agad na nagpapaabot kung mali ang hashtag na ginamit. Sa ganitong paraan, nababantayan ang wastong paggamit ng unified hashtag at natitiyak na dumadagdag ang tweet sa kabuuang bilang ng mga tweet para rito.
Masasabing ganap na ring napaghusayan ng Eat Bulaga ang wastong tambalan ng “online” at “offline” na pangangampanya para sa AlDub. Pinangungunahan ng buong cast – mga host, staff at personnel ng Eat Bulaga at TAPE Inc., sampu ng kani-kanilang mga kamag-anak, kaibigan at libu-libong Facebook friends at Twitter followers – ang pagpapalaganap ng bawat hashtag sa inaraw-araw. Orchestrated ito, planado at pinaghandaan. Ang mga host mismo ay masugid kung mag-live tweet sa tuwing pinapalabas ang kalyeserye.
Isa pang magandang halimbawa ng wastong pagtatambal ng “online-offline” ay ang pormulang pumupunta mismo ang show sa kung saan naroon ang mga manonood, sa mga mga maralitang komunidad. Sa segment na “All for One, One for All”, literal na nasa kalye ang serye. “Abot-kamay” ng mga manonood ang mismong mga karakter. Tulad ng mga tagasubaybay sila ma’y naiinitan, nauulanan, hindi nanananghalian at napapagod din sa paglalakad. Sa gayong pamamaraan, para sa nakararami at laluna para sa mga migranteng “malayo” (alienated) sa kalye, “buhay” ang palabas at hindi mga litrato at bidyo lamang sa telebisyon o monitor.
Hindi rin naging madamot o “ekslusibo” ang AlDub, malamang isa bagay pang lubos na ikinalugod ng mga migranteng Pilipino. Hindi na nila kailangan ng mamahaling cable subscription o pagtiyagaan ang pangit na uploaded video sa YouTube para lamang mapanood ang palabas. Lahat ng mga episode ay naka-upload sa mismong Facebook page at Youtube channel ng Eat Bulaga. Malaking bagay ito para masundan pa rin ng mga migrante ang itinatakbo ng kwento nasa trabaho man sila o ibang time zone. Kung babasahin ang mga komento at susundan ang mga shares at likes sa mga bidyo sa Facebook, halimbawa, agad makikita na kalakhan sa mga ito ay mula sa mga Pilipino sa ibang bansa.
Kaya naman, anupaman ang katuturan (relevance), o kawalang-katuturan ng AlDub para sa ilan, kung may napatunayan man ang penomenong ito, iyon ay ang kakayahan at kapangyarihan ng migranteng Pilipino na lumikha ng kasaysayan.
Una nang naipamalas ang kapangyarihang ito sa mga kampanyang “Zero Remittance Day”, pandaigdigang panawagang relief at mga donasyon para sa mga nasalanta ng supertyphoon Yolanda, #SaveMaryJane, #HandsOffOurBalikbayanBox, at ngayon sa isyu laban sa #TanimBala. Sa organisado, nagkakaisa at pursigidong pagkilos ng migranteng Pilipino, tiyak na naitatawid ang anumang malakas na mensahe ng sektor hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
Patunay rin ito na isang malakas at di-matatawarang pwersa ang migrante sa loob at labas ng social media. May tinatayang 12 hanggang 15 milyong migranteng Pilipino sa buong mundo, doble at triple pa ang kakayaning abutin at impluwensyahan ng bilang na ito kung isasama ang kanilang mga pamilya, kaibigan at tagasuporta sa loob at labas ng bansa, online man o offline.
Kung gayo’y malaking hamon sa migranteng Pilipino kung paanong maipapamalas pa ang kanilang kapangyarihan upang ihawan ang landas para sa “tamang panahon”. Panahon na higit na magkaisa para sa Inang Bayan. Panahon na wastong ipagsanib ang nagkakaisang layunin, hangarin, lakas, talino at tapang para sa pagbabagong panlipunan. Panahon na iwaksi ang bulok at ilantad ang mga mali. Panahon na pangibabawan at labanan ang mga balakid at ituwid ang baliko at “tuwad” na daan. Ano ang pormula? Nananatiling sa mahigpit na pagkakaisa at sama-samang pagkilos ng migranteng Pilipino sa buong mundo.
Sa takdang pagkakataon, parating ang isa pang “tamang panahon”: #VoteforHome.