Quantcast
Channel: Kultura – Pinoy Weekly
Viewing all 164 articles
Browse latest View live

Balligi ti Umili: Pagtatanghal sa Politika ng Karahasan, Kapayapaan at Katarungan

$
0
0
Pagkamit ng makasaysayang yugto ng kilusang mapagpalaya sampung taon mula ngayon ang mapangahas na mensahe ng dulang Balligi ti Umili (Tagumpay ng Mamamayan) na itinanghal ng Dap-ayan ti Kultura iti Kordilyera (DKK) katuwang ang Cordillera People's Alliance (CPA). (Contributed photo)

Hindi simpleng pagbalik-tanaw sa mahigit 30 taong karanasan ng Kilusan para sa Sariling Pagpapasya ng mga katutubong mamamayan sa Kordilyera ang dulang Balligi ti Umili, kundi pagsilip sa isang maningning na bukas. (Contributed photo)

Pagkamit ng makasaysayang yugto ng kilusang mapagpalaya sampung taon mula ngayon ang mapangahas na mensahe ng dulang Balligi ti Umili (Tagumpay ng Mamamayan) na itinanghal ng Dap-ayan ti Kultura iti Kordilyera (DKK) katuwang ang Cordillera People’s Alliance (CPA) sa ika-30 Aldaw Kordilyera (Cordillera Day) na ginanap sa Pasil, Kalinga noong Abril 24-26, 2014.

Hindi simpleng pagbalik-tanaw sa mahigit 30 taong karanasan ng Kilusan para sa Sariling Pagpapasya (Self-Determination) ng mga katutubong mamamayan sa Kordilyera at Ilokandia. Bagkus, ang dula ay pagsilip sa isang maningning na bukas para sa ahitasyon ng mamamayang nakikibaka.

Sa pamamagitan ng dula sa loob ng dula, naging bahagi sa pagdiriwang ang mahigit 3,000 Kaigorotan kasama ng iba pang katutubo mula sa Ilokandia, Mindanao, Gitnang Luson, Visayas at NCR maging ng mga nakikiisang katribu mula sa ibang bansa gaya ng Taiwan, Panama, Bangladesh, India, Nepal, Indonesia, Fiji, Estados Unidos, Canada, India, Malaysia, Ecuador, Kenya, Japan, Switzerland at Belgium.

Sa unang eksena, buong kagalakang idineklara ni Bugan (Elder Woman na ginampanan ni Aisa Mariano) ang isang pattong bilang pagpunyagi sa Cordillera Day 2024: Araw ng Pagkamit ng Sariling Pagpapasya. Habang ang community dance na pattong ay mistulang isang tradisyunal na paraan ng pagbukas sa isang espesyal na araw sa kabundukan ng Kordilyera sa pormang tradisyunal na sayaw at sa saliw ng katutubong gangsa ng tanso at ginto, hatid nito ay indayog ng pag-asa.

Sa mata ng pamahalaang binulag ng yamang nakaw, maaaring ang inangking tagumpay na ito bilang ani ng mga katutubo gawa ng masikhay na pakikipaglaban para sa kanilang karapatan ay isa lamang konseptong katatawanan at hibang. Sa tainga naman ng mga sundalong biningi ng mensenaryong pampasabog, isa itong tipo ng balitang maaaring ikayayanig halimbawa ng 41-Infantry Battalion na tinuturo ng mga katutubo bilang may kinalaman sa masaker ng pamilyang Ligiw sa Abra gayun din ng mga berdugong pumatay sa lider ng ili (pamayanan) at tagapagtanggol ng karapatang pantao na si William Bugatti ng Ifugao noong Marso.

Festibal na maituturing ang bawat paggunita ng Aldaw Kordilyera dahil sa katangian ng pagtitipon at gayak na nalilikha nito ngunit kaiba sa makulay o artipisyal na festibal ng Department of Tourism, seryosong usapin ang tampok sa Cordi Day.

Una, ginugunita ang kabayanihan ni Apo Macli-ing Dulag (1930-80) at ng iba pang banwar, mga martir ng bayan na nag-alay ng buhay upang depensahan at ipaglaban ang lupaing ninuno. Maalalang si Apo Macli-ing ay pinaslang ng mga sundalo ng diktaduryang Marcos dahil sa kanyang paggigiit sa kalinangan ng lahat ng tribo laban sa dambuhalang Chico Dam ng World Bank.

Pangalawa, okasyon ito para pag-usapan ang problema ng mga katutubo sa ilalim ng isang pamahalaang nangunguna sa paglabag sa Free, Prior and Informed Consent (FIPC) at may ganang mangamkam ng lupaing ninuno gamit ang Mining Act of 1995. Matapos ang halos dalawampung taong pagbibigay-laya sa mga dayuhang namumuhunan at korporasyong multinasyunal, nararanasan ngayon ang mapanirang epekto ng large-scale mining gaya ng landslide at pagbaha, pagkatuyo ng mga ilog sa rehiyon at kabawasan sa matabang lupa dahil sa lason ng mine tailing.

Ikatlo, ang Aldaw Kordilyera ay isang ritwal ng sanduguan (solidarity / pagkakaisa) ng iba’t ibang tribong may iisang luha at kaaway. Dito, pinag-aaralan at pinagkakasunduan ang gagawing aksyon para sa mga luma at bagong hamon.

Ikaapat, ito ay ay palitang-sining sa pagitan ng mga tribo gaya ng chant/awit, sayaw, kwento, tula at dula bilang pagpunyagi sa mga tagumpay ng kilusan sa rehiyon sa mga isyung politikal, pang-ekonomiya at kultural.

Tagumpay ang pambungad at pangwakas ng palabas ngunit walang pagpapanggap na ito ay makakamit nang madalian at di marahas.

Sa pamamagitan ng flashback, inilahad sa mga sumunod na eksena ang masalimuot at madugong mga realidad sa pagsuway sa kapritso ng mga naghahariharian. Sa kontemporaryong sayaw, maunawaan ang monologo ni Procopio (Oyen Pangket) bilang respetadong pangat (pinuno) ng ili na isang araw ay nawala at nakita na lamang na bangkay. Malinaw na ang distorsyon ng kanyang katawan ay sanhi ng bugbog at sangkatutak na klase ng tortyur.

Ang kasunod na awit ni Wanay (Cherel Killip) ay hinagpis ng isang ina para sa dinuduyang sanggol na nawalan ng ama. Ang awit naman ng Taumbayan ay pagkilala sa isang amang “matapang, malakas ang loob / at masigasig sa pag-oorganisa / para sa pagkakaisa at kalayaan / para sa bayan at kinabukasan”.

Pinukaw ng mga awit sa tono ng kullilipan (solong pambabae) at salidummay (pangkorus / community singing) ang alboroto sa dibdib ng mga manunood sa pagpanaw ng mga mahal sa buhay gaya nina Makoy, Alice, Pepe, Chadyaas, Kamareg, Doton at Romy na pawang nagmana sa paninindigan ng dakilang pangat na si Apo Macli-ing. Kabilang sina Markus Bangit, Alice Claver, Pepe Manegdeg, Etfew Chadyaas, Johny Kamareg, Jose Doton at Romy Sanchez sa mga biktima ng extra-judicial killing kung saan ang karamihan sa mga sangkot na militar, pulis at para-militar na tropang Ambo Balweg o ang traydor na Cordillera People’s Liberation Army ay nanatiling malaya para maghasik ng lagim.

Nagluluksa ang mga bata’t matatanda, gayundin ang lupa, palay, ibon at mga sanga ngunit sa isang ellalay (chant) na “kailangang ipagpatuloy ang laban”, nangingibabaw ang likas na pagnanais ng mamamayan na tumindig para sa katarungan.

Sa kabilang banda, makatotohanan namang pinakita ang naramdamang takot ni Wanay sa puntong nais niyang ilayo sa kanilang bayan ang kanyang anak na si Kawil (Edong Dacoscos) at tuluyang mamuhay nang “tahimik” sa Baguio. Ang ganitong pagbabakwet ng mag-ina ay maisasalamin sa penomena ng malawakang paglikas gawa ng paghaharing-militar sa iba’t ibang nayon laluna kung saan may korporasyong balak ng pagmimina, pagtrotroso, pagpapa-dam o kaya pagpa-planta.

Ang talunang aparato ng sistematikong pananakot ay nagdudulot ng dislokasyon maging ng kalooban ng indibidwal man o ng buong komunidad ngunit batay na rin sa kasaysayan, sa isang panig ay lalo lamang nitong pinapatibay ang kawastuhan ng pananaw ng mga katutubo hinggil sa kabuloktutan ng sinasabing mga proyektong pangkaunlaran gaya ng mga plantang hydro at geotermal ng Chevron maging ng minahang Makilala-Free Port McMoRan ng Phoenix, Arizona.

Mismong sa Pasil na lunan ng pagtatanghal, iginiit ng tribong Guinaang sa pamumuno ng Indigenous Farmers Association of Guinaang, Pasil, Inc. (IFAGPI) ang paglunsad ng pagtitipon sa kabila ng mga bantang pagkitil ng buhay mula sa militar at mga ahente ng Makilala Mining Company na balak sirain ang mahigit 3,000 ektarya ng lupaing ninuno.

Sa harap ng ganitong hamon, kailangan ng isang pinunong may bakal na determinasyon: di natutunaw ng alok na salapi, ginto o CADT (Certificate of Ancestral Domain Title) ng NCIP (National Commission on Indigenous Peoples). Higit na kinakailangang pagtibayin ang sintido-komong Katutubong Batas (Customary Law) hinggil sa lupa kung saan “ang tao ay kinikilalang tagapaglinang at kung sinuman ang may ganang manira ay kailangang parusahan”. At sapagkat mapanghati ang pamamaraang pag-unlad ng kasalukuyang pamahalaan kasakapat ang mga dayuhang korporasyon, higit na kinakailangang buhayin ang isang unity/peace pact gaya ng Tomangan.

Sa gabay ni Apo Konao (Bernard Banao), ganito pinanghawakan ng mga katribung naiwan sa baryo ang kanilang lupang pamana. At sa bawat paglaban ay ang panawagan sa mga kabataan upang kumilos, isang alingawngaw ng bundok na pumagting hanggang sa pansamantalang pamamahay sa lungsod ng mag-inang Wanay at Kawil.

Sa kanilang naranasang diskriminasyon, demolisyon at pagkasira ng katutubong kultura, binasag ng dula ang konseptong iskapismo habang pinatunayan din ang lapot ng dugong Igorot. Si Kawil ay lumaking puno ng tanong at sa kanyang kagustuhang mahanap ang sagot ay muling inaral ang mga awit at sayaw ng kanyang lupang sinilangan. Sa isang digdigwi ay naitanghal ang kanyang simpatiya sa nararanasang paghihirap ng kanayon mula sa simpleng pandaraya sa presyo ng gulay at bulaklak hanggang kawalan ng serbisyong pangkalusugan at edukasyon maging sa pagdukot at pagpaslang ng kanilang kamag-anak.

Sa awit na Fétad! Entay Epanawagan (Fétad! Ating Ipanawagan), mauunawaan sa kasabay na masigabong palakpakan na si Kawil ay sumapi sa Bagong Hukbong Bayan (NPA). Ito ang huling mensahe sa flashback.

Maaaring may impresyong iglap ang solusyong pamumundok ni Kawil laluna kung di mo kabisado ang ritmo ng hininga at galaw ng mga kamay at paa ng mga katutubong malaon nang isinasantabi. Ang transisyon ay naganap mismo sa tauhan nang magkaroon ito ng bagong pananaw.

Hindi sapat ang dalawang oras upang mailahad ang epiko ng pakikibaka ng katutubong mamamayan sa Kordilyera at Ilokandia maging ang pagkamit ng tagumpay nito mula panahon ng kolonyal na pananakop. Gayunpaman, malinaw ang ipinakitang tunggalian sa dula at ang lohika ng pasyang pag-aarmas ng kabataang tauhan.

Sa huling chant ng isang Babaeng Pinuno (Ani Bungaoen), binanggit niya ang halaga ng kasaysayan at pag-alaala sa mga aral “hindi lamang ng rehiyon kundi maging ng buong bansa sa kung paano nakamit ang isang lipunang malaya”. Ang pagsulong kung gayon para sa Sariling Pagpapasya ay sang-ayon sa perspektiba ng isang pambansa-demokratikong rebolusyon.

Balik-Tanaw sa Dulang Macli-ing

Noong 1988, itinanghal ng Philippine Educational Theater Association (PETA) ang dulang Macli-ing sa panulat ni Malou Jacob. Binuksan ng dula ang diskurso hinggil sa katahimikang nakabatay sa hustisya laban sa tipo ng katahimikang bunsod ng eskimang pangangayupapa ng isang estado gaya ng nangyaring kutsabahan ng Tropang Balweg at Pamahalaang Corazon Aquino.

Ang kabalintunaang “Ang tunay na mandirigma ay alagad ng kapayapaan”  ay isinambit ng Taumbayan sa talastasan ng gagawing tugon hinggil sa mensahe ni Apo Macli-ing para sa katuparan ng katarungan para sa kanya at sa kanilang ili sa pamamagitan ng pagkakaisa ng mga katutubo at maging sa suporta ng iba’t ibang sektor sa bansa.

Si Apo Macli-ing ay kinilalang tagapagtakwil ng tribal war bilang labi ng kolonyal na taktika ng divide and rule na naranasan ng kanilang mga ninuno laluna sa ilalim ng kolonyal na panghimasok ng Amerikano (1898-1946). Sa halip ay itinaguyod niya ang tradisyong mapagkaisa: ang bodong sa pagitan ng dalawang tribo at sa malaon ay sa pagitan ng maraming tribo (inter-tribal). Ang bodong kung gayon ay naging daan upang mapalalim ang pag-unawa ng mga katutubo maging ng mga naninirahang Ilokano sa patag hinggil sa kung sino ang tunay na kalaban ng mamamayan: silang nagtaguyod ng mapanira at mapaghating proyekto gaya ng Chico River Dam na pinangambahang magpapalubog sa kanilang ili.

Naging popular din ang mga pahayag ni Apo Macli-ing sa harap ni Pangulong Marcos at ang kroni nitong si Manuel Elizalde bilang repleksyon ng prinsipyo ng mga katutubo hinggil sa kanilang lupaing hindi pagmamay-ari ninuman sapagkat ito ay pahiram lamang ni Kabunian (Bathala / Tagapaglikha) sa tao upang kalingain at pagyamanin. Sa katutubong paniniwala kung gayon, “ang lupa ay hindi simpleng pagmamay-ari kundi bahagi ng pamanang lahi na nararapat lamang alagaan”. Taliwas ito sa kapitalistang konsepto ng pribadong pagmamay-ari at pagsasamantala sa ngalan ng malaking tubo na siyang pinamalas ng pamahalaang Marcos alinsunod sa patakaran ng World Bank. Samantala, ipinagmamalaki ng mga katutubo na sa kanilang pamanang lupain, “dito sila isinilang, dito sila nabuhay at namulat at dito rin mamamatay” gaya ng sinasambit sa Ti Daga Nagtaudan na awit ng DKK.

Sa karumaldumal na panahong batas militar, naranasan ng mga katutubo ang pagbomba sa komunidad, panununog ng kabahayan, pag-salvage at panggahasa sa mga kababaihan. Ngunit hindi nasiraan ng loob si Apo Macli-ing gaya ng nais mangyari ng kanilang kalaban. Sa halip, pinatawag niya ang buong ili: bata, matanda, kabataan, kababaihan at kalalakihan at nanawagan sa pamamagitan ng chant at sayaw ng isang Fétad! (paglaban).

Subalit umigting rin ang pasistang pamamalakad ng pamahalaan. Umabot sa puntong ang karamihan sa mga kalalakihan ay dinala sa piitan ng mga militar. Sa kabilang banda, ang iba ay aktibong nakidigma sa hanay ng NPA. Samantala, ang mga naiwang kababaihan naman sa baryo ay aktibong lumahok sa mga aksyong protesta o civil disobedience gaya ng pagdistrungka sa mga sasakyan ng mga kagamitan para sa pagtayo ng dam maging sa pagsira ng mga tent ng mga sundalong nagkakampo sa kanilang ili.

Ang mga kababaihan ay hindi nagpatinag sa mahahabang baril ng mga militar at sa halip ay matapang nilang hinarap ang mga ito bilang pagdepensa sa kanilang lupain. Nangyaring nagsimulang magtanggal ng saplot ang isang Bakét (Elder Woman) upang tigilan ang mga militar. Sa tradisyon ng senyales ng Fétad!, sumunod na naghubad ang iba pang kababaihan habang ang isang Nanay ay nagpasirit ng gatas upang mapahiya ang mga militar na pawang kalalakihan. Matandaang sa Ikatlong Akto, ang mga kababaihan sa ili ay nakaranas ng panggahasa bilang sukdulang pagyurak sa kanilang karapatan bilang babaeng ina, anak, kapatid, kamag-anak o kababayan. Kung kaya, sa kasaysayan ng Kaigorotan, ang aksyong ito ay itinuring na matagumpay sapagkat sa huli ay napahiya, umatras at tuluyang umalis ang mga nagkampong militar. Sa pagtapos ng dula, inimbitahan ang mga manunood sa isang pattong na maaya namang nilahukan ng mga manunood.

Malaking elemento ng dula ang karahasan bilang halaw ito sa buhay ni Apo Macli-ing sa panahon ng batas militar ni Marcos. Bukod dito, ang pinangyarihan ng dula sa kabundukan ng Kalinga ay isang lokasyon kung saan ang paglulunsad ng mga katutubo ng armadong labanan ay hinihiling ng kondisyong nasa panganib ang kanilang lupaing ninuno, kabuhayan, kultura at ang susunod na salinlahi. Ang animasyon ng kanilang pagiging mingor (warrior) sa kontemporaryong panahon ay pagpapahayag rin ng kanilang panawagan para sa sariling pagpapasya kung saan umiiral ang sustenableng pamumuhay at sanduguan.

Binibigyang-pansin ang linyang “Ang tunay na mandirigma ay alagad ng kapayapaan” dahil mayroon itong dalawang mukha ayon sa kung sino ang nagsambit nito: (1) batay sa tauhang nakakilala kay Apo Macli-ing na nagpasimuno sa pagtigil ng tribal war o ang walang kapararakang ubusang-lahi ng tribong Igorot laban sa isa pang tribong Igorot dahil sa mga tunggaliang ayon kay Ama Macli-ing ay maaaring mapag-usapan; at (2) batay sa tauhang kumakatawan kay Marcos, ang kroni nitong si Manuel Elizalde, ang sunud-sunurang Kapitan at ang mga militar.

Sa unang pananaw, binibigyang-linaw na ang mandirigmang gaya ni Apo Macli-ing ay naniniwala sa pagpanaw ng tipo ng tunggaliang labi ng kolonyal na pamamaraan ng pagwasak sa pagkakaisa ng kanilang ili. Magaganap ang pagpanaw na ito sa pamamagitan ng pagsusuri sa problemang kinakaharap ng pamayanan at sa pagkilala kung sino ang tunay na magkakampi at magkalaban sa napakamahalagang usapin ng lupa.

Sa ikalawang pakahulugan, ang linya ay naka-angkla sa layunin ng pangangayupapa ng mga katutubo nang sa gayon ay kusa nilang pabayaan ang pagpapatayo ng dam sa lupaing saklaw ng kanilang lupaing ninuno. Ang paghahalo ng balat sa tinalupan ay nagiging aparato ng estado sa ibayong panloloko sa mamamayan. Samantala, ang gera at ang pakikisangkot dito ng mga mamamayang hangad ay kapayapaan sa kanilang ili ay isang katotohanang kinagisnan na ng mga ina at anak ng iba’t ibang tribo at angkan sa Kordilyera. Sa isang banda, sa pag-iral ng kasaysayan ng mapagpasyang paglaban, ang gerang ito ay inilulunsad lamang dahil kailangan.  Para sa mga katutubo, ang kabundukan ay tangi nilang tahanan. Kinakalinga nito ang lahat ng kanilang pangangailangan gaya ng pagkain, gamot, hangin at edukasyong pangsiyensa at pangkultura.

Kaya naman hangga’t may sintomas ng pagsalaula ng kanilang tahanan, ang kanilang pamayanan ay nakahandang sumugod at makipaglaban sa isang panawagan lamang ng Fétad! mula sa kanilang pangat. Sa literal, ito ay tumutukoy sa terminong laban o sugod. Sa tradisyon ng Kaigorotan, ito ay senyas ng Tribal War ngunit sa pag-unlad ng pampolitikang kamulatan ng mga katutubo mula sa inisyatibang bodong ni Apo Macli-ing, nagkaroon ng panibagong pakahulugan ang Fétad! tungo sa progresibong panawagan ng isang People’s War na nakabatay sa usapin ng lupaing ninuno at demokrasya. Sa esensya, para sa mamamayan ng Kordilyera, ito ay deklarasyon ng digmang bayan.

Maitatalang ang finale na awit na Ili Mid ay popular din sa mga komunidad na inoorganisa ng NPA at ng Cordillera People’s Democratic Front (CPDF) sapagkat ang buhay ni Apo Macli-ing at ang laban sa Chico River Dam ay bahagi ng kontemporaryong epiko ng Kordilyera. Nalikha din sa rebolusyunaryong hanay ang mga salidummay na nagsasalaysay sa bahaging ito ng kasaysayan sa rehiyon.

Walang patutunguhan ang Usapang Pangkapayapaan kung hindi sinsero ang gobyerno na isakatuparan ang mga demokratikong hinaing ng mga katutubo. Ito ang deklarasyon ng mga Apo at Bakét noong Aldaw Kordilyera 2011 kung saan naganap din ang Joint Peace Consultation of Cordillera Indigenous People, Government of the Philippines (GPH) at ng NDF. Samantala, may pag-aalinlangan ang mga katutubo sa kagaganap lamang na Peace Agreement sa pagitan ng GPH at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Ibang usapin ang pagkaroon ng pag-uusap. Ibang usapin pa rin ang pagpatupad sa mga napag-usapan laluna hinggil sa hinaing ng mga katutubo.

Kung gayon, nananatiling mahalaga ang pagpapakita sa dalawang dula ng armadong pakikipaglaban bilang isang realidad sa rehiyon. Batay sa tradisyon, ang bawat isinilang na katutubo ng Kordilyera ay tinuturing na isang mingor at inaasahang siya ay magiging palaban. Sa kanilang paglaki, nakasanayan nila ang mga kagamitan sa pagbubungkal ng lupa o kaya sa pagmimina bilang mga armas na dapat nilang tanganan.

Kung kaya, sa kanilang malay ang pag-aarmas para bantayan ang kanilang lupaing ninuno ay isang mahalagang bahagi ng kultura. Sa ganitong perspektiba mahusay na maihatid sa tanghalan ang representasyon ng marahas na pakikipaglaban ng mga katutubo alang-alang sa inaasam na kapayapaan at tunay na awtonomiyang (Genuine Regional Autonomy) kundi man matamasa sa kasalukuyan ay matatamasa ng susunod na salinlahi.


10 dahilan kung bakit di ginawaran ni Noynoy ng National Artist Award si Nora Aunor

$
0
0
Nora Aunor, noong nagbalik-telebisyon siya, taong 2011. <strong>WIkimedia Commons</strong>

Nora Aunor, noong nagbalik-telebisyon siya, taong 2011. Wikimedia Commons

opinyon-iconHanggang sa pagkakasulat nito, tila malabo pa rin sa mga tagapagsalita ng Malakanyang kung bakit tinanggal ang pangalan ni Nora Aunor sa mga gagawaran ng National Artist. Basta ang sabi ni Sonny Coloma, nasa discretion ng Pangulo ito, di niya kailangang magpaliwanag. Siya ang tanging may prebilehiyo na mamili kung sino ang karapat-dapat — hindi iyung mga kapwa artista, hindi mga alagad ng sining, hindi mga kritiko at patrons ng sining, hindi ang mga mamamahayag, at hinding hindi ang mga mamamayang Pilipino na tumatangkilik sa sining at popular na kultura. Siya lang. You already.

May narinig din tayong tsismis na moralidad daw ang batayan kung bakit binura ang pangalan ni Superstar sa listahan ng gagawaran ng titulong Pambansang Alagad ng Sining. Pero kung uuriratin ang buhay ng bawat National Artist, siguradong may madidiskubreng “imoralidad” sa ilan sa kanila. Personal na kahinaan man iyan (“May pangalawa siyang pamilya!”) o pampulitika (“Sinuportahan niya si Marcos!”) hindi maiiwasan na magkaroon ng bahid ng kahinaan kahit ang kapita-pitaganang mga artista ng bayan. Pero sabi nga, hindi ito ang dapat na batayan ng pagiging National Artist. Artist nga eh, hindi santo, ang hinahanap natin.

Sa kabila ng kabalintunaan ng mga tagapagsalita ng Pangulo, tahimik mismo si Noynoy Aquino. Kung kaya, hayaan ninyo kaming pabirong mag-speculate: Ano kaya ang 10 dahilan kung bakit ayaw ng Pangulo na gawing Pambansang Alagad ng Sining ang isang Nora Aunor?

1. Dahil may kahawig siyang dating Pangulo na kinamumuhian ng kasalukuyang Pangulo.

La Gloria ala La Aunor: DI kasalanan ni Ate Guy na mistulang kinopya ng dating pangulo ang kanyang hitsura.

La Gloria ala La Aunor: DI kasalanan ni Ate Guy na mistulang kinopya ng dating pangulo ang kanyang hitsura.

Unahin na natin ito. Obvious, di ba. Ayon sa urban legend, pinadron ni Gloria Macapagal-Arroyo ang hitsura niya sa Superstar noong nangangampanya siya. May posing pa siya sa mga poster na Norang Nora. Pati nunal. Maaalala rin nating nagrali si Nora Aunor laban kay Erap noong EDSA Dos — ang popular na pag-aalsa na nagluklok sa poder kay Gloria. At dahil sa galit ni Noynoy sa dating Pangulo, pati iyung artistang ginaya ng huli, pinagdiskitahan niya.

2. Dahil baka marekluta ng Oposisyon si La Aunor para tumakbo sa 2016.

Ewan natin kung ano ang latest sa relasyong Erap at Nora–kung nagbati na sila magmula noong EDSA Dos. Anu’t anuman, minsan na nating nakita ang Superstar na tumakbo sa isang pampulitikang posisyon–bilang gobernador ng Camarines Sur, noong 2001. Tumakbo siya sa ilalim ng Aksyon Demokratiko ni Raul Roco, na nasa ilalim naman ng People Power Coalition ng administrasyong Arroyo. Pero, sa mismong kampanya, ang kuwento’y naging makinarya niya ang mga Maka-Kaliwa, lalo na ang mga miyembro ng Bayan Muna. Ang balita rin natin, hindi ganun kaaktibo si La Aunor sa pangangampanya kaya natalo siya. Pero sa malayong senaryo na mapapatakbo siya para maging bise-presidente (o senador) sa 2016, at dahil sa tila’y muling-pagkabuhay ng career niya, malaki ang tsansa niya. Pero…gusto ba nating maging pulitiko ang nag-iisang Superstar?

3. Dahil matapos ang backlash sa reputasyon ni Noynoy nang aminin niyang naninigarilyo siya, ayaw na ng Pangulo na maggawad ng Award sa isa pang sinasabing nagpo-promote ng paninigarilyo.

Nora sa cover ng "Yes Magazine" (Oktubre 2011)

Yosi Girl: Nora sa cover ng “Yes Magazine” (Oktubre 2011)

Yosi Kadiri si Noynoy, at matindi na ang natanggap niyang mga puna sa pagdedepensa sa kanyang bisyo. Kaya, sabi sa haka-hakang ito, ayaw na niyang palalain ang masamang reputasyon. Si Nora, na na-feature sa isang magasin na naninigarilyo, ay masamang ehemplo sa kabataan. Dati pang napuna ang magazine cover na ito.

4. Dahil naniniwala si P-Noy na masamang ehemplo si La Aunor sa dating paggamit ng huli ng bawal na gamot.

Ate Guy sa pelikulang "'Merika" (1984)

Ate Guy sa pelikulang “‘Merika” (1984)

Siyam na taon na ang nakakaraan nang mahuli si Nora na may dalang shabu sa Los Angeles International Airport. Mula noon, naungkat na sa publiko ang paggamit niya ng bawal na gamot — isang bagay na hindi naman kataka-taka at hindi naman unique sa showbiz. Alam naman nating laganap ang paggamit ng recreational drugs sa mga artista. Dahil ito, siyempre, sa napakadaling akses nila sa mga droga. Pero dahil din sa presyur ng trabaho. Siyempre, hindi dapat kinukunsinti ang paggamit nito. Pero sabi nga, biktima sila. At naalpasan na ito ni La Aunor sa kanyang buhay.

5. Dahil maraming beses nang sinabi ni Noynoy na di pa niya tiyak ang tindig niya sa same-sex marriage; nabalitang nagpakasal si Ate Guy sa isang kapwa-babaing partner noong 2000.

Kapag sinabing “moralidad” ang batayan ng Palasyo, posibleng di lang tinutukoy nito ang dating problema ni Nora sa bawal na gamot. Samantala, bagamat di pa tiyak ni Noynoy ang tindig niya sa same-sex marriage, maraming beses na niyang inihayag na di siya sang-ayon sa child adoption ng gay couples–isang posisyon na ayon sa mga kritiko’y mistulang di-pagsang-ayon sa same-sex marriage. Samantala, sinabi ni Ate Guy sa isang panayam na maaaring “bisexual” siya. Walang kinalaman dapat ang seksuwal na oryentasyon sa pagpili kung karapatdapat o hindi na maging National Artist si Nora. Pero halimbawa’y totoo ito, magtataka pa ba tayo kay Noynoy?

6. Dahil sa programang counter-insurgency na Oplan Bayanihan. Isa sa pinaka-memorableng roles ni Ate Guy ang armadong rebelde sa Andrea, Paano Ba Ang Maging Isang Ina?

Andrea, Paano Ba Ang Maging Isang Ina? (1990)

Andrea, Paano Ba Ang Maging Isang Ina? (1990)

Isa sa pinakamahusay na ginanap na roles ni La Aunor ang pagiging Andrea sa naturang pelikula. Si Andrea ay isang gerilya, miyembro ng New People’s Army o NPA na napuwersang mag-iwan ng kanyang anak sa isang kaibigan matapos mamatay ang kanyang asawang gerilya rin. Isa ito sa iilang pelikulang Pilipino na simpatetiko at makataong pagsasalarawan ng mga rebelde. Ina si Andrea na may ipinaglalaban, pero ina pa rin siya. Noong Marso, nahuli ng militar ang anak ng dating tagapagsalita ng mga rebelde sa totoong buhay na si Gregorio “Ka Roger” Rosal. Si Andrea Rosal, na namatayan ng kapapanganak-pa-lamang na sanggol dahil sa marahas na kondisyon ng kulungan ng gobyerno ni Aquino, ang isa sa pinakatanyag na political prisoners ni Aquino ngayon.

Siya nga pala, ipinakita rin ng pelikulang Andrea ang mga paglabag sa karapatang pantao noong panahon ni Cory Aquino.

7. Dahil sa The Flor Contemplacion Story — pelikulang tumutuligsa sa unwritten na polisiya ng gobyerno na Labor Export Policy, o ang pagtutulak ng gobyerno na mangibang bayan ang mga Pilipinong manggagawa dahil di sila mabigyan ng gobyerno ng trabaho sa sariling bansa.

Sa lahat ng pelikulang Pilipino, iilan lang ang direktang pumaksa sa problema ng puwersahang migrasyon sa mga Pilipino. Sa The Flor Contemplacion Story, direktang pinaksa ito, at direkta ring inilantad ang pananagutan ng gobyerno. Bagamat panahon pa ni Fidel Ramos ang kaso ni Contemplacion, nagpapatuloy ang polisiya ng labor export policy sa ilalim ni Noynoy Aquino. Katunayan, tulad ng nakaraang mga rehimen, remitans pa rin ng Overseas Filipino Workers (OFW) ang bumubuhay sa ekonomiya ng bansa. Kapag nahirang si Nora bilang National Artist, tiyak na babalikan ng publiko ang pelikulang ito–at mapapaalala sa kainutilan ng gobyerno, noon at ngayon, na pangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga Pilipino sa ibayong dagat.

Eksena mula sa The Flor Contemplacion Story

Eksena mula sa “The Flor Contemplacion Story” Fukuoka Film Archive

8. Dahil sa Sa Ngalan ng Ina. Ala-Cory Aquino ang karakter ni Nora na lumaban sa despotikong gobernador na karakter ni Christopher de Leon sa eleksiyon.

Sa comeback ni Ate Guy sa telebisyon noong 2011, gumanap siya ng karakter na kapwa pamilyar sa kanyang sariling karanasan (bilang dating gubernatorial candidate sa Camarines Sur noong 2001) at sa kasaysayan ng bansa. Ikinatuwa ng marami ang muling pagpapakita ng husay ni Nora sa pagganap ng isang nagluluksang asawa na natulak sa pulitika. Pero posible ring ikaasar ng pamilya Aquino ito–malinaw ang reference kay Cory, pero nagpaalam ba ang TV-5 sa kanilang pamilya? Isa pa, may plot twists na ikakataas ng kilay ni Noynoy at Kris Aquino: ang love interest ng anak ng karakter ni Nora at anak ng karakter ni Christopher, ala-Kris at Bongbong.

9. Dahil buung-buong ibinukas na ni Noynoy sa tropang Kano ang Pilipinas sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA); samantala, ang pelikula ni Nora na “Minsa’y Isang Gamugamo” pa rin ang isa sa iilang pelikulang direktang nagsisiwalat sa mga abuso ng tropang Kano sa Pilipinas.

Hanggang ngayon, mabibilang pa lamang sa daliri ng isang kamay ang mga mainstream na pelikulang tumatalakay sa imperyalismong US, lalo na ang presensiya (at mga abuso) ng tropang Kano sa Pilipinas. Pinakatanyag at pinakamahusay sa mga pelikulang ito ang pelikula ni Ate Guy na may katagang “My brother is not a pig!” Halaw sa tunay na karanasan ng mga Pilipinong nakatira malapit sa base-militar ng Kano ang pelikulang ito; tiyak na di gugustuhin ng administrasyong Aquino na muling mapalaganap ang pelikulang bumabatikos sa EDCA na nilagdaan ni Aquino.

10. Dahil sa kanyang mga pelikula, kinakatawan ni Nora Aunor ang ordinaryong mamamayan na inaapi, dinudusta, pinagsasamantalahan. Pero, tulad ni Bona, maghihimagsik siya at patutumbahin ang mga mapang-api.

Walang himala: Si Nora sa pelikulang "Himala" (1982)

“Walang himala!”: Si Nora sa pelikulang “Himala” (1982)

Dahil marahil sa kanyang pisikal na hitsura, sa restrained na pag-arte, at sa kanyang screen presence, mas madaling naka-relate ang masa kay Nora. Sa kanyang mga karakter sa pelikula, katulad din nilang nagdurusa si Ate Guy; katulad din nilang wagas kung umibig, pero inaabuso, niyuyurakan ang karapatan. Mula sa “seryosong” mga pelikula niya noong huling bahagi ng dekada ’70 (Minsa’y Isang Gamugamo, Tatlong Taong Walang Diyos) hanggang dekada ’80, (Bona, Himala, Condemned, ‘Merika, Bulaklak ng City Jail, Bilanging ang Bituin sa Langit) hanggang dekada ’90 (Andrea Paano Ba Maging Isang Ina?, Ang Totoong Buhay ni Pacita M., The Flor Contemplacion Story, Bakit May Kahapon Pa?, Sidhi) hanggang sa huling dalawang dekada (Sa Ngalan ng Ina sa telebisyon, Thy Womb, Ang Kwento ni Mabuti).

Nora bilang Bona at Philip Salvador bilang Gardo.

Nora bilang Bona at Philip Salvador bilang Gardo.

Pero kung may karakter si Ate Guy na kakatawan sa lahat ng karakter sa mga pelikulang ito, marahil ito na si  Bona. Dalisay ang pagmamahal ni Bona sa lalaking walang pagmamahal sa kanya. Pinag-iigib, pinaglilinis, pinagluluto niya si Gardo. Sukdulang itakwil pa siya ng kanyang pamilya at mamatay ang ama sa sama ng loob, bumalik pa rin si Bona kay Gardo. Pero nang mamulat sa mapagsamantalang relasyon, nang sabihin ni Gardo na lalayasan na niya si Bona  para pumuntang Amerika (kasama ang isa pang babae), nagpasya siyang tapusin ang lahat–at makamit ang hustisya.

Sabi nga ng iba, kinakatawan ni Nora ang kabaliktaran ni Noynoy. Si Nora na nagmula sa hirap, at si Noynoy na lumaki sa yaman. Si La Aunor na kinatawan ang masa, si El Aquino na kinakatawan ang mayayaman, lalo na ang mga asendero.

Mantrang Inanod sa Maitim na Butas ng Cyberspace

$
0
0

Datapwat lalong lumala ang sakit at gutom kahit 7.2% lumago ang GNP
Diyata
Datapwat wala pang $2 kada araw ang pantawid-buhay ng nakararaming pamilya
Diyata
Datapwat sa harap ng nagkatusak na mall 39 milyong tao ang walang trabaho
Diyata
Datapwat wala pa ring hustisya ang mga biktima ng Mendiola’t Ampatuan masaker
Diyata
Datapwat pinatay pa si Ricardo Ramos & mga kasapi ng unyon sa Hacienda Luisita
Siyanga?
Datapwat nagdarahop ang mga pesante sa mga hacienda sa Pampanga’t Negros
Ay ewan
Datapwat hanggang ngayon walang mabisang tulong para sa libu-libong pamilyang nasalanta ng Haiyan/Yolanda
Ay ewan
Datapwat sa simula pa lamang ng 2014 nagkaroon na ng 21 biktima ng EJK (Extra- Judicial Killing), 21 dinukot, 94 binugbog, 631 detensiyong labag sa batas
Ay ewan
Datapwat matapang si Loida Magpatoc sa pagtutol sa barbaridad sa Camp Bagong Diwa at kurakot ng uring oligarko’t komprador
Ay ewan
Datapwat patuloy ang dahas pandurukot tortyur pandarambong ng mga pulis-militar
Siyanga?
Datapwat pinaslang nila si William Bugati ng tribung Kuwali sa Kiangan, Ifugao
Diyata
Datapwat sapilitang itinaboy ng mga sundalo ang buong tribung Manobo mula sa kanilang lupang tinubuan
Ay ewan
Datapwat nawala na ang soberanya ng bansa (kung meron man) dahil sa VFA / EDCA at sakop na tayo ng US Special Forces & korporasyong dayuhan, salamat sa rehimeng taksil at aliping ahente ng imperyalismong mandurugas
Siyanga?
Datapwat 12 milyong Pinay/Pinoy na ang nag-abrod at 6,000 mamamayan ang tumatakas araw-araw upang mging alila ng mundo
Siyanga?
Datapwat wala pa ring naisakdal na upisyal sa mga krimeng nabanggit & nangyayari
Siyanga?
Datapwat inutil ang Oplan Bayanihan at Balikatan sa paglutas ng gutom krimen
Ay walanghiya!
Datapwat tigil na dakdakero idatdat ang punglo’t dinamitang magpapasabog sa buong sistemang bulok na ubod ng kawalang-hiyaan!

Sining para sa Supremo

$
0
0

Ika-apat na Eksibisyong Bonifacio handog ng Bonifacio 150 Committee at Linangan ng Kulturang Pilipino

Bilang pagpapatuloy sa pagbibigay-kaalaman hinggil kay Gat. Andres Bonifacio at sa paggunita ng ika-150 kaarawan ng pambansang bayani, itinanghal ang ika-apat na Eksibisyong Bonifacio na nilahukan ng 21 pintor kasama sina Arlene de Castro-Anoñuevo at Yolanda De Castro-Cabuco mula sa angkang Bonifacio.

Sa Senate Tour sa pakikipagtulungan sa Sandigan ng mga Empleyadong Nagkakaisa sa Adhikain ng Demokratikong Organisasyon (S.E.N.A.D.O.) at ng Office of External Affairs noong Mayo 26-29, 2014, natunghayan ang mga larawan ni Bonifacio bilang pinunong may dalisay na layon hindi lamang para sa sarili kundi para sa buong bayan. Sa inangkin niyang pangalang Maypag-asa noong rebolusyong 1896 laban sa dayuhang pananakop, pinatunayan niya sa kasaysayan ng bansa na ang mithiin ng mamamayang mahigit tatlong-daang taong inapi ay makakamit sa pamamagitan ng pagkakaisa at paninindigan sa pakikibaka.

Mga Larawan mula sa Bonifacio 150 Committee 

Walang Busabos sa Sariling Bayan. Arlene de Castro. 46x61cm Oil

Walang Busabos sa Sariling Bayan. Arlene de Castro. 46x61cm Oil

Ang Bayan kong Pilipinas. Yolly de Castro Tabuco. 100x76cm Acrylic.

Ang Bayan kong Pilipinas. Yolly de Castro Tabuco. 100x76cm Acrylic.

 Battle of Pugadlawin. Fercilette Sauro. 61x81cm Acrylic.

Battle of Pugadlawin. Fercilette Sauro. 61x81cm Acrylic.

Bonifacio: Ang Mandirigma. Ma. Lourdes Inosanto. 53x59cm Oil.

Bonifacio: Ang Mandirigma. Ma. Lourdes Inosanto. 53x59cm Oil.

 Anak ng Bayan. Ted Camahalan. 50x76cm Acrylic

Anak ng Bayan. Ted Camahalan. 50x76cm Acrylic

 Bonifacio, Noon at Ngayon. Julie Po. 61x76cm. Acrylic.

Bonifacio, Noon at Ngayon. Julie Po. 61x76cm. Acrylic.

 Anak ng Bayan. Rena Jamora, Jose Irwin Mallare at Ernie Navarro. Indoor Installation.

Anak ng Bayan. Rena Jamora, Jose Irwin Mallare at Ernie Navarro. Indoor Installation.

Mural by Bonifacio 150 Committee Visual Arts Collective

Mural by Bonifacio 150 Committee Visual Arts Collective

Kasama sa iba pang likha ang Halik ni Hudas (Ding Royales), Ang Supremo (Naghahanap ng Katarungan) (Bodgie Mopia Puod), Ang Supremo: Senor AB(Dante Palmes), The Supremo (Ed Bascara), Maskara (Paul Alfonso), Alab ng Puso, Dugong Buhay (Alan Malunes), Ang Supremo II (Ed Bascara), Ang Supremo (Ma. Morena Ramos), Supremong Lego (Emmanuel Sia), Ang Supremo: Si B. Bonifacio (Cheril Lopez Gagala) at Supremo (Michael Art de Leon).

Ang mga naunang tour ng eksibisyon ay ginanap sa Bahay Nakpil-Bautista (Tahanan ng mga Katipunero http://bahaynakpil.org), Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) at Philippine Normal University Edilberto Dagot Hall sa pakikipagtulungan sa Kapisanang Diwa at Panitik (KADIPAN) at Kabagang Art Group.

Upang magkaroon ng Eksibisyong Bonifacio sa inyong komunidad at paaralan, makipag-ugnayan kay Lorena Pacampra <luntiangpaligid@gmail.com>.

VIDEO| Nora Aunor, pinarangalan sa pagiging boses ng kilusang kontra-US Bases

$
0
0
Ang tinaguriang "Superstar" na si Nora Aunor, kasama ang tanyag at premyadong scriptwriter na si Ricky Lee, matapos ang paggawad ng Gabriela kay Aunor bilang "artista ng bayan" sa kontra-US Bases na pelikulang "Minsa'y Isang Gamugamo". <strong>KR Guda</strong>

Ang tinaguriang “Superstar” na si Nora Aunor, kasama ang tanyag at premyadong scriptwriter na si Ricky Lee, matapos ang paggawad ng Gabriela kay Aunor bilang “artista ng bayan” sa kontra-US Bases na pelikulang “Minsa’y Isang Gamugamo”. KR Guda

Isang maliit na pagtitipon ang isinagawa ng grupong pangkababaihan na Gabriela sa bilding ng National Council of Churches in the Philippines (NCCP) noong Hulyo 4. Isang porum ang isinagawa, tumatalakay sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Kasama ang Gabriela Women’s Party at Peace for Life, ipinaliwanag nina Atty. Evalyn Ursua, Liza Maza at Prop. Judy Taguiwalo ang mga implikasyon at inaasahang social costs ng EDCA sa bansa–partikular na ang mga paglabag sa karapatang pantaokarahasan sa kababaihan, at iba pang abuso na kadalasang kadikit ng presensiyang militar ng Amerikano.

Nora Aunor sa "Gamugamo": Makapangyarihang imahe ng paglaban kontra sa US Bases. <strong>KR Guda</strong>

Nora Aunor sa “Gamugamo”: Makapangyarihang imahe ng paglaban kontra sa US Bases. KR Guda

Pero ang highlight ng pagtitipon: Ang pagdating ni Nora Aunor, na sinasabi ng marami na pinakamhusay na aktres ng bansa.

Ginawaran ng Gabriela si Aunor ng pagkilala bilang “artista ng bayan” dahil sa pagganap niya bilang pangunahing karakter sa pelikulang “Minsa’y Isang Gamugamo” (1976). “Gamugamo” ang isa sa iilan lamang na pelikulang Pilipino na lantarang bumabatikos sa base militar ng Amerika sa Pilipinas, mula 1947 hanggang 1991. Dinirehe ng tiyahin ni Pangulong Aquino na Lupita Aquino-Kashiwahara, ang pelikula ay hinggil sa isang karakter (Nora) na naghahangad makarating ng Amerika na sinapitan ng trahedya nang “mapagkamalang baboy” ang kanyang kapatid ng mga sundalong Kano sa nalalapit na base-militar ng Kano sa kanilang lugar.

Makabagbag-damdamin ang pagtanggap ni Aunor ng pagkilala. Maaalalang muling naging kontrobersiyal siya kamakailan dahil sa pagtanggi ni Pangulong Aquino na kilalanin ang tinaguriang “Superstar” ng National Artist Award–ang pinakamataas na pagkilala ng Estado sa mga alagad ng sining sa bansa. Marami ang nagsasabing isang inhustisya ang di-paggawad nito kay Aunor; malinaw na nararapat ang karangalang ito sa kanya bilang isa sa pinakamahusay na aktor sa pelikula, gayundin bilang mang-aawit at artista na rin sa teatro.

Halos maluha si Aunor sa pagkilala ng Gabriela. Aniya, natutuwa siyang halos 40 taon matapos unang lumabas ang pelikula, makabuluhan pa rin ang “Gamugamo”. Sa inaasahang panunumbalik ng base-militar ng Kano sa Pilipinas, nariyan pa rin ang panganib sa mga Pilipino na “mapagkamalang baboy”. Nariyan pa rin ang boses at imahe ni Aunor na naggigiit, galit na nagsasabing:

“My brother is not a pig.”

 

Panoorin ang bidyo ng pagtanggap ni Nora Aunor ng karangalan mula sa Gabriela:

Usapang Buhay sa Virgin LabFest X (10th VLF)

$
0
0
Isang eksena mula sa Rebyu ng Virgin LabFest X. (Larawan mula https://www.facebook.com/IslangMalaya)

Eksena mula sa Isang Daan ni Liza Magtoto at direksyon ni Ed Lacson. (Larawan mula https://www.facebook.com/IslangMalaya)

Produksiyon ng The Writer’s Bloc, Cultural Center of the Philippines, Tanghalang Pilipino sa suporta ng Pambansang Komisyon ng mga Kultura at Sining na ginanap sa Tanghalang Huseng Batute –CCP noong Hunyo 25 – Hulyo 6, 2014.

Tampok sa VLF ngayong taon mula sa 163 lahok ang 12 tekstong tumatalakay sa sekswalidad, kasarian, karahasan sa kababaihan, kahirapan, lohika ng isang sistema at kapayapaang panloob man o pang-global. Mula naman sa Revisited Set na binubuo ng mga piling dula mula sa nakaraang produksyon, hatid nito ang karanasan ng tao sa harap ng proyektong pangkaunlaran, ng migrasyon at ng pagtindig ng ordinaryo bilang bagong bayani.

Hamon ng buhay may-asawa ang kinaharap ng Babae sa panulat ni Allan Lopez na Sa Isang Hindi Natatanging Umaga at ang Ulap ay Dahan-Dahang Pumaibabaw sa Nabubulok na Lungsod. Dito, nakilala ng manunood si Meg (Liesel Batucan) bilang epitomya ng kasal na sakal dahil hawak ng kanyang asawa (Yong Tapang) ang batas sa loob at labas ng bahay. Manipestasyon nito ang panghihigpit sa oras ng pagpasok at pag-uwi ni Meg mula sa trabaho maging ang pagmanipula ng simpleng usapan kung saan ang Babae ay tinuturing na may mas mababang IQ.

Atras-abante ang pagtingin ni Meg dito ngunit hindi nakakagulat kung natulak siya mula sa pagsisinungaling hinggil sa simpleng kwento ng karaniwang araw sa opisina hanggang sa pamumuo ng enigmatikong relasyon sa kanyang kasama na si AJ (Jonathan Tadioan). Bagamat Boss niya ito, hindi ito bossy gaya ng asawa. Bagamat siya ay di palakaibigan at iba ang timbre ng utak, in short, boring para kay Meg, si AJ naman ang pumupuno sa tipo ng kaligayahang maibibigay lamang ng isang partner sa buhay na may katangian ng kaibigan.

Wala ring malay si Meg sa opsyon ng diborsyo at sa halip ay patuloy na nakipag-normalan sa kanyang asawa marahil dahil katunayan, hindi rin naman binibigyan ng ating estado ang Babae ng sapat na kapangyarihan para lubusang makipaghiwalay sa kanilang asawa kung ito man ay tunay na walang galang at mapang-abuso. Kumbaga, sa kasalukuyang batas ng Annulment, dehado naman ang Babae labas sa mahal masyado ang proseso nito at maging sa Magna Carta para sa Kababaihan kung saan ang probisyon hinggil sa pang-aapid ay hindi pantay ang pagturing sa kaso ng isang Babae at ng isang Lalaki. Si AJ na may panatang magpakamatay sa kanyang ika-40 kaarawan ay nagsilbing panakip-butas ng kahinaan sa sekswalidad, isang papel na tinatanghal ng Babae sa maraming dula at texto.

Sa set at ilaw ni Katsch Katoy, dama ang sikip ng espasyong ginagalawan ng tatlong karakter sa loob ng perpektong sukat ng frames. Sa direksyon naman ni Denisa Reyes, dama ang pulso ng emosyon at panahon ng drama upang maipabatid ang karakter ng kabit o ang popular ngayon sa tv at pelikula na Other Woman bilang anak ng kaugalian ng indibidwal na inanak naman ng kalakarang tuwad sa kabuuan. Sa isang banda, sinubok din ni Lopez ang pagsira sa stereotype ng Babae at Lalaki: isang konseptong nilubos ni Joy Icayan sa dulang Last Ten Minutes.

Uminog ang piyesa sa dalawang estrangherong nagkasundong magmotel. Nangyaring ang kanilang diyalogo ay naging komprontasyon hinggil sa chatting, booking, sex at pag-ibig: mga bagay na sinalaula ng mga pamantayang moralidad at ng kakitiran ng kulturang macho. Mahusay na ginampanan nina Mayen Estanero at Nor Domingo ang palitang-salita hinggil sa noon at ngayon maging ang laro ng pala-palagay hinggil sa personal na danas sa relasyon. Sabi ng karakter ni Nor na hindi maka-get over sa kanyang ex: Para kang si Ivy…postmodern, hindi babae. Sabi naman ng karakter ni Mayen na di maintindihan ang kanyang ex dahil hindi ito naniniwalang mahal niya kahit may kasama siyang iba: Para kang hindi lalaki… saktan mo ako.

Sa direksyon ni Tami Monsod, naging konkreto ang negosasyon ng Babae at Lalaki hinggil sa gusto at disgusto nila sang-ayon sa nakasanayan. Ang promiscuity ba ay ekspresyon ng protesta laban sa maka-isang panig na pagmamahal? Hanggang kalian malilito ang sex sa seryosong pag-ibig?

Sa porma ng pamimilosopo ay lumilitaw ang pag-aklas ng mga karakter sa pagiging biktima at tagapagtaguyod ng saradong pananaw at mentalidad na bagamat mali ay tinuturing na tama ng karamihan bilang tradisyong lantay.

Kung susumahin, ang mga linya ng Babae sa dula ay mga linyang karaniwang naririnig mula sa machong Lalaki. Bilang bukambibig ng Babae ay naging puntirya ito ng katatawan o kaya ay pagka-irita sa kalooban at kung ang manunood ay sensitibo, mauunawaan niya ang nais tumbukin ng pagyakap ng karakter sa kanilang diyalogo. Sa pala-palagay lumalabas rin ang katapangan ng Babae ngunit nakakalungkot na sa bandang huli, ang Babae ay naging asong sunod-sunuran sa amo at walang puwang kahit sa huling sampung minuto sa kama (set ni Lambert de Jesus).

Sa katulad na eksenang pala-palagay, konseptong karir at domestikasyon ang nais baliin ng Wendy Wants to be a Housewife ni Dingdong Novenario. Sa rurok ng kanyang corporate career ay nagpasya si Wendy (Delphine Buencamino) na mapabilang sa istatistika ng “9 out of 10 women quit their job to be a wife”. Sa Exit Interview, masaksihang hindi maunawaan ni Mark (Topper Fabregas) kung bakit nais ni Wendy ang tumigil magtrabaho upang karirin ang paghanap ng asawa at tuloy ay maging bonggang asawa. Aniya, ito ay pag-unlad na paurong o kaya ay mala-pagsuong sa kweba ng leon.

Opsyon para kay Wendy ang mag-asawa bagamat may malay siyang ang Babae gaya ng Lalaki ay maaaring maging single habambuhay. Isang makatotohanang tunggalian para sa karakter niya ang paghanap ng partner sa isang lipunang hindi handang tanggapin ang pagkaroon ng Babae ng oportunidad halimbawa sa edukasyon, trabaho at higit na mataas na sweldo kaysa Lalaki. Para kay Wendy, hiling ng ganitong sitwasyon ang magpaubaya na naman ang Babae.

Ngunit may kilig-factor ang palabas dahil ang karakter ni Mark ay ang tipo ng Lalaking handang makinig sa lohika anuman ang kasarian nito. Sa kanyang tauhan, may pagbalanse ng kanyang papel bilang Boss at kaibigan. Sa kanilang palitang-kuro, walang bahid ng pang-aabuso ng kapangyarihang industriyal at personal. Sa direksyon ni Joshua So, sa huli ay inimbitahan ang manunood na paglimian ang paglipas ng umaga at gabi at kung ano ang makapagpasaya ng loob higit sa karangyaan mula sa bintana ng tore ng Makati kung saan ang mirasol ay maaaring nagpapanggap lamang na maganda ang araw.

Sa dulang Sa Pagitan ng Dalawang Kahong Liham ni Layeta Bucoy, liham ang elementong nag-uugnay sa magkarelasyong Tart at Cards (Roeder Camañag at Marco Viaña). Ilang beses nang pinatunayan ng liham ang pagkabinbin ng tuluyang pagkawalay ng dalawa at nais sabihin ng dula na sa pamamagitan ng paglabas sa kahon ay naibubunyag din ang ang tunay na damdamin. Maihalintulad ang devise na ito sa paglabas sa kloseta upang maipahayag ang tunay na pagkatao.

Sa direksyon ni Chris Millado, mabigat at bayolente sa halik ang presentasyon ng kanilang pag-iibigan. Bagamat ang ganitong komplikasyon ay reyalidad rin sa relasyong heterosekswal kung saan ang isa ay lulong sa droga, binuyangyang ng dula ang kailangang kamulatan at suportang moral ng kasalukuyang bakla upang hindi mauwi sa self-destruction o suicide.

Kilig ng relasyong Babae sa Babae ang handog ni Raya Laplana sa dulang Sa Lilim. Muling nagkita ang magkaibigang Lai at Hani (Isabelle Martinez and Alison Segarra) mula sa pagkawalay para mag-aral. Sa pagitan ng mga bagong balita ay nanumbalik ang kanilang mga pinagsaluhan bilang magkababata gaya ng role-playing ng magkarelasyon. Bagamat ikakasal na si Hani kay Gibo at si Lai ay mayroon nang girlfriend na si Dorothy, sa dating tagpuan sa nayon ay napukaw ang mga damdaming kipkip lamang ng alaala.

Mayaman sa konteksto ang teksto ng pagkilala ng identidad. Bagamat sang-ayon sa perspektibang musmos ay sinubok laruin ang ilang pagkakataon ng tensyon sa pag-unawa sa kanilang sitwasyon, kapos naman ang pagpapahayag ng mga detalye nito sa pag-arte. Ang ilaw nina Joseph Matheu at Carlo Olvido ay susi sa modang romantiko ng rustikang backdrop ni Tuxqs Rutaquio. Sa direksyon ni Jenny Jamora, nag-umpisa sa tampuhan ngunit nagwakas na sagrado ang tagpo gaya ng unang halik at gaya ng naunang lesbyanang tagpo ng kanilang Tita Bel at Jana sa parehong lilim ng puno. Maaaring balikan ang discovery nina Ester at Ibyang sa isa’t isa (Ang Pamamanhikan ni Bernadette Neri, VLF 2013).

Samantala, maalala ang kaso ni Katrina Halili sa ex nitong si Hayden Koh kaugnay ng pinalaganap na sex video sa Anonymous ni Liza Magtoto. Ang sketch ng emotional blackmailing ay lapat sa ordinaryong Babaeng (Uleb Nieto) itinulak sa komplikadong tunggalian gawa ng Lalaking (Cris Pasturan) nais pagkakitaan ang bulnerableng nakaraan ng tauhan. Ang pagsalita hinggil dito sa kabila ng alinlangang mananatili ang paggalang ng kanyang iniibig (Randy Villarama) ay isang mapangahas na hakbang sa pagpiglas mula sa liberalismong ligaw at pagtanggol tuloy sa sarili upang igiit ang karapatan ng isang Babae.

Mapangahas ang aksyong ito sa isang reyalidad na pinaghaharian halimbawa ng brutal na kapulisang di naniniwalang biktima ang isang Babaeng biktima ng karahasang sekswal man, berbal, mental o elektroniko. Dagdag na komplikasyon kung ang pananaw mismo ng kanyang prospek na asawa ay kabilang sa bulok na konserbatibong panahong walang pakundangan kung manghatol sa Babae bilang “malandi at tanga”.

Walang malay ang karakter sa mga batas GABRIELA gaya ng HB 6815 (E-VAW / Electronic Violence Against Women) o RA 9262 (Anti-Violence Against Women and their Children Act). Ngunit, sa kanyang pasyang ayaw nang itago ang panloloko sa kanya ng estrangherong nakaulayaw noon ay binasag niya sa isang lebel ang pananahimik na konsitidor sa paglaganap ng pang-aabuso at ng traumang kaakibat nito. Sa direksyon ni Audie Gemora, may pasaring ng dalisay na pagtanggap at suporta sa Babae sa matinding sitwasyon nang ibinunyag ng kanyang iniibig ang proposal ring. Sa isang banda, walang kasiguruhang sinasaad nito na sa gabing iyon ay natapos din ang alinlangan ng Babae dahil sa susunod na mga araw, sila ay haharap sa magulang, kamag-anak, kapitbahay, midya at simbahan.

Masaklap na alaala ang nais din maigpawan ni Kiko (Sarah Salazar) katuwang ng kanyang kasintahan (Opaline Santos) sa Bago Ilibing nina UZ Eliserio at Maynard Manansala. Sa gabi ng lamay ng kanyang Tito (Joel Saracho), nais niyang magtestimonya dito bilang rapist at basagin tuloy ang impresyon ng taumbayan sa isang matulunging politiko.

Naharap ang karakter sa etika ng paggalang sa lamay sa ngalan ng kanyang Inang Kagawad (Meila Romero) habang nag-aalboroto siyang maipahayag ang karahasang dinanas bilang mahalagang bahagi sa proseso ng pagtutuldok dito. Gamit ang elementong multo at sinturon, naging saksi ang manunood ng malapitang espasyo sa sinapit ni Kiko. Sa huli, malalaman sa timping iyak ng kanyang Ina na pareho sila ng sinapit sa kanyang kapatid. Ang eksena ay walang malay na pinapanuod ng kanyang Nanay (Lola ni Kiko na ginampanan ni Hermie Conception) mula sa e-burol screen.

Sa timplang surreal at realistiko ni JK Anicoche, tumawa at umiyak ang mga manunood habang pinapaalalahanang ang mga kwentong Insiang ay di pa tapos sa panahong nawawalay ang mga anak sa kanilang magulang para magtrabaho abroad. Samantala, nabuksan ang katanungang: Ang pagiging tomboy ba ay isa lamang reaksyon ng karahasan?

Direktang komprontasyon sa usaping incest ang ipinakita ng emosyonal na piyesang Mapagbirong Haplos ni Kevin Tabora. Natulak sa sitwasyon ang manunulat at propesor na si Jeanette (Meann Espinosa) nang lumaya mula sa preso ang kanyang Ama (Crispin Pineda) at ngayon ay nagpapatulong magsulat ng kanyang aplikasyon para magtrabaho sa Canada. Habang nakipagtawaran sa patawad, mahirap pakinggan ang kinamumuhian. Absurdong maituturing kung ang kriminal ay humingi ng tulong sa kanyang biktima. Ito ang internal na binabaka ni Jeanette.

Malaking hamon ito sa aktor laluna’t magkadugo ang mga karakter. Sa direksyon ni Melvin Lee ay epektibong naipakita ni Pineda ang karakter ng patay-malisya, may mababang literasiya at kalmadong mamang sinsero sa pagbabagong-loob habang si Espinosa ay kailangang angkinin ang tensyonado ngunit kontroladong tauhang galit.

Samantala, mapait na reyalidad ng mga “bilog” o undocumented Filipino migrants sa Japan ng taong 1992 ang ipinahayag ni Herlyn Alegre sa Imbisibol sa direksyon ni Lawrence Fajardo.

Si Mommy Linda (Ces Quesada) na nakapag-asawa ng Hapon ay nagsilbing tagatanggap ng mga sulat mula Pinas sapagkat tanging siya ang may ligal na address sa komunidad ng Pinoy sa Tokyo. Bonding ng mga Pinoy ang pagbasa ng sulat. Sa araw ng pagdalaw ng kanyang mga kaibigan/alaga na all around worker na si Benjie (Bernardo Bernardo) at hostong si Manuel (Junjun Quintana) ay dumating ang duguan na si Rodel, manggagawa ng pabrika (Only Torres). Si Rodel ay laman ng balita sa tv bilang nakapatay ng tao gawa ng panliliit nito sa Pilipino.

Sinubok ng sitwasyon ang pagpili ng mga tauhan sa pagitan ng pag-iral ng kultura ng tulungan o pag-iwan sa kababayan sapagkat sila’y kapwa walang kapangyarihang protektahan ang sarili sa ibayong dagat. Bagamat walang pagtatagpo ng organisasyong mapagkalinga at ng mga indibidwal sa dula, ang pagsilang ng Migrante International upang organisahin ang mga migranteng manggagawang Pilipino ay isang mulat na paraan upang punan ang kakayanan ng mga OCW/OFW at upang lubos na matugunan ang mga isyung kanilang kinakaharap.

Ang Isang Daan sa panulat ni Liza Magtoto at direksyon ni Ed Lacson ay bangayan sa pagitan ng dalawang pwersa: ang hanay ni Ting (Jelson Bay) na lumalaban para mapanatili ang pamanang hi-way ng kanyang Katipunerong ninuno; at ang hanay ng Mayorang (Mila Romero) nais ipa-convert ang hi-way sang-ayon sa batas na ipinagtibay ng kanyang Gobernador na magulang. Habang nakaka-aliw ang tanggo sa paninindigan ng parehong hanay, nalilihis ang manunood mula sa tunay na isyu ng demolisyon sa ngalan ng proyektong pangkaunlaran.

Di gaya ng kulob na emosyon sa Mapagbirong Haplos at mabuway na diskurso ng mga tauhan sa Isang Daan, sa dulang Ang Naghihingalo ay tumitilapon ang mga balidong reaksyon ng mga karakter. Sa talinghaga ni Raymund Reyes, ang dula ay nakakatuwang kritiko sa halaga ng buhay at sa mga buhay pa’y patay na.

Nagkita sa ospital ang magkapatid na Guido (drayber), Doreen (titser) at Linda (5-6) nang isinugod si Intoy (dating manggagawa ng pabrika at ngayon ay manininda ng ice cream). Uminog ang pamomoblema ng magkapatid sa pag-asam na maisalba ang buhay nito habang sa proseso ay sumambulat ang problemang patong-patong na pasan ng dukhang Pilipino: mula sa pambayad sa doktor, pagpapaaral, paghahanap ng trabaho, pagkalulong sa bisyo, kawalan ng matinong bahay, pag-aanak,  pangungutang, pag-aasawa ng gurang na Kano at marami pang iba.

Sa ayaw-paawat na paggampan nina Bong Cabrera, Wenah Nagales at Dolly de Leon, handog ng palabas ang patawang likas sa karaniwang karakter ng lansangan. Sa direksyon ni Dennis Marasigan, hiniling ng tunggalian ng palabas ang katwiran sa pagitan ng lapot ng dugo at kompetisyon, sa pagitan ng dignidad at yaman, sa pagitan ng pagkasubsob sa trabaho at pag-alaga ng kalusugan at sa pagitan ng tunay na pag-ibig at gamitan. Gaya ng mga ordinaryong karakter nina Brecht at Gorky, tumingkad sa dula ang talinong taglay ng mga karakter batay sa kanilang araw-araw na pakikipagbuno sa buhay.

Kabalintunaan ng Naghihingalo ang bida ni J-mee Katanyag. Layunin ni Lola Betang (Sherry Lara) ang pumanaw na. Gamit ang konseptong sundo ng kabilang buhay na sa tekstura ni Katanyag ay isang irog ng kabataan (Chino Veguillas), pambihira ang ganitong aksyon kung saan hindi pinapahintulot ng magulong politika at ekonomiya ng bansa na tumanda ang mamamayang Pilipino bilang masaya at kontento at sa gayon ay mamatay nang tahimik.

Sa direksyon ni Ed Lacson, ang nakapalibot na set ng radyo ay lampas sa impresyon ng sementeryo, bagkus ito ay hardin ng langit na maituturing kung saan namumutawi ang maayang musika ng panahon ni Lola. Sa dulang Betang, naipakita ang isang mukha ng kahandaan at pagyakap sa mortalidad ng indibidwal.

Pagtaya sa isang indibidwal para sa kapayapaan ang moda naman ng The Missing Peace sa panulat ni Carlo Vergara at sa paraang multimedia ni Marlon Rivera. Walang malay si Candy/Candida (Hannah dela Guerra) na sa ngalan ng world peace, kailangang may mamatay at ang papel na ito ang siyang kapalaran sa pagsali sa Miss Universal Empress 2045. Ipinagkanulo siya ng kanyang stylist at manager (Rem Zamora at Noemi Manikan Gomez) sa propesiya ng 1745 kung saan ang kapayapaan ng mundo ay matatamo lamang sa kondisyong grandslam sa limang beauty pageant. Sapagkat naangkin na ng Pilipinas ang Ms. Multinational, Ms. Globalflower, Ms. Cyberspacial Queen at Ms. Ultranational, malaking pressure kay Candy/Candida ang pag-alay sa Pilipinas ng titulong empresa.

Malinaw na ang hangaring kapayapaan ay may kolateral sa tauhan ni Candy/Candida at ng kanyang tinatagong anak. Gayunpaman, liban sa kulang sa disenyong futuristic ang pagtatanghal, hindi nabigyang-pansin ang nais tumbuking parikala ng patimpalak sa konsepto ng kagandahan habang may mga bansang nanggegera ng ibang bansa sa pangalaga ng pansariling ekonomiya at ganansya.

Ang pamilyang Superhero na tagapagligtas ng mundo ay matutunghayan sa Kung Paano ako naging Leading Lady bilang amo ng isang masipag at mapagkakatiwalaang Katulong (Kiki Baento) na sekretong may mutwal na pagtingin kay Leading Man. Ang mas batang Kapatid niyang kapwa namamasukan (Skyzx Labastilla) ay may reputasyon ng makating kamay at muli nitong pinatunayan nang nakawin nito ang teknolohiyang intel ng Superheroes. Namatay si Leading Man sa laban upang bawiin ang ang dokumento ng Superheroes mula sa bidang kontrabida na Kapatid.

Sa pantasya ni Carlo Vergara at direksyon ni Chris Martinez, ang bidang Katulong ay nagpasyang isuot ang papel ng bayani upang maging Leading Lady sa pagpanaw ni Leading Man. Tinataguyod ng dula ang pagtindig ng karaniwnag tao upang harapin ang mga pagsubok mula sulok ng bahay hangang sa buong daigdig.

Lapat sa katotohanan ang komedya ng makutingting na pagresolba ng problema sa Ang Goldfish ni Prof. Dimaandal kung saan nais ipalitis ni Prof. Dimaantal ang dalawang batang estudyante sa pagkamatay ng kanyang isda. Hinamon ng mga magulang ng mga suspek ang prinsipal at ang nagdedemandang guro sa isang siyentipikong imbestigasyon.

Sa panulat ni Eljay Deldoc at direksyon ni Roobak Valle, nagmistulang kenkoy na public hearing ng senado o kongreso and imbestigasyon habang naiisasantabi ang sentido-komon na pananaw ng isang gurong sa bandang huli ay mapatunayang siyang pinakalohikal sa punto de bista ng simpleng maka-makatao: pagpanig sa kapakanan ng mga batang kinabukasan ng bansa.

Sa ika-sampung taon ng VLF bilang festival ng mga dulang may isang Akto, kinikilala ang pagrehistro nito bilang espasyo kung saan unang matunghayan ng manunood ng Kamaynilaan ang mga piling piyesa. Ang entablado rin nito ay tagpuan ng mga baguhan, freelance o kaya ay mainstream na mga manunulat, direktor at actor.

Higit dito, sa katangiang eksperimental na relatibong may kalayaan sa estetika ay naihahapag sa manunood ang mga kontemporaryong usapin kung saan sa loob ng 15 hanggang 30 minuto ay napapahapyawan nito ang masalimuot na buhay ng mga Pilipino laluna sa lungsod na may kaugnayan sa mga kababayan sa probinsya sa kontekstong iisa ang ating bituka at pandama. Labas sa hatid nitong libangan, namamaksima din sa isang paraan ang dulaan bilang espasyong tuntungan ng tanong at palaisipan. Mainam kung gayon ang magkaroon ng kahalintulad na platapormang pangkultura sa iba’t ibang rehiyon at sektor.

Simula ng Biyahe

$
0
0
Sinimulan noong Hulyo 24, sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas ang Biyaheng Panulat na dinagsa ng mga estudyante.

Sinimulan noong Hulyo 24, sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas ang Biyaheng Panulat na dinagsa ng mga estudyante.

ni Marx Halili

Umaapaw ang mga tao sa bunganga ng bulawang Claro M. Recto nang dumating ako roon. Nagmistula iyong sinehan dahil sa haba ng pila ng mga estudyante ng Politektinong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) at maging ng marami pang ibang mula sa iba’t ibang paaralan sa Metro Manila. Ang ilan ay nagmula pa sa probinsiya.

Punong-puno ng tao ang loob kaya marami ang hindi nakapasok. Kinailangan ko pang pumunta sa parteng likod ng Claro at sumabay sa isang staff para lamang makapasok.

Sa loob ay nananabik na naghintay kami sa pagsisimula ng programa. Hanggang sa umakyat na sa entablado si Lourd de Veyra, di ko inaasahan na host siya ng naturang event dahil hindi naman siya kasama sa poster ng BiyahengPanulat na ikinalat sa halos lahat ng sulok ng PUP para mag-anyaya.

Hiyawan ang mga iskolar nang makita si Lourd  na paakyat! Siya na ang nagpakilala sa tinaguriang “Avengers ng Panitikan ng Pilinas;” sina Rickly Lee, Eros Atalia, Lualhati Bautista, Jun Cruz Reyes, Manix Abrera at ang aninong si Bob Ong. Di na naman ako umasa pa na magpapakitasi Bob pero naghanda siya ng isang video presentation para sa mga iskolar ng bayan na sinundan ng mensaheng ipinabasa niya sa kanyang kinatawan.

Sa pagkakaalam ko, nagsamasama sila sa isang malaking proyekto kung saan pinupuntahan nila ang iba’t ibang mga unibesidad para magbigay at magbahagi ng kanilang kaalaman sa mga batang manunulat, ito ang Byaheng Panulat. Layon din nito na hanapin ang pagsusulat para sa bayan kasabay ng pagpapatawa at pagmumulat.

Sa mensahe ni Bob Ong, ang mga linyang tumatak sa isip ko ay ang tinawag niyang itch o ‘kati’ sa pagsusulat. Ang walang tigil na na pagsusulat gusto mo. “Kati na masarap kamutin,” aniya pa.

Isang lamesita ang pinagigitnaan ng mga batikang manunulat sa entablado, kung titingnan para silang magkakaibigan na nagkukwentuhan na maraming nag-uusyoso. Parang talk show ang dating dahil sa handling ni De Veyra. Hindi iyon tulad ng ibang forum na napuntahan ko na boring at nakakaantok. Iba iyon, iba sila.

Ang mga beteranong manunulat na sina Ricky Lee, Lualhati Bautista at Jun Cruz Reyes ang  pinakamaraming naibahagi dahil na rin siguro sa kanilang mga napagdaanan. Tinalakay nila ang tungkol sa epekto ng social media sa kani-kanilang panulat, ang kanilang inspirasyon sa pagsulat at ilang pribadong impormasyon tungkol sa kanilang sarili na nagpakiliti sa mga nanonood.

Bakit sa PUP? Ayon kay Reyes, pinili nila ang PUP kaysa sa malalaking unibersidad dahil nasa PUP ang bayan, na umani ng hiyawan at palakpakan sa mga tao sa loob ng CM Recto Hall. Gayunman ay nilinaw ni Reyes na nakatakda nilang ibyahe ang kanilang proyekto sa iba’t ibang unibersidad at kolehiyo sa bansa.

Bago magtapos ang programa ay nagbigay ng mensahe ang Pambansang Alagad ng Sining na si Dr. Bienvenido Lumbera sa harap ng mga estudyante. Aniya ‘buti na lang at may unibersidad tulad ng PUP na nagsasagawa ng mga workshop na naglalayong siyasatin ang bayan’.

Tumula rin sa programa ang makata, kompositor at mang-aawit na si Dong Abay.

Sa programang iyon noong Hulyo 24 pa lamang nagsimula ang Byaheng Panulat. Nakatakda itong lumibot para maabot ng mga manunulat ang mga estudyante at kabataang nagnanais na magsulat. Nilinaw naman ni Reyes na uunahin ng kanilang byahe ang ‘mahihirap na kolehiyo at unibersidad.’ Ang proyekto ay naisakatuparan sa pangunguna ng Sentro para sa Malikhaing Pagsulat ng PUP.

Ang isa pang tumatak sa isipan ko ay ang sinabi ni Ricky Lee, “huwag matakot magbukas at pumasok sa mga pinto, dahil sa loob nito, maaaring may kwentongnaghihintay.”

 

Librong ‘Hay, Naku! 2013′ ni Prop. Danilo Arao, ilulunsad sa Agosto 26

$
0
0

hay naku horizontal tarp-small

Prop. Danilo A. Arao

Prop. Danilo A. Arao

Sa okasyon ng selebrasyon ng Buwan ng Wika, ilulunsad ng isang guro at peryodista ang kanyang libro ng mga sanaysay na nakasulat sa wikang Filipino sa Agosto 26 (Martes), 2:00 ng hapon sa auditorium ng College of Mass Communication (CMC) Plaridel Hall sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman, Lungsod Quezon.

Ang libro na may titulong Hay, Naku! 2013: Pagsusuma ng Isang Peryodista ay sinulat ni Danilo Araña Arao. Ito ay koleksiyon ng mga sanaysay na sinulat niya para sa publikasyong Pinoy Weekly noong 2013. Ang mga artikulo ay nakapaloob sa 11 kabanata tungkol sa wika, propaganda, midya, kasaysayan, eleksiyon, batas, kultura, politika, edukasyon, trahedya at sama-samang pagkilos.

Ang libro ay inilimbag ng PinoyMedia Center (PMC) na naglilimbag din sa publikasyong Pinoy Weekly.

Ayon kay Prop. Jose Maria Sison, tagapangulo ng International League of Peoples Struggle (ILPS), si Arao ay may makabayan at progresibong pananaw. “Mainam na pinagsasama ni Propesor Arao ang paglalahad ng katotohanan at aktibismong patungo sa pundamental na pagbabago. Naging matibay na kasaysayan ang mga tinipon niyang lingguhang artikulo ng mapanuring pag-uulat.”

Sinabi naman ni Prop. Luis Teodoro, dating dekano ng UP CMC, na “Ang akdang ito ay nagpapatunay na ang guro at akademiko ay kailangang bumaba sa toreng garing at makisalamuha sa larangan ng pakikibakang politikal tungo sa kaunlaran.”

Pinuri naman ni Prop. Rogelio Ordoñez ng Kagawaran ng Filipinolohiya, Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) ang pagiging makabuluhan ng libro. “Sa kabuuan, isang testamento ng makauri, makabayan at progresibong peryodismo ang aklat na ito na marapat lamang na panuntunan ng mga nagmamahal sa katotohanan at sagradong kalayaan.”

Si Arao na kolumnista ng Pinoy Weekly ay katuwang na propesor ng peryodismo (assistant professor of journalism) sa UP CMC kung saan siya ay nagtatrabaho rin bilang kawaksing dekano (associate dean).

Ang Hay, Naku! 2013 ay ang kanyang ika-apat na libro ng sanaysay na nakasulat sa wikang Filipino. Ang tatlo pa niyang libro ay ang Kon(tra)teksto (DLSU Publishing House), Hay, Buhay! (UP Press) and Saysay ng Pagkakaugnay-ugnay (UST Publishing House). Inilimbag ang tatlong ito noong 2012.

Ang libro ay magkakaroon ng launch price na P175. Pagkatapos ng launch, ang libro ay ibebenta sa halagang P250. Para sa advance orders, kontakin ang PMC sa pinoymediacenterinc@gmail.com.

Ang author’s royalties para sa pagbebenta ng libro ay mapupunta sa pagpapagamot ni Lordei Hina, isang estudyante ng UP Diliman na naging biktima ng pananaksak sa loob ng kampus noong Pebrero 2012.


‘Bakas: Mga larawan ng Saya, Ligalig at Pag-asa’

$
0
0
Macky Macaspac

Macky Macaspac

Inilunsad ng mga tagapagtaguyod ng karapatang pambata ang isang photo exhibition na naglalarawan ng iba’t ibang mukha ng mga batang biktima ng militarisasyon sa kanayunan. Nakatuon ang eksibisyon sa isyu ng pag-atake at okupasyon ng mga militar sa alternatibong mga eskuwelahan na itinayo ng porgresibong mga grupo lalo na sa rehiyon ng Mindanao.

Bakas sa mga imahe ang lungkot, siphayo at pagkaligalig ng mga batang biktima ng militarisasyon, sabi ni Kharlo Manano, pangkalahatang kalihim ng Salinalahi Alliance for Children’s Concerns. Nakaka-alarma umano ang bilang ng mga kaso ng paggamit sa alternatibong mga eskuwelahan bilang baraks o kampo ng mga militar para sa kontra-insurhensiyang programa ng administrasyong Aquino.

“Tulad ng ipinapakita sa mga imahe, ang presensiya ng mga militar sa mga komunidad ng mga magsasaka at katutubo lalo na sa mga eskuwelahan ay nagdadala ng takot sa mga taumbayan, kasama na ang mga bata,” sabi ni Manano.

Ilan sa mga imahe ang nagpapakita ng epekto ng ebakwasyon sa tuwing may operasyong militar, mga batang tila nagtatanong kung anong bukas ang kanilang haharapin, mga mukhang bakas ang ligalig at imaheng nagpapakita ng pag-asa sa kolektibong pagkilos.

Kasalukuyang nasa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) ang eksibisyon at tatagal hanggang Agosto 15 bago ilipat sa ibang pamantasan at unibersidad.

 

Isang lider katutubo ang kasamang nagpasinaya sa photo exhibition ng Save our Schools Network Macky Macaspac

Isang lider katutubo ang kasamang nagpasinaya sa photo exhibition ng Save our Schools Network. Macky Macaspac

Macky Macaspac

Macky Macaspac

Macky Macaspac

Macky Macaspac

Taludtod at drama ng api

$
0
0

Ilang tala hinggil sa Kleptomaniacs: A Rap Musical ng Tanghalang Pilipino at pelikulang Barber’s Tales (Mga Kuwentong Barbero) na dinirehe ni Jun Lana

Nicco Manalo at Micko Laurente sa "Kleptomaniacs". <strong>Tanghalang Pilipino</strong>

Nicco Manalo at Micko Laurente sa “Kleptomaniacs”. Tanghalang Pilipino

Mas mainam, palagay natin, na simulan ang pagsuri sa Kleptomaniacs: A Rap Musical ng Tanghalang Pilipino (dinirehe ni Tuxqs Rutaquio) mula sa puntong ito: hindi nanggaling sa kawalan (o hindi “nahulog na lang mula sa langit,” sabi nga ng isang matandang hangal) ang ideya ng rap musical tungkol sa mga karakter na mula sa iskuwater (mas maganda, at mas di-loaded, na gamitin ang terminong maralitang lungsod, o urban poor, pero baka mas pamilyar kayo sa iskuwater).

Ito ang isang punto na hindi masyado nababanggit sa lahat nang naisulat hinggil sa Kleptomaniacs. Marahil, dahil ito sa pinanggagalingan o bakgrawnd ng mga kritikong pandula: kaunti, kung mayroon man, siguro sa kanilang lumaki sa iskuwater. Kahit pa, sayang na hindi ito nabibigyan-diin, dahil matagal na ring kapansin-pansin ang popularidad ng rap sa mga maralitang lungsod. Bawat lugar siguro, lalo na iyung inoorganisa ng mga militanteng grupo tulad ng Kadamay, Gabriela o Anakbayan (at iba pa), ay may kanya-kanyang rap group na nagtatanghal sa mga pagtitipon at kahit sa mga rali. Nakatulong din siyempre sa paglaganap nito ang pagdami ng sikat na rapper sa mainstream na musika, mula sa sinaunang henerasyon nina FrancisM hanggang kay Gloc-9. Pero masasabing ang popular na penomenon na nagpasabog sa rap bilang pangkulturang penomenon ay ang FlipTop, na kadalasang inilalarawan na modernong Balagtasan.

Kaya sa odyens sa entablado na pamilyar sa musicals sa Pilipinas, kakaiba ang isang rap musical. Pero hindi na dapat ito kataka-taka, at panahon na lang ang nakakapagsabi bago mahawa ang teatro sa pangkulturang penomenon na lumalaganap ngayon sa daan-daanlibong kabataan (milyon pa nga siguro) sa pamamagitan ng social media. Mainam na bigyan-papuri si Layeta Bucoy sa pagsulat ng Kleptomaniacs, at sa pagkakaroon ng pandinig sa popular, hindi lang sa mga tagapanood sa teatro, kundi sa mga maralita na mismong sabdyek ng dula.

Tungkol sa isang komunidad ng maralita ang Kleptomaniacs. Sa partikular, tungkol ito sa isang karakter, si Tado (mahusay na ginanap ni Nicco Manalo), na nangakong magpakatino matapos malamang buntis ang kasintahang si Vicky. Di-kumbinsido si Vicky at ang buong komunidad na kayang magbago ni Tabo—maliban sa bestpren niyang si Ngongo (ang outcast na pangkaraniwan na sa mga dulang ganito, pero nakakaaliw pa rin) at ang nakababatang kapatid na si Butchoy. Sa puntong ito, pumasok ang tirador na si Peklat, at si Meyor, na nag-aalok ng trabahong pagkakaperahan—trabahong pamilyar sa sinumang tumira sa komunidad ng maralita. Sa karanasan ng bawat komunidad na naharap sa paglaban sa demolisyon (o trahedya tulad ng lindol), nariyan ang trabahong ito—ang trabahong mangumbinsi sa mga kapwa iskuwater na magsilikas dahil may planong proyekto ang gobyerno sa kanilang lupa na iniisk’watan. Inosenteng pinasok ni Tabo ang trabaho, pero ito rin ang nagdulot ng kapahamakan at pagbasag ng ideyalismo niya.

Sina Tabo, Butchoy at Vicky, at ang mga kapwa maralita sa "Kleptomaniacs". <strong>Photo courtesy: Tanghalang Pilipino/Hannah Dizon</strong>

Sina Tabo, Butchoy at Vicky, at ang mga kapwa maralita sa “Kleptomaniacs”. Photo courtesy: Tanghalang Pilipino/Hannah Dizon

Halatang may alam si Bucoy sa kulturang maralita, dahil nahuli niya ang esensiya ng dinaraanan ng mga maralita na tulad ni Tabo at ng komunidad sa kuwento. Mula sa mga musical number na mistulang nilikha na parang balagtasan—ala-FlipTop—(at kaya siguro napagkamalan ng isang kritiko na masyado raw preachy o nanenermon ito; pero preachy talaga ang rap) hanggang sa sentimyento ng maralita, may malinaw na sinseridad at simpatya ang dula sa sabdyek nito.

Totoong kulang sa dramatikong arko ang mga karakter, lalo na ang sekundaryong mga karakter, mula kay Vicky, sa mga magulang ni Tabo, kina Ngongo at Butchoy, hanggang sa mga kontrabidang sina Meyor at Peklat. Tanging si Tabo lang ang may pagbabago: mula sa buhay-tambay, hanggang sa pangakong pagpapakatino, hanggang sa pagpasok sa trabaho kay Meyor, hanggang disilusyon. Sa karakter ni Tabo makikita ang dramatic arc na marahil ay dinaraanan ng maraming maralita na napapaniwala sa propaganda ng estado na kung magsusumikap lang sila, makakabangon sila mula sa kahirapan. Samantala, sa pamamagitan ni Vicky at ng mga magulang ni Tabo, naisasalarawan ang panganib na malulong ng sinisismo ang maralita–ang kawalang-pakialam, paniniwalang di na magbabago ang mundo at kailangan na lang isipin ang sariling interes.

Hindi nalubos ang dramatikong arko ni Tabo. Hindi naresolba ang pagpapahirap sa kanya. Kaya trahedya ang kuwento niya. Pero kahit trahedya’y puwedeng maging progresibo. Mahusay naman (at sa pormang popular mismo sa sabdyek nito) na naipakita ng Kleptomaniacs ang cycle o siklo ng karalitaan, ang kultura ng kawalan-ng-magagawa, ang pagsasamantala ng mga makapangyarihan para manatili sila sa poder at manatiling maralita ang karamihang tulad ni Tabo. Sa pagpapakita sa esensiya ng problema—ang desperasyon ng maralita, ang paggamit ng naghaharing uri sa desperasyong ito para manatiling maralita ang maralita para maipagpatuloy ang paghahari nila—may pinatatrabaho sa ating odyens na harayain ang mga posibilidad ng paglaban at pagbabago.

* * *

Marilou (Eugene Domingo) at Cecilia (Iza Calzado): Paglabang higit sa sisterhood.

Marilou (Eugene Domingo) at Cecilia (Iza Calzado): Paglabang higit sa sisterhood.

Sa isang bahagi rin ng siklo nagsimula ang kuwento ng pelikulang Mga Kuwentong Barbero (Barber’s Tales), na dinirehe ni Jun Lana. Ito ang siklo ng pagsasamantala sa kababaihang maralita. Sa pagkakataong ito, ang sabdyek ay ang maralita sa kanayunan—si Marilou (mahusay na ginanap ni Eugene Domingo). Kung paniniwalaan ang kataga ni Karl Marx hinggil sa kasaysayan (“nauulit [ito], una bilang trahedya, pangalawa bilang komedya [farce]”), naganap ang kuwento ni Marilou sa isang bahagi rin ng siklo ng kasaysayan ng bansa: ang panahon ng batas-militar ni Marcos, taong 1975.

Nagsimula sa kuwento si Marilou bilang masunuring asawa ng isang barbero, si Jose (Daniel Fernando). Ginagawa niya kung ano ang tungkuling inaasahan sa kanya ng lipunan: ang mag-asikaso sa asawa. Si Jose naman ay sangkot sa mas malaking siklo ng pang-aapi. Kaibigan at barbero siya ng mapang-aping Meyor ng bayan (Noni Buencamino), na sangkot din sa nabanggit na bahagi ng kasaysayan (kaalyado niya sa pulitika si Marcos).

Magbabago ang lahat sa misteryosong pagkamatay ni Jose; matutulak si Marilou sa di-pamilyar na tungkulin bilang babaing nag-iisa. Sa una, tulad ng karaniwang maralita na babae ng nayon na lumaki sa atrasadong piyudal na kultura, hindi niya alam ang gagawin niya: Pupunta ba siya sa Maynila para mamasukang katulong (dahil iyun daw ang natural na pinatutunguhan ng isang biyudang probinsiyana na walang—o nawalan ng—anak), o mananatili sa baryo para ipagpatuloy ang negosyong barberya? ‘Yung huli ang pinili niya. Di-inaasahan, pero naipasa kay Marilou ang husay ni Jose sa paggupit.

Maagang natapos, kung gayon, ang siklo ng pang-aapi kay Marilou. Isang deus ex machina pa ang wakas nito (binangungot daw si Jose). Pero matatanto ni Marilou na hindi nagwawakas ang pang-aapi sa maralitang babae sa biyaya-ng-Diyos na pagwakas sa domestikong pagsasamantala. Kahit mahusay sa paggupit, hindi siya agad na kinikilala bilang barbero sa baryo. Babae kasi siya. Samantala, api rin sa kani-kanilang sitwasyon ang dalawa niyang kaibigan na sina Susan at Tessie (ginanap nina Gladys Reyes at Shamaine Buencamino). Silang lahat, ang buong baryo, nalulukuban naman ng kalupitan ng batas-militar.

Eugene Domingo at Nicco Manalo (nakatalikod)

Eugene Domingo at Nicco Manalo (nakatalikod)

Pero katulad ng maraming baryo sa mga probinsiya noong panahon ng batas-militar, lumaban ang ilan sa kanila. Nariyan, pangunahin, ang pamangkin ni Tessie na si Edmond (ginanap din ni Nicco Manalo ng Kleptomaniacs), na dating estudyante sa Maynila na namulat sa reyalidad at pangangailangan ng paglaban. Siya ang maglilikha ng tensiyon sa pagitan ng magkaibigang Marilou at Tessie. Pero sa kabila nito, positibo ang karakter ni Edmond: siya pa nga, o ang armadong kilusan na lumaban sa batas-militar na nilahukan niya, ang muling magbubuklod sa nagkatampuhang magkaibigan.

Swabe at hindi pilit o contrived ang pagtatahi ng iskrip sa lahat ng babaing karakter na inaapi, mula kina Marilou, Tessie, Susan at Cecilia (ang battered o binubugbog na asawa ni Meyor). Pero, ang maganda sa kuwentong ito, nareresolba man ang personal na alitan o conflict ng mga karakter na babae, hindi pa rin tapos ang pang-aapi sa kanila, dahil api pa rin ang sambayanan. ‘Yun nga lang, may konting shortcut na ginawa ang kuwento, sa paggawa sa panahon ng batas-militar bilang setting, mas madaling napapaliwanag ang katumpakan ng pagrerebelde. Hindi na kinailangang ipaliwanag kung bakit sa mga nayon nakabase ang New People’s Army o ano ang programa ng mga rebelde para sa mga magsasaka na mayorya ng sambayanan. Kumbaga, parang nagbabalikwas lang ang NPA dahil sa pasistang pang-aapi ni Marcos–at hindi pa sa mas batayang problema ng Pilipinas, tulad ng kawalan ng tunay na repormang agraryo. Kahit ang kontrabidang si Meyor, pinakitang pasista lang tulad ng amo niyang si Marcos. Pero tiyak, panginoong maylupa rin siya, kaya may personal na dahilan ang paglahok niya sa pasistang panunupil sa mga nagrerebelde sa bayan nila.

Pero minor na punto lang ito. Mahusay namang naipuwesto ng Mga Kuwentong Barbero ang lugar ng paglaban sa pang-aapi sa kababaihan sa paglaban sa pasismo o panlipunang pagrerebolusyon. Kumbaga, maaari mo itong masabi: Kung itinuloy ng Kleptomaniacs ang dramatikong arko ng karakter ni Tabo, malamang na piliin din niya ang landas na pinili ni Marilou: ang personal at panlipunang paglaya.

Bagamat natapos na ang inisyal na run ng Kleptomaniacs, magkakaroon ito ng re-run sa Nob. 28-30, Dis. 5-7, at Dis. 12-14 sa CCP Tanghalang Aurelio Tolentino. Balak din daw itanghal ng Tanghalang Pilipino ang dula sa mga eskuwelahan at komunidad sa buong bansa.

Sa panahong sinulat ang artikulong ito (Agosto 15), mapapanood ang Mga Kuwentong Barbero sa piling mga sinehan sa buong bansa.

Trailer ng Barber’s Tales:

Video teaser ng Kleptomaniacs:

Mga Kuwentong Barbero: Di Kuwentong Kutsero

$
0
0
Pagpapalaya sa kababaihan: (mula kaliwa) Eugene Domingo, Shamaine Buencamino at Gladys Reyes.

Pagpapalaya sa kababaihan: (mula kaliwa) Eugene Domingo, Shamaine Buencamino at Gladys Reyes.

Tanaw sa lokal na danas tungong pambansa ang hatid ni Jun Lana sa pelikulang Mga Kuwentong Barbero o Barber’s Tales (APT Entertainment and Octobertrain Films, 2013). Pagpahayag din ito sa pagsilang ng indibidwal na malay tungong kolektibong kamalayan.

Naging ganap ang mga ito sa pinagtagping mukha at damdamin ng anim na babae sa baryo sa gitna ng katikasan ng Batas Militar ni Marcos noong 1975.

Gaya ng inaasahan sa babae ng kanyang panahon, walang pangarap at sariling desisyon si Marilou (Eugene Domingo). Nakasanayan niya na ang maging anino at utusan ng kanyang asawang barber na si Jose (Dan Fernando). Kaya naman nang pumanaw ito, ang una niyang naisip ay mamasukan sa Manila kaysa subukin ang trabahong bagamat angkin ng asawa ang karangalan nito, ang panggugupit naman ay nakabisado na ng kanyang kamay. Katunayan, lumalabas na higit pang pulido ang kanyang likhang gupit na ikinamangha ng mga suking sina Fr. Arturo (Eddie Garcia) at Mayor Alfredo (Nonie Buencamino).

Ganyan na lang ba? Kung hindi asawa ay katulong ang papel ng babae sa lipunan?” Mula sa simpleng retorika na ito na ipinahayag ng matandang dalaga na si Tessie (Shamaine Buencamino), ang problema ng komunidad sa kawalan ng barbero ay kinilala ni Marilou. Ngunit ang kultura ng pagtinging mababa ang babae ay isang pwersang humahadlang sa pamamayagpag ng kakayanan ng isang babae.

Sa henyong twist ni Jun Lana, di mo akalaing ang Magdalena ng kanyang asawa ang magiging anghel sa unang hakbang ng pagkilala ni Marilou sa kanyang sarili. Maitatalang ang prostitusyon ay isang arketipo ng lipunang may krisis at nabubulok habang sa sentido-kumong aksyon, ipinakilala ang dekadenteng karakter ni Rosa (Sue Prado) bilang matalino at buo ang dignidad bagamat ang kanyang papel ay maging maganda at magbigay-aliw lamang sa kasa ng mga lalaking nangangaliwa.

Ganito ring kasangkapan sa kama ang tauhan ni Susan (Gladys Reyes) na inakalang sa pagkaroon sa wakas ng lalaking sanggol ay makapagpahinga na siya sa gabi mula sa buong araw na pagtitinda ng kakanin.

Samantala, si Cecilia na mula sa mayamang uri ay di magampanan ang pagbubuntis at pag-alay ng anak kay Mayor Alfredo, isang kapansanan tuloy na nagbigay katwiran sa pagpaling ng kanyang asawa sa mga kerida at pag-ambon ng pasá sa kanyang mukha at pag-iisip.

Tahimik na tagapagkinig, tagamasid at tagatanggap ng mga insidente si Marilou na animo’y sumasang-ayon lamang sa kapalaran, masama man ito o mabuti, ngunit sa mga serye ng komplikasyon ng pelikula ay unti-unti niyang nahalaw ang tamsik ng tapang mula kay Tessie na nag-aruga sa pag-aaral ng pamangkin nitong si Edmund (Nicco Manalo); kay Susan na nagtadtad ng sili sa ari ng kanyang asawa upang turuan ito ng leksiyon; at kay Cecilia na tumapak sa lupa, nakiwiswis sa ilog at tumuring sa gaya niyang mahirap bilang kaibigan at maaaring higit pa dito ay bilang karelasyon sa pahiwatig niyang mga haplos at pamamaalam nang halik sa labi.

Sa unang pagtuklas ni Marilou kay Edmond bilang aktibong miyembro ng kilusan ng mga itinuring na rebelde, natural na pag-aalala sa kaligtasan nito ang kanyang reaksyon. Pangalawa ay ang panghihinayang sa sakripisyo ni Tessie bilang tumayong ina nito. Kaya naman noong una ay sarado ang pinto ng barberong barbera para sa mga NPA.

Gayunpaman, mabilis na napagtanto ni Marilou ang lohika ng pag-aarmas laban sa pang-aalipusta bilang hindi simpleng kapusukan ng kabataang nilisan ang pag-aaral upang tugunan ang panawagan ng armadong paglaban. Bumulagta sa kapilya ang mga bangkay ng mga pinaghinalaang rebelde kasama si Fr. Arturo na ang tanging kasalanan ay buksan ang tahanan ng Diyos para sa sinumang nangangailangan ng masilungan, pagkain o gamot.

Maalalang ang pagkilala ni Fr. Arturo kay Marilou bilang mahusay na barbero ay pagbigay-galang sa pag-angat ng antas ng babae sa lipunan. Ang simbolikong pag-abot nito ng Pulang Aklat ay maihalintulad sa seremonya ng pagwaksi sa kamangmangan gaya ng paghandog ni Jose Rizal sa taumbayan ng Noli Me Tanghere at El Filibusterismo, maging sa pagkaroon ni Andres Bonifacio ng liberal na mga babasahin mula sa Europa o kaya ay ang popularisasyon ng mga ipinagbawal na publikasyong pasa-bilis ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Ang aktitud na ipinamalas ni Fr. Arturo ay taliwas sa ipinapairal ng Simbahang Katoliko sang-ayon sa pagtayo ng kolonyang imperyo at kaisipang mababa/alipin. Ang masaker sa mga alagad ng simbahang nagtataguyod ng mapagpalayang tradisyon at paniniwala ay umiral noon pang panahon ng pananakop sa kaso ng masaker ng Cofradia de San José kasama si Hermano Puli (Apolinario dela Cruz, 1815-42) at sa pagbitay sa GomBurZa Brothers noong 1872. Sa kasalukuyan, nariyan ang mga kaso ng pamamaslang at sapilitang pagkawala ng mga taong relihiyoso na pawang alagad ng kalikasan at karapatang pantao gaya nina Bishop Alberto Ramento (1937-2006, Tarlac), ang Itlayanong si Fr. Fausto Tentorio (1952-2011, North Cotabato) at ang misyonaryong Dutch na si Willem Geertman (1945-2012, Pampanga).

Sa bandang huli, naisigaw din ni Marilou ang kipkip na ngalit sa pagkitil sa sariling buhay ni Cecilia, isang pangyayaring swabeng naisisi sa NPA ng bayarang midya: seksing kasinungalinang nakatawag tuloy sa pansin ni Pang. Marcos bilang isa sa makinarya nito ng pagkamoplahe ng karahasan ay ang industriya ng aliw gaya ng pelikulang bomba at ang umaatikabong boxing match nina Muhammad Ali at Joe Frazier.

Sa tulak ng kampanyang anti-insurehensiya ni Mayor Alfredo, ang mga baluktot na pala-palagay hinggil sa rebelyon ay namutawing usapan sa tindahan, ilog, kalye, kapilya, tahanan at barber shop. Sa isang punto, sadyang pumapagting ito sa tenga ng umaangkin sa katotohanan. Naibulalas ni Susan ang tagumpay ng Batas Militar sa pag-iral ng takot sa komunidad. Aniya, “di lahat ng tao ay kayang tanggapin kung ano ang dapat tama”. Sa pelikula, ito ay mistulang pansamantalang estado lamang ng mamamayan.

Wala nang talab ang takot kay Marilou na hinasa na ng mga pangyayari at magkaugnay na kalupitan. Gaya ng dulang Sweeney Todd: The Demon Barber of Fleet Street (Christopher Bond, 1973; musikal na bersyon nina Stephen Sondheim at Hugh Wheeler, 1979), ang instrumento ng barbero ang siyang armas sa pagtupok sa pwersa ng kalupitan na sa pagkakataong ito ay mismong ang ginintuang gunting ni Mayor Alfredo.

Sa alok ng Mayor na simpatiya at katahimikan, malinaw na pinili ni Marilou ang direksyon ng liwanag sa pag-aklas.

Maaaring ang aksiyong ito ay hindi ang unang pagkakataon para kay Marilou kung mapatunayang hindi misteryoso ang pagkamatay ni Jose sa unang bahagi sapagkat sa ganitong kaso ay may motibasyon siya nang mapagtanto ang pang-aapid ng asawa. Ngunit lampas sa paghihiganti, ang resolusyon sa pelikula ay may makauring katwiran.

Bagamat ang aksyon ay gawa ng isang indibidwal, ang walang pag-aalangan ni Marilou ay maipagtatanggol sa konteksto ng isang Hustisyang Bayan ng mga katutubo at ng rebolusyonaryong kilusan kung saan ang may utang na dugo sa Taumbayan ay nararapat lamang maparusahan gaya halimbawa ni Jovito Palparan na kilalang sangkot sa daan-daang pampolitikang pamamaslang sa kontemporaryong pasismo.

Isang manipestasyon ng hustisya ang resultang pagbuklod ng kababaihan upang bigyang proteksyon si Marilou. Sa puntong ito naidiin ang pakikibaka bilang hiblang nag-ugnay sa mga nakaranas ng pang-aapi at pagsasamantala.

Maraming pala-palagay hinggil sa huling yugto ng paglalakbay ni Marilou. Mga tagpi-tagping posibilidad gaya ng pagkaranas ng tortyur, pagkabaliw o pagkamatay. Ngunit nakakahangang sa huli ay nag-iwan ng pag-asa ang pelikula sa pagpapakita ng isang mapagpasyang katotohanan: ang binyag ni Marilou bilang Luz sa Kilusang Mapagpalaya. Ang pangalang ito na nangangahulugang liwanag ang pangarap na maisilang ni Cecilia.

Kaiba sa komposisyon ng naunang pulong ni Edmond na pawang kalalakihan, ang huling ritwal ay pinamunuan ng Babae (Nora Aunor) at makikitaan ng partisipasyon ng kababaihan. Sadya man o hindi ang Quezon bilang lokasyon ng pelikula, may impresyon ng pagtagpo nina Marilou at Lorena Barros (1948-76) sa eksena. Si Barros ay isa sa tagapagtatag ng MAKIBAKA o ng Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan at nag-alay ng buhay bilang Pulang Mandirigma. Mula sa mga speech ni Barros noong dekada 70, naging popular ang sinabi nitong “Ang babae ay hindi pangkama o pangkusina lamang… ang puso ng babae ay nasa pakikibaka…”

Bagamat ang tauhan ni Marilou ang sentro sa pelikula, ang ibang tauhang Babae naman ay sumasalamin sa isang aspeto ng karanasan ng sektor at uri. Bawat Babaeng tauhan sa pelikula kung gayon ay may potensyal na maging lider gaya ni Marilou na naging bukas sa pagtataka, pagtatanong, pakikinig, pag-aaral at pagkilos. Ang mga ito ay susi sa panumbalik ng kapangyarihang Babaylan sa katutubong katawan ng mamamayan at pagsapi tuloy ng dalisay na papel nito bilang tagapagtanggol ng lupa at ng karapatan.

Sa pelikula, umiral din ang suporta ng mga batikang aktor gaya nina Gladys Reyes at Shamaine Buencamino upang mapatunayan ni Eugene Domingo na ang artistang nakaranas ng dugo’t pawis ng entablado ay kayang gumampan ng seryosong drama at di lamang ng papel ng komersyal na katatawanan.

Handog ni Lana ang ikalawa sa kanyang proyektong Trilohiya kay Marilou Diaz Abaya (1955-2012), ang direktor na naghatid sa atin ng makabuluhang pelikula gaya ng Bagong Buwan (2001), Muro Ami (1999), Jose Rizal (1998) at sa Pusod ng Dagat (1997).

Higit dito, ang Mga Kuwentong Barbero ay nararapat lamang mapanuod ng pamilyang Pilipino bilang isang materyal na ambag sa paghubog ng progresibong kultura. Ang halagang pang-edukasyon nito ay nailulugar sa dokumentasyon ng isang bahagi ng ating kasaysayang lokal at pambansa at bilang pagkilala sa papel ng kababaihan para sa pagbabago gaya ng ipinamalas sa Ka Oryang (Sari Dalena at Keith Sicat, 2011), Andrea, paano ba ang maging isang Ina? (Ricky Lee at Gil Portes, 1990), Sister Stella L (Mike de Leon, Jose Lacaba at Jose Almojuela, 1984), Gabriela Silang (Jun Aristorenas, Ding de Jesus at Greg Macabenta, 1971) at Tandang Sora (Lamberto Avellana, 1947).

(Basahin din ang isa pang rebyu ng Barber’s Tales, gayundin ng Kleptomaniacs)

Kung bakit hit ang ‘Rak of Aegis’ sa gitna ng pagbabakasakali’t hagupit

$
0
0
Mula sa promotional online poster ng rock musical na <i>Rak of Aegis</i>.

Mula sa promotional online poster ng rock musical na Rak of Aegis.

Liban sa paghatid ng lumang awit at musika sa bagong-dagdag na kiliti nito, walang kinalaman ang dulang Rak of Aegis sa buhay ng bandang Aegis. Wala rin itong kinalaman sa musikal na Rock of Ages (Chris D’Arienzo/Broadway, 2006) liban sa laro ng salita at sumpong ng harayang sa kasaysayan ng rock, mayroong Aegis ang Pilipinas.

Kaya naman, mismong ang kapangyarihan ng liriko at damdamin ng musika nito ang pangunahing elementong nag-ugnay sa mga pangyayari at karakter ng dula. Ang estratehiya ng pagsubok sa metapora ng pagkaroon ng sentrong atensiyon sa pagkakataong hawak ng tao ang mikropono sa magic sing ay hindi mahirap ipalunok sa manunood ng kasalukuyang dulaan ng NCR. Sa likod ng peti-burges na kagustuhang yumaman at sumikat ay ang pahiwatig ng malayang pag-awit ng kasawian, panibugho, katanungan, kasiyahan at pagbangon: mga damdaming ipinahayag ng banda sa loob at labas ng bansa.

Maaaring gawa ng mainit at bukas na pagtanggap ng manunood sa Aegis ay mapatotohanan ang rock ng masa bilang malaking salik sa pagbangon ng dulaang kumakaharap sa hamon ng paghikayat sa mga mamamayang may kakayanang pang-ekonomiya upang magtiwala at tangkilikin ang dulaang Filipino. Sapagkat bahagi ito ng tinaguriang popular na sining at sa aminin natin o sa hindi, ang awit ng pag-ibig gaya ng sa Aegis ay di-naluluoy sa tamis at pait sa kalooban ng indibidwal.

Higit dito, ang eksplorasyon sa konteksto maging sa dekontekstuwalisasyon ni Liza Magtoto sa mga awit kasama ang buháy na areglo ni Myke Salamon ay tumatagos mula pagbuhos ng damdamin sa karaoke ng isang tao o barkadahan tungong sitwasyong pampamayanan kung saan naibubulwak din ang mga napapanahong isyu ng kalamidad, dislokasyon ng lokal na industriya, pakikipagbuno sa uring matapobre, paghahanap ng katuwang sa araw-araw na pakikibaka, pagtuklas ng lugar sa mundo ng disenyo at pag-angkin sa mailap na pag-asa.

Hindi direkta ngunit ang resultang musikal ay sang-ayon sa personal na karanasan ng maralitang kabataan at katandaan bilang politikal din. Bagamat ang pangunahing porma nito ay batay sa nakalilibang na konsensus ng pagbirit at sa pagsuong sa baha with fashion.

Sa dula, ipinakilala ang mga karaniwang karakter sa Brgy. Venizia. Pangunahin dito ang saleslady na si Aileen (Kim Molina/Aicelle Santos) na nangarap madiskubre ni Ellen Degeneres sa YouTube para magkaroon ng maalwang buhay ang kanyang pamilya lalo na’t bagsak ang merkado ng sapatos na tanging inaasahan ng kanyang sapaterong Tatay na si Kiel (Robert Seña/Julienne Mendoza/OJ Mariano).

Ang kanyang prospek na si Kenny (Myke Salamon) ay bihag sa internal na pagsukat sa pamumuhunan ng isang ina kaugnay ng pag-aaral at paghahanapbuhay. Sa kabilang banda, ang ina ni Kenny na si Mary Jane (Isay Alvarez-Seña/Kalila Aguilos) ay kapitana’t kilalang tagapagtatag ng industriya ng sapatos sa barangay. Nagkataon ding landlady siya ng pamilya ni Aileen at dating ka-love team ni Kiel. Samantala, ang torpeng si Tolits (Pepe Herrera/Jerald Napoles) ay umaasang madiskubre ng kanyang big crush habang ang debeloper ng subdibisyon na si Fernan (Arnel Ignacio/Julienne Mendoza/Nor Domingo) ay tutol sa konsepto ng pagdiskubre ng mga mamamayan hinggil sa hiwaga ng pagbaha at di-paghupa ng baha.

Naitalang mismong mga dayo mula sa Europa ng ika-19 na siglo ang nagbansag sa Maynila, partikular ng lumang distrito ng Pandacan bilang “Little Venice” o “Little Italy” gawa ng maayang pagbati ng pagsikat at paglubog ng araw sa Ilog Pasig: lokasyon ng daungan o tanghalan ng palitang-kultura noon gaya ng opera at ng usapang Ingles, Kastila at katutubo. Kumbaga, ang bansag na Venizia sa lokal na heograpiya at topograpiya sa panahaong ito ay “maganda”.

May kahawig ngunit kaibang pagturan sa Brgy. Venizia nina Aileen kung saan ang “pangit” ay siyang normal at magpapasalamat pa nga ang maralita sapagkat ang “pangit” gaya ng baha ay maaaring paghugutan pa ng suwerte. Kinukunsinti ba ng dula ang pampalubag-loob o baluktot na domestikong paninisi ng mga politiko sa mga mamamayang nasasalanta sa pagbitiw ng mga pasaring gaya ng “masasanay din kayo”, “kayo kasi, putol nang putol”, “kayo kasi, tapon nang tapon”?

Hindi maikailang sa katotohanan ng pagpanay ng baha ay matututo ang maralita na tumayo sa sariling paa o kaya’y sa kawalan ng matinong gobyerno, pairalin ang bayanihan sa sariling kakayanan. Walang duda, madiskarte ang maralita.

Pambihira ang kathang-isip na Brgy. Venizia bilang kongkretong larawan ng nasalaulang daloy ng tubig sa urban maging sa rural gawa ng maka-isang panig na kumbersiyon ng lupa para sa subdibisyon. Bagamat ang pinaghalawan ng manunulat ay ang komunidad ng industriya ng sapatos sa Biñan, Laguna na nakaranas ng hagupit ni Ondoy (2009), sa entablado ni Mio Infante ay naging ganap ang “floating community” ng Malabon (araw-araw), ang “waterworld” ng Caloocan, Valenzuela at Bulacan sa piling ng habagat (2012) maging ang mga kalsada ng España at Commonwealth tuwing may malakas na buhos ng ulan at kung saan kahit kabayo ay nahihirapang tumawid (mula 1950s hanggang kasalukuyan).

Walang mga imahen ng naanod na bahay at manok ng Lumad sa piling nina Sendong (2011) at Pablo (2012) o kaya ay mga tumpok ng putikan at malamig na katawan ng mga saleslady ng SM Marikina noong Ondoy, imaheng naulit at mas matindi pa sa daluyong ni Yolanda sa Kabisayaan at ilang parte ng Mindanao (2013).

Gaya ng Aegis, ang isyu ng kalamidad ay popular ngayon. Tumpak lamang na talakayin ito ng mga likhang sining bilang isang epektibong materyal sa pag-unawa sa Batas ng Kalikasan at sa Batas ng Estadong di maka-tao/maka-kalikasan. Ngunit hindi ang trahedyang dulot ng katiwalian, ganid sa kita at pang-aabuso ng kapangyarihan ang pokus ng dula. Sa halip, may pahapyaw lamang ito sa polisiya ng land development na walang pakialam sa karaniwang tao at ang resultang ugali ng pagkanya-kanya ng pangarap.

Pangunahing rom-com (romantic comedy) ang katangian ng dula at pagbakasakali ang resolusyon nito sa lebel man ng personal at pampamayanan. Si Aileen ay nagpaka-viral para mapansin ng tadhana gaya ng pag-ambon nito kay Charice Pempengco. Para sa pogi points, si Tolits ay dinamayan si Aileen sa dramatiko at sinematikong pag-awit nito sa gitna ng kulog at kidlat. Si Mary Jane ay pinamunuan ang pag-organisa ng konsiyerto at ng mga produktong gawa sa baha upang mapagkakitaan. Si Mercy (Kakai Bautista/Neomi Gonzales), ang Nanay ni Aileen na tinamaan ng leptospirosis ay umasang mapansin ng anak na nabulid na sa konsepto ng kayamanan at kasikatan. Samantala, ang karakter ng mapagkunwari na si Fernan ay nabili ang Kapitana sa pag-alay niya ng kapital para sa artipisyal na palabas.

Tanging si Tatay Kiel ang patuloy na nanlilibak sa normal na para sa kanya ay kamalian kahit sa mismong pagpatol ng buong komunidad kasama ng kanyang anak sa isang enterprise. Naniniwala siyang sa walang malay na pakikipagkutsabahan sa ugat ng baha ay pulidong mabubura ang pananagutan nito sa taumbayan. Sa aktitud niya ay maunawaang mabuway ang konsepto ng corporate responsibility na pinagkakakitaan pa halimbawa ng mga kompanyang multinasyunal habang pinaniniwala ang taumbayan na nagsisilbi sila sa kanilang kapakanan.

Bilang nagsatauhan ng isang manggagawa, buo rin ang determinasyon nitong itulak ng kanilang barangay ang kolektibong pagkilos sa pamamagitan ng petisyon laban sa may-ari ng Villa Arkadia. Ang kanyang karakter din ang nagbulalas ng kahibangan ng kabarangay sa bandang huli kung kailan hinahanap na nila ang baha upang patuloy itong mapagkakitaan. Ngunit sa pananaw ng Kapitana, ang lohika ni Kiel ay hibok lamang ng mainit na ulo at sawing pag-ibig.

Sa kabilang banda, bilang baklang may karapatang magmahal, sinuportahan ni Jewel (Phi Palmos/Ron Alfonso/Jimmy Marquez) si Kenny sa pagbida nito ng kanyang disenyong sapatos (aktuwal na disenyo ni Maco Costudio). Tanging nais ni Kenny ay ang tiwala ng kanyang Ina.

Sa puntong ito, may pagkilala sa kamatayan ng lokal na industriya ng sapatos gaya ng naranasan ng mga sapatero ng Laguna at Marikina. Isang mungkahi ng dula ang paglikha ng bago upang malabanan ang patuloy na pagdagsa ng mga produkto galing Tsina at Amerika. Ngunit kapos ang pagkilala sa pag-iral ng kompetisyong ito sa ilalim ng globalisasyon at ng ekonomiyang neo-kolonyal na kontrolado ng isang estado na sana’y buong naisatauhan nina Mary Jane at Fernan. Dahil abstrakto ang estado sa dula, abstrakto rin ang dating ng paniningil sa pananagutan ng gobyerno para sa kabuhayan at dalisay na serbisyong panlipunan.

Gayunpaman, tumpak ang timing ng “Gumising na tayo…” na inawit ng mga tauhan para sa direktang kausap nitong karakter upang resolbahin ang kanilang nakaraan at kasalukuyang tunggalian. Ito’y para rin sa sarili bilang pagkilala ng kahinaan at kalakasan ngunit kapanatagang “…bumabangon pa rin…” (“Basang-Basa sa Ulan”).

Sa huli, ito’y para rin sa publikong sa humigit-kumulang tatlong oras ay paulit-ulit na tinamaan ng lintik na pana ni Kupido sabay naluha sa tuwa at humalakhak sa mangha sapagkat sa gitna ng karalitaan ay ang mga bulâ ng bata at pagsulpot ng makukulay na bulaklak. Huwag nang banggitin ang animo’y cloud seeding na sa pananaw ng manunood ay posible lamang maranasan sa pelikula o kaya sa rali.

Nalubos ng tambalang Maribel Legarda bilang direktor at Liza Magtoto bilang manunulat ang paghatid ng isang rock musical na aniya’y hit na hit. Mainam ding kilalaning hindi ito magiging ganap kung wala ang demokratikong partisipasyon ng lahat ng kalahok sa paglikha ng dula mula sa artistikong tim, mga tauhan kasama ng koro, ang tim sa pamamahala, house crew at ang mga miyembro ng bandang Aegis na pawang kababaihan.

Sa ika-isandaang pagtanghal ng dula noong Agosto 22, 2014, pumapangalawa na ang Rak of Aegis sa “longest running play” sa kasaysayan ng PETA kasunod ng Mga Kuwento ni Lola Basyang (panulat ni Christine Bellen mula sa kuwento ni Severino Reyes). Kapwa ito ipinagmamalaki ng produksiyon sa larangan ng kontemporaryong dulaang Filipino.

Hindi ito ang unang pagkakataon kung kailan itinatampok ang pinoy rock sa entablado. Nariyan ang [rock] Supremo (libretto at musika ng 11 bandang Pinoy mula sa panulat ni Andres Bonifacio / Ballet Philippines-RockEd, 2013); Sa Wakas: A New Pinoy Rock Musical (panulat nina Andrei Nikolai Pamintuan at Mariane Abuan mula sa Sugarfree at musika ni Ejay Yatco, 2013); Joe: A Filipino Rock’sical (libretto at musika ni Vince Tañada / Phil. Stagers Foundation, 2012); Noli Me Tangere: The Musical (libretto ng Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera at musika ni Ryan Cayabyab / Tanghalang Pilipino, 2011); Rizal X (kolaborasyon ng Happy Days Ahead, Dong Abay at ng mga manunulat, propesor at estudyante / Dulaang UP, 2011); U Ave (kolaborasyon ni Rommel Rodriguez at Sinagbayan, 2009); EJ: Ang Pinagdaanang Buhay nina Evelio Javier at Edgar Jopson (libretto ni Ed Maranan at musika ng The Dawn / Tanghalang Pilipino, 2008); at Lean (libretto at musika ni Gary Granda, 1997: muling itinanghal ng UP Repertory Company sa dagdag na areglo ni Karl Ramirez, 2013). Antabayanan pa ang Mandirigmang Mabini, Musical ng Tanghalang Pilipino-RockEd sa 2015.

Sa layong makapag-anak ng isang repertoire ng Pilipinong rock musical, maaaring halawin ang karanasan ng PETA sa paglikha ng trending sa Rak of Aegis. Ang mabubuong repertoire ng alinmang organisasyong pangteatro at kultural ay maaaring maipamalas ng isang bansang naniniwala sa pag-unlad ng kultura at sining kasabay ng tao. Sapagkat maaari ring sagutin ng teatro ang patlang sa edukasyon ng 100 milyong Pilipino.

Dagdag dito, ang pagkaroon ng repertoire ay paggiit din sa espasyong ikinabubuhay ng mga manggagawang pangkultura at alagad ng sining gaya ng pag-iral sa sustenableng mga tanghalan sa kapitbahay na Asya, West End at Broadway.

Sa kabilang banda, may pangangailangan ding maenganyo ang talentong Pilipinong magsilbi sa sariling bayan at ibayong ilapit ang sining sa mamamayan sa pamamagitan halimbawa ng pagtatanghal ng mga musikero labas sa kuwadradong tanghalan. Dito, tinitiyak ang pagsatinig ng mga pangarap ng maralita’t sambayanan gaya ng inaawit ng People’s Choral, The Jerks, Musicians for Peace, Tanghalang Bayan ng Kulturang Kalye (TABAKK), Gazera, Musikang Bayan at Dap-ayan ti Kultura iti Kordilyera (DKK) maging nina Gina Francisco, Rica Nepomuceno, Mina Garcia, Jess Santiago, Bobby Balingit, Dong Abay, Tony Palis, Karl Ramirez at BLKD.

Sipa at Sumpa ng ‘Suhi’ sa Mindanao

$
0
0
Ang Komadrona sa Suhi. Larawan ng <strong>IPAG</strong>

Ang Komadrona sa Suhi. Larawan ng IPAG

Sa labas ng Rizal Mini-Theater ng Mindanao State University (MSU)-Iligan, Hilagang Mindanao, mapapansin ang upuan ni Salvador Dali na animo’y sumulpot sa kung saan: Perpekto ngunit nakabaliktad; di tunaw, ngunit tumpak ang pagkabitin sa tabi ng pintuan ng manonood, habang sa likod nito’y ang mata ng Komadronang testigo sa dalawang dekadang gera at animo’y naaagnas na kaharian.

Para sa mga estudyante at guro ng MSU Iligan, naging pamilyar ang upuang ito sa installation sa kampus bago ang pagbukas ng dula noong ika-8 ng Agosto 2014. Sa loob naman ng mala-Tanghalang Batute, muling matunghayan ang mga upuang nakalambitin nang patiwarik sa palibot ng ulunan ng manonood habang sa gitna ang istruktura ng organong pamproduksiyon ng babae tungong bahay-bata.

Pinatingkad ng disenyo nina Vicmar Paloma, Hermi Dico at Tres Roldan Cartera ang mahihinuha ng manonood mula sa dula: ang ugnayan ng Ina at Anak at ng Tagapagmanang Anak sa Lipunan.

Sa dula-sayaw na Suhi, naranasan ng manonood ang transcreation ni Steve Fernandez sa Oedipus Tyrranos, isang klasikong trahedya ng Gresya na sa sa tantiya ng mga historyador ay unang itinanghal noong 429 BCE. Tanyag din bilang Oedipus Rex o Oedipus the King, ipinapahayag ng dula sa panulat ni Sophocles (496 BCE – 406 BCE) na ang “gawang kamalian ng tao ang siya ring magdudulot ng pagbagsak o ikasasawi nito.”

Naranasan ito ni Oedipus, ang hari ng Thebes (matatagpuan sa Boeotia ng modernong Hilagang Gresya) na sa kanyang limot na malay ay pinatay ang kanyang amang si Hari Laius at pinakasalan ang sariling ina na si Reyna Jocasta. Sinasabing ang ‘di niya matanggap na buhul-buhol na pagkakamali’y isang propesiyang sa lumang paniniwala ng cosmic order ay ‘di maaaring suwayin ng tao.

Ang unibersal na diskusyon sa dula gaya ng kapalaran, kapangyarihan at kapasyahan ay salik sa popularisasyon ng dula at pagsalin nito sa pelikula man o entablado sa iba’t ibang bansa. Sa Pilipinas, ilan sa kilalang salin ay tinanghal ng Dulaang UP, Tanghalang Pilipino, Tanghalang Ateneo at Philippine Educational Theater Association.

Mula nang itinatag ang Integrated Performing Arts Guild (IPAG) noong 1978 sa pangunguna nina Steve Fernandez at Ligaya Fernando-Amilbangsa, ang mga dulang transcreation ay siya nang bumubuo ng repertoire ng organisasyon. Nakabase na ngayon sa Antipolo si Amilbang bilang artistikong direktor ng AlunAlun Dance Circle habang nagpapatuloy sa paglikha ng mga transcreation si Fernandez sa pamamagitan ng pananaliksik, pagsusulat at pagtatanghal bilang artistikong direktor ng IPAG.

Sa transcreation, “umiiral ang malikhaing proseso ng pagsasalin sa panahon at espasyo ng tektsong pampanitikan at pangdulaan.” Hinihiling nito ang transpormasyon at transplantasyon ng mga teksto, galaw, musika, tunog at iba pang kumbensiyon sa paglikha upang mag-anak ng isang adaptasyong maaaring angkinin ng isang komunidad o lipunan.

Sa muling paglikha ng kuwentong Oedipus, inilahad ni Fernandez ang ilang pulitikal at kultural na aspekto ng kalapit na probinsiya ng Maguindanao. Isang produkto ng pagsasanay sa pagsulat noong 2010, ang Suhi ay nabuo mula sa iskets ng Ampatuan Masaker na isang konkretong larawan ng pag-iral ng masangsang na eleksiyon sa ngalan ng tiwaling dinastiya.

Sa Impuni-Tree ng Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman, nakatala ang 58 kababaihan at mamamahayag na pinatay sa munisipalidad ng Ampatuan noong Nobyembre 23, 2009. Hanggang ngayon, bulag ang Kagawaran ng Katarungan sa ehemplong ito ng paglabag sa karapatang pantao para sa pamamahayag at para sa buhay.

Iba-iba ang pagtanggap ng mga Pilipino sa suhing sanggol. Para sa ilan, ay suwerte. Para sa ilan, ito ay malas. Para sa mga nanay at doktor, ito ay hamon.

Para kay Fernandez, isang kasuhian ang naganap sa Maguindanao: kasuklamsuklam na kapangitan. Hindi binanggit ang Ampatuan Masaker sa dula, maging sa mga tala nito sa inilimbag na programa, ngunit sa mga karakter at wikang Binisaya-Tagalog ay maunawaan ang magkabilaang reyalidad ng karangyaan-kahirapan, ng kapangyarihan-kamangmangan at ng warlordismo-nasalaulang prosesong pangkapayapaan.

Gaya ng mga Koro sa Thebes, ang Taumbayan sa bangsa ng Adin ay iniiyak-inaawit ang kanilang matinding kalagayan sa gitna ng labanang Datu Udin (Michael Lagura) at Sampulna (absent actor). Sinasaad sa pambungad pa lamang na ang kinasadlakan na pamayanan na gutom, takot, sakit at kamatayan ay kaugnay ng nabubulok na pamahalaan.

Ang napatalsik na diktador na si Sampulna ay nagbantang salakayin ang puwersa ni Datu Udin upang magbalik sa puwesto. Nag-ipon siya ng lakas sa paniniwalang ang asawa ni Datu Udin na si Bai Mayi (Lara Espiritu/Elaine Baulete) ang siyang pumatay sa dating datu na si Layos. Samantala, ang paghiling niya ng pantubos/kolateral ay humantong sa paghahanap ng sanggol na anak ni Bai Mayi.

Nagkaroon ng interogasyon sa Komadronang (Jerrah Apelado) bitbit ang mahigit dalawang dekadang malupit na alaala sa pagpaslang kay Datu Layos sa araw din ng kapanganakan ng suhi. Marahas ang trahedyang Griyego, ngunit maingat ito sa pagpapakita ng karahasan sa entablado. Sa direksiyon ni Fernandez, tahasan namang ipinakita ang kalupitan sa Komadronang nagpatunay sa kaligtasan ng sanggol nang itinakas niya ito at ipinasa sa pangangalaga ng Saksi (Sheila Cañete). Ang pagbugbog at paglibak sa kanya ni Datu Udin, kasama nina Bai Mayi at Heneral (Christopher Lagos), ay pamilyar sa naratibo ng mga ikinulong sa panahon ng Batas Militar at maging sa kasalukuyang presong mahirap at o kaya mga may pampulitikang paninindigan.

Mahusay ang mala-babaylan na pagganap ni Apelado sa karakter ng matandang nagladlad ng sumpa. Mahinuha ni Datu Udin sa huli na ang kanyang inang-asawa’y siya ngang pumatay sa dating datu, samantalang ang kanyang malupit na kaaway ngayo’y siya mismong ama nito.

Gawa ng kahinaan sa pagsambit ng mga salita, maging sa pagtangan sa mga diyalogo sa tamang emosyon at pulso ng ilang aktor sa ilang eksena, maaaring di agad maunawaan ng manonood ang komplikasyong ito at sa huli’y umuwing lito kung “Bakit may mga babaeng naka-itim?”, “Sino nga ba ang suhi?, “Bakit sila nag-aaway?”, “Sino kung gayon ang ama ni Datu Udin?” at “Sino ang rebelde?”.

Maaaring masagot ang ilang tanong ng mas mahusay na teknik sa bolyum at intonasyon ng mga aktor at sensibilidad nito sa malapitang espasyo. Maaari rin itong masagot ng musika (Fernandez) na di lamang maghatid ng tunog-Maguindanao kundi’y makatulong upang higit na pumagting ang mga rebelasyon sa mga eksena na nakaapekto sa swabeng pag-unawa at pakidalamhati ng manunood sa mga karakter.

Kongkreto sa dula ang away-pamilya ng naghaharing-uri na bumibiktima sa pamayanan. Lumalabas din na ang kanilang bansa ay binubuo ng mga “rebelde” sa magkabilaang panig, sang-ayon sa aplikasyon ng salita sa sariling karanasan ng indibidwal at pagturing ng iba sa kanila.

Ang henchman na si Udoy (Miguel Joven Perfecto) ay nagrebelde noon sa pamamahala ni Sampulna kaya’t nakipagtulungan ngayon kay Datu Udin. Si Datu Udin naman ay dating aktibistang (“rebelde”) nanguna sa pagtuligsa kay Sampulna habang si Sampulna naman ay nagrerebelde ngayon sa pamamahala ni Datu Udin. Tanging si Bai Mayi ang may tangan ng talino kung bakit naganap ang ganitong salimuot samantalang ang banal na konsehong si Pandita (Julius Hechanova) ay tumayong tagapagitan.

Maaari ring pagtakhan kung bakit wala ang tipo ng “rebelde” mula sa Koro/Taumbayan. Sa isang palagay, hindi ito hiniling ng aksiyon sa dula, sapagkat hindi natumbok ang ugat ng “pagrerebelde” gaya ng usapin sa lupa/teritoryo lampas sa emosyonal na pagkariwara ng mga indibidwal. Kung gayon, maaari lamang tuldukan ng dula ang problema ng indibidwal pero hindi ang panlipunan. Bagamat sa kamalayan ng manonood, tiyak na kaugnay ng mayamang lupain sa bansa ang pag-iral ng nakakabaliw na dinastiya sa pulitika ng Pilipinas.

Dahil masakit ang katotohanan, binitay ni Bai Mayi ang sarili gaya ni Reyna Jocasta sa ilang bersiyon ng orihinal na teksto. Sang-ayon sa prinsipyadong pamumuno, isa itong aksiyon na magandang pagnilayan ng mga trapo kung ayaw nilang piliing magbago.

Hindi naman tinusok ni Datu Udin ang sariling mata gaya ni Oedipus. Pero nilabas nito ang baril. May kalabuan din kung ito ba’y pahiwatig ng pagpakamatay o tuluyang pakikipag-away kaya sa kanyang amang “diktador”. Sa parehong resolusyon, hindi nangangahulugang matatapos ang pasakit, katiwalian at kaguluhan.

Mahalagang banggitin ang mga namutawing ideya mula sa palabas ayon na rin sa mga manonood: “Walang sikretong hindi mabubunyag”; “Mananaig ang katotohanan”; “Ang pagtraydor ay nagdidiklap ng labanan”; “Ang kasakiman ay may karampatang parusa”; “Ang sinumang pinuno ay dapat lamang matino mag-isip at magdesisyon”; “Ang sinumang pinuno ay dapat dalisay ang pagsilbi sa taumbayan nang walang pansariling interes”; “Ang katumbas ng pagbigay-kapangyarihan sa maling tao ay karahasan/kahirapan”; “Matuto sa seryosong pakikinig sa panahon ng negosasyon”; at “Mas mainam pang mamatay nang may dignidad kaysa mabuhay na ulol”.

Sa bahagi naman ng paggalaw at pagsambit, mainam na mabanggit ang pinamalas ng Taumbayan/Koro na binuo nina Dianne Clemente, Blecy Cece, Kassandhra Suazo, Lauro Villanueva Jr., Veniza Yamomo, Gaspar Cortez Jr. at Trixcel Emborong. Nakapanghihinayang na hindi lubusang makalipad ang koryograpiya ni Leilani Fernandez gawa ng maliit na espasyo.

Kaugnay nito, sa 37 taong pag-ambag ng IPAG sa pagiit ng dulaan sa Mindanao at pag-unlad ng kasaysayan ng dulang Pilipino/Asya sa kabuuan, karapat-dapat sa organisasyon ang magkaroon ng mas malaking tanghalan at ibayong pagbubukas ng teatro sa mahahalagang usaping pampulitika, pang-ekonomiya at pangkultura gaya ng matinding militarisasyon at Muslim terrorist scare.

Multo ng nakaraan

$
0
0
Nora Aunor bilang babaing may dementia.

Nora Aunor bilang babaing may dementia.

Rebyu ng Dementia, pelikulang dinirehe ni Perci Intalan, mula sa iskrip nina Perci Intalan at Jun Lana, tampok sina Nora Aunor, Jasmine Curtis Smith, Yul Servo, Bing Loyzaga, Chynna Ortaleza, at Althea Vega. Na-test screen noong Setyembre 10, 2014 sa Greenhills Theater Mall, San Juan City

Hindi ko inaasahang isang horror-suspense drama ang Dementia. Wala man lang kasi akong nabasang anuman o napanood na trailer tungkol dito.

Kaya ang akala ko ang istorya ay iikot sa kung paano pakikitunguhan ang pagiging ulyanin. Hindi pala.

Pero sa salitang “dementia” mataas na kaagad ang ekspektasyon ko sa pelikula lalo’t si Nora Aunor ang bida. Kaya maaga pa’y sumugod na ako sa Greenhills Theater Mall, kung saan ginawa ang test screening, noong Setyembre 10.

At hindi ako nabigo. Dinala ni La Aunor ang pelikula. Kay Nora, di na masyadong kailangan ang diyalogo, dahil sa mata pa lang ay may drama na. Lahat ng emosyon ay ipinakita at ipinadama niya – lungkot, galit, takot, gimbal. Kulang na lang na tawagin ko ang pelikulang ito ng “The Eyes.”

Liban dito, bawat kilos at galaw ni Nora ay kapani-paniwala. Hahatakin at hahatakin niya ang manonood sa mga eksena, na para bang kasama ka na niya sa telon. Hindi pilit. Hindi garapal. Subtle, ika nga sa Ingles.

Kung masaya siya napapangiti ka, kung malungkot nag-aalala ka, kung nagigimbal natatakot ka. Kaya para lamang makita kung gaano siya kahusay na artista, sapat nang panoorin ang pelikula.

At manonood na mismo ang magsasabing isa siyang tunay na pambansang artista.

Samantala, medyo kakaiba ang istorya ni Jun Lana. Kuwento ito ng isang may edad na babaing may dementia na iniuwi sa Batanes ng pinsang si Bing Loyzaga. Balikbayan si Bing, na inalagaan ni Nora, at sa pagmamahal ni Bing ay isinama si Nora na dumalaw sa probinsiya.

Pagkakita pa lamang sa lugar, sa mga talampas at alon, at sa bahay na bato, alam mong dito’y may maaalala si Nora.

Pero tulad ng isip na isang taong may dementia, gayundin muna tumakbo ang istorya – flashes of memory na hindi mabuo-buo ang kuwento. Unti-unti ang pagluluwal ng istorya at madalas hinahanap mo sa isip kung saan ka ba talaga dadalhin ng kuwento. Suspense, ika nga, na mahusay namang natahi bandang huli, tulad ng pagkakabuo ng pieces of puzzle na ginagawa ni Nora.

Lamang, kapansin-pansin ang pagluwag sa characterization. Halimbawa’y hindi naging malinaw kung bakit galit si Nora kay Yul Servo, na asawa ni Bing sa pelikula, gayong ipinapakitang mabait na bata naman si Nora na nag-alaga pa ng isang baliw. Hindi rin malinaw kung paanong naging pinsan ni Nora si Bing, gayong adopted lang si Nora. O paano sumulpot sa buhay ni Nora si Bing.

Kung baga, may mga bahaging hindi consistent sa mga tauhan.

Pero consistent ang ganda ng cinematography. Nahuli nito ang nakamamanghang kalikasan ng Batanes, at ang katahimikan at kalagayang parang pinag-iwanan ng panahon ang lugar ay umakma sa mood ng pelikula at sa katayuan ni Nora na may dementia.
Sabihin pa, mahusay na naiugnay ang paligid sa mahahalagang pangyayari sa buhay ni Nora.

Kung ito naman ang unang pelikula ni Percival Intal bilang direktor, bagaman may mga bahaging dragging at napabilis at napaigsi pa sana, ito ay magandang simula na. Isang pelikula ito na irerekomenda ko sa aking mga kaibigan, hindi lamang dahil kay Nora kundi dahil may gems sa pelikula. Hindi ko nga lang masasabing gem ang musika. Maganda sana ang tunog pero sa sobrang lakas nakakatulig na sa tenga at umaagaw na sa mga eksena.

Gayunman, pinakagusto ko ang huling eksenang nagsusulat si Nora sa ospital at pilit inaalala ang mga nakaraan. Sa huling talata, binura niya ang salitang “itinulak” at pinalitan ng “tumalon.” ‘Yun na ‘yon. ‘Yung single scene na ito ang nagtahi at nagpaliwanag ng maraming katanungan sa buong istorya.

Nang lumabas ako ng sinehan, hindi ko maiwasang mapangiti na rin. Sumagi sa aking isip na sana, ang mga bulok na pulitiko sa ating bayan ay multuhin ng kanilang mga nakaraan, sa mga kasalanang ginawa nila sa bayan. Kung gayon, may nagagawa rin palang mabuti ang dementia.

Paglulunsad ng Doble Katha

$
0
0

Matagumpay na nailunsad ang mga librong pinamagatang Transfiksyon: Mga Kathang In-Transit at Like/Unlike Mga Kuwentong Facebook Status at Politika ng Agam-agam na idinaos sa Bulwagang Plaridel sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, noong ika-11 ng Setyembre. Ang dalawang antolohiya ay kapwa inedit nina Rolando Tolentino at Rommel Rodriguez.

Si Luna Sicat-Cleto habang nagbibigay ng pananalita tungkol sa Transfiksyon. (Larawan mula sa Facebook page ng UP College of Mass Communication).

Si Luna Sicat-Cleto habang nagbibigay ng pananalita tungkol sa Transfiksyon. Larawan mula sa Facebook page ng UP College of Mass Communication

Mula sa pabalat ng Transfiksyon ay mahihinuha ang nilalaman ng antolohiya: Tayo’y mga manlalakbay sa kani-kaniyang panahon. Baon ang mga salita’t imahinasyon na kailangang itala gamit ang malikhaing isipan. Lunan ng Transfiksyon ang iba’t ibang anyo ng pakikipagsapalaran sa malalawak at makikitid na espasyo, sa kawalan, sa panaginip, sa nakaraan at hinaharap. Narito ang mga kuwentong lumikha ng mga bakas na hindi na mabubura. Sakop ng mga akda ang simula’t katapusan ng likhang reyalidad. May mga paglutang, ang iba’y lumilipad, o kaya’y sinasagwan ang isip upang makabuo ng naratibong magsisilbing giya sa mga kasabayang manlalakbay. Heto na ang Transfiksyon ng ating mga kuwentistang Filipino. Tiyak na mag-iiwan ng pananda sa pagtahak ng ating mga daliri sa pagitan ng bawat pahina.

Iba’t ibang uri ng sasakyan/pagsakay/lunan ang makikita sa antolohiya tulad ng jeep, bus, MRT, bangka, eroplano at iba pa na nagtataglay ng sari-sariling mga kuwento.

Sa pahapyaw na pagkritik ni Luna Sicat-Cleto sa Transfiksyon, inihambing niya ang antolohiya sa “mga agos sa disyerto” na koleksiyon din ng mga maikling kuwento na nalathala noong dekada ’60.  Aniya, ang naturang proyekto ay “papasulong at wala nang lingunan pabalik.” Sinabi pa ni Sicat-Cleto na bagamat wala mang pinto siyang pinasok sa pagbasa, nakapasok siya sa kaloob-looban nito.

Sa epilog naman ng Like/Unlike: Kuwentong Facebook Status at Politika ng Agam-agam ay ito ang nakasaad:  Kaya kahit hindi sinasadya, postmoderno ang mga kinalabasang kwento:  mga experimentasyon sa artikulasyon ng sarili at mundo dahil ang premis ng virtual na mundo ay ang pagkawatak-watak ng sarili at ng mismong mundo.  Kahit pa ang daming pahina ng hypertext na pumapatungkol sa sarili, ang pagiging hypertext ng mga pahina at sipi ng kwento ay pumapatungkol din sa pagiging hypertext ng sarili.  Hindi na lamang diretso ang trajektori ng pagkaunawa at pagkatuto ng pagkatao at individualismo, may kanya-kanya itong direksyon sa inaasahang purposiveness ng nais maunawaan:  aspekto lamang, hindi kabuuan dahil nga ang paradox ng kabuuan ay hindi naman ito mabubuo kahit pagtagni-tagniin sa Internet.

Si Dong Abay, sa kanyang malikhaing pagtatanghal. (Larawan mula sa Facebook page ng UP College of Mass Communication).

Si Dong Abay, sa kanyang malikhaing pagtatanghal. Larawan mula sa Facebook page ng UP College of Mass Communication

Sa Like/Unlike, sinusuri ng mga editor ang Facebook bilang “plataporma at daluyan ng virtual na individualismo sa virtual na networking na komunidad.” Isang pagtatangka ang antolohiyang ito upang makabuo ng naratibo mula sa mga kontribyutor gamit ang kanilang tinipon at nireorganisang Facebook status. Makabuo ng kwento mula sa tila napakatemporaryo at biglaang pagbulalas sa networking site.

Maliban sa mga mga kontribyutor na dumalo, nagkaroon din ng pagtatanghal sa programa sina Dong Abay, Angeli Bayani, Hero Angeles, Boy Dominguez at iba pa. Ang naturang paglulunsad ay dinaluhan rin ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Dr. Bienvenido Lumbera.

Ang Transfiksyon ay inilathala ng U.P. Press habang ang Like/Unlike na isang e-book ay inilathala ng Flipside Publishing.


Mula sa Kung Ano ang Noon (From What is Before): Ganun pa rin Ngayon

$
0
0
Eksena mula sa pelikulang "Mula sa Kung Ano ang Noon".

Eksena mula sa pelikulang “Mula sa Kung Ano ang Noon”.

Rebyu ng pelikulang Mula sa Kung Ano ang Noon (From What is Before) (2014), dinirehe ni Lav Diaz

Kapirasong kasaysayan mula sa alaala ng mga misteryo at histerya sa nayon sa panahong niluluto ng Rehimeng Ferdinand Marcos ang Batas Militar. Mga simbolikong larawang bukas sa maraming pagtuklas at pag-unawa.

Ito ang mga ibinahagi ni Lav Diaz sa pelikulang Mula sa Kung Ano ang Noon (From What is Before) na naglagay sa Pilipinas sa kauna-unahang pagkakataon mula 1946 sa mapa ng Locarno International Film Festival sa Switzerland. Nakamit ng pelikula ang pinakamataas na karangalan, ang Golden Leopard Award, nitong taon.

Ipinagpalagay na ang alaalang binanggit ay mula sa 12 taong gulang na si Diaz dalawang taon bago idineklara ang Batas Militar. Naging saksi ang awtor-direktor kung paano nagimbala ng diktadura ang simpleng pamumuhay ng mga mamamayan sa isang nayong bundok noong dekada ’70.

Gaya ng panaginip, napapadpad sa iba’t ibang lokasyon ang mga karakter. Sa ganitong paraan naipapabatid ni Diaz ang saklaw ng pelikula: di lamang ng isang nayon sa Timog o kaya Kanlurang rehiyon, kundi ng buong bayan. Bagamat nag-iiba ng tekstura sa ekspresyon at wika, nananatiling pamilyar ang tereyn ng luntiang bukid: ang bundok, ang ilog, ang dagat, ang ulan, ang araw maging ang ihip ng hangin, dagundong at kidlat, lagaslas, lawiswis at titig ng kalabaw. Pamilyar din ang mahaba at mabagal na lakaran paitaas-paibaba. Maaaring nakakatortyur ang paghihintay sa paggalaw ng mga tableau ni Diaz, ngunit sa huli’y ang buntong-hininga ng panglaw at ang masigasig na pag-aabang sa mabuting kahantungan ng manlalakbay.

Sa unang bahagi, natutunghayan ang sayaw ni Bai Rahmah (Bambi Beltran) na minsan lamang mangyari sa “10 tag-init, 10 tag-ulan at 10 kabilugan ng buwan”. Walang subtitle ang awit ng Shahman (Abraham Abdullah), ngunit mahinuhang ito’y ritwal para sa ikagagaling ng maysakit at para maitaboy ang mga pangitain o masasamang enerhiya.

Bilang katutubong gawain, ipinagpalagay na lahat ng dumadalo rito ay may bitbit na pag-unawa at malinaw ang pakay o layon ng pakikiisa sa ritwal. Sa larawan ni Diaz, istatik lamang ang taumbayan, liban sa aliw na palakpak ng isang may kapansanan, si Joselina (Karenina Haniel). Mapapansin sa sumunod na mga eksena ang pagkasalaula ng malakas na kapit sa kolektibong aktibidad na ito dahil sa mga kababalaghang animo’y galing sa kalikasan ngunit sa totoo’y gawa ng tao o kaya’y resulta ng masamang budhi nito.

Sinasabing kabisado ng mga mamamayan ang agham ng kalikasan, ngunit hindi ang “katotohanang” hatid halimbawa ng demonyong-tao. Nauna nang nagtaka si Sito (Perry Dizon) sa pagkawala ng balon (wild dove) na sa tuwina’y inaabangan kasama ng kanyang ama noon at ngayon ng kanyang ampong si Hakob (Reynan Abcede). Dalawampung taon nang nakalipas ay kinuha diumano ng duwende ang kaibigan niyang si Teban.

Ngunit tumambad ang higit na misteryosong mga imahen gaya ng pagkasunog ng tatlong kubo sa isang gabi, pagkaroon sa kalye ng di kilalang bangkay na tila may kagat ng asawang sa tainga, pagkarinig ng mga nakaka-ulol na hiyaw mula sa gubat, paglalakad ng hubo’t hubad ng di makakalakad na “anak ng kapre” (Joselina) at ang pagkapugot ng ulo / pagkataga ng mga baka sa rancho.

May teorya ang mga mamamayan dito sa huling pangyayari: na ito’y dala ng galit ng magsasaka sa asendero, ngunit sa buong alaala’y nanatili itong haka-haka at nanaig ang propaganda ng Bureau of Health na ang pagkamatay ng mga baka ay dala ng dumapong sakit dito.

Sa bahagi ng batang si Hakob, isang hiwaga ang kanyang kapanganakan at nais tuloy tawirin ang isla ng mga limot sa Culion, Palawan. Samantala, tumitindi ang panganganilangan ng taumbayan sa pagpagamot. Tinugunan naman ito ni Itang/Pacita (Hazel Orencio), kasangkapan ang kapatid na si Joselina. Bagamat gamit ni Itang ang katutubong kaalaman sa halamang gamot, batid din niyang ginawa niya iyon upang kumita at mabuhay silang magkapatid. Isa itong ritwal-ritwalang pinag-isipan nang husto ni Itang at hindi lubusang sinang-ayunan ni Fr. Guido (Joel Saracho) sa konteksto ng Katolisismo at konsepto ng pang-aabuso.

Sumunod naman ang rebelasyon ng mga trahedya: pagpatay ng isang puwersa sa sanggol ni Babu Amrayda (Ching Valdes-Aran), pagkawala ng trabaho ni Sito bilang bantay ng baka sa rancho, paulit-ulit na paggahasa ni Tony (Roeder Camanag) sa walang muwang na si Joselina, pagkampo ng mga militar sa nag-iisang eskuwelahan sa bayan sa pamumuno ni Lt. Perdido (Ian Lomongo), paglason ni Itang sa buntis na si Joselina at tuloy pag-alay ng kanilang katawan sa Banal na Bato. Rumurok pa ito sa malawakang paglikas ng mga kababaryo kasama si Hakob at ng mga kaanak ni Sito.

Ang mapantig na awit ni Babu Amrayda’y hinagpis ng isang Inang Bayang ninakawan ng kinabukasan ang anak: “Si Lamlaman ang anak na isinilang kasama ng mga puno at ilog sa kagubatan ay sinira ng takot at ngayo’y tinangay ng kadiliman.”

Matapos ang dalawang taong paghasik ni Heding (Mailes Kanapi) ng kuwentong katatakutan kasabay ng paglako ng banig, kaldero, balde at kung anu-ano na lang, ang baryo ay mistulang naging ghost town. Matapos ang mahigit limang oras na pakidalamhati ng mga manonood sa ordinaryong mga karakter ng pelikula habang nakipagbuno sila sa mga hiwaga ng buhay, ang malinaw na alaalang si Heding ay isang lintik palang tiktik na sarhento sa ilalim ni Lt. Perdido at ni Pangulong Marcos. Namutawi ang halakhak nito ng tagumpay kasabay ng tagay ni Lt. Perdido sa kanyang promosyon habang sa radyo ay narinig ang boses ni Marcos sa pagbigay-katwiran ng Martial Law.

Sa dulo ng pelikula, nabanaag din ang mga katotohanan sa likod ng mga misteryo. Ang hiyaw mula sa gubat ay naging kongkretong hiyaw ng kabataang sinasaksak nang dahan-dahan ang tagiliran habang pilit siyang pinapaamin ng Seksing Vigilante (Kristine Kintana) na mahal niya ang UP… mahal niya si Marcos. Ang eksenang tortyur na ito ay pamilyar sa tulang “Mga Bahagi ng Bangungot” (“Fragments of a Nightmare”) ni Amado Guerrero. Eksenang maiksi ito, ngunit masaklap na karanasan ng maraming kabataang tumuligsa sa diktadura ni Marcos.

Sa unang dating ng shot ni Diaz sa mga vigilanteng naglilinis ng baril sa kubo, iisipin mong sila ay mga “rebeldeng NPA”. Sa malaon, mauunawan mong ito’y tropa ng lantay-militar sa ipinakita nitong arogansiya sa pagtawid sa di maayos-ayos na tulay at sa pagharang sa inosenteng mga mamamayan gaya ni Fr. Guido. Mauunawaan ding ang tanging papel ng Batangueñong dayo na si Heding ang “clearing” o paglinis ng bayan, isang operasyong militar kung saan winawalis ang mga mamamayan: pinapatay ang mga umaangal habang ang iba ay nirerekluta sa paniniktik at puwersang para-militar gaya ng Civilian Home Defense Forces (CHDF) na kilalang Cafgu sa panahon ni Pang. Corazon Aquino.

Mula sa pelikulang "Mula sa Kung Ano ang Noon".

Mula sa pelikulang “Mula sa Kung Ano ang Noon”.

Karahasan at pananahimik ang sagot sa sosyo-politikal na problema ng kawalang serbisyo at ng pag-iral ng government neglect sa loob ng maraming taon. Kahit sa hinagap ng mga tagabaryo ay simpleng problema lang sana ito kung gugustuhing atupagin ng gobyerno. Mahinahong ipinaliwanag nina Sito na “tahimik ang baryo bago dumating ang mga militar”. Ang nilalatag ng estado kung gayon na tipo ng “katahimikan” ay problematiko.

Sa proseso, ang ibang mamamayan ay nawiwindang, nasisiraan ng loob, naprapraning, nagiging dekadente kundi man tuluyang umalis sa lupang sinilangan. Nilusaw kung gayon ng paghubad sa maskara ni Heding ang mga misteryo sa bayang siya din ang lumikha bilang aparato ng kapangyarihang militar.

Sa isang mukha ng masalimuot na kalagayan, ang ibang mamamayan ay biglang naglalaho naman tungo sa gubat upang umanib sa NPA. Hindi tahasang sinabi kung ganito nga ang nangyari kay Teban. Wala ring pahayag na ang bayan ni Sito ay naaabot ng pag-organisa ng Kilusan laban sa Diktadura at para sa Pambansang Demokrasya.

Sang-ayon sa kongklusyon ni Heding, ang baryo ay “tahanan ng mga komrad at simpatidor ng mga Komunista”. Kung kaya, idineklara ni Lt. Perdido ang lugar bilang bahagi ng war zone. Ipinagmamayabang niyang masugid siyang mag-aaral ng kasaysayan, ngunit ang kanyang baluktot na lohika ng pag-iral na kapayapaan (peace and order) ay di maunawaan ng kaguruan sa baryo (Evelyn Vargas at Teng Mangansakan). Tinatanghal ni Lt. Perdido ang sarili niyang pangalan.

Ang malinaw sa pelikula’y nakaranas ang bayan ng malagim na yugto sa panahon ni Marcos. Ang malinaw rin ay may kakayanan ang ordinaryong tao upang maninindigan para sa katarungan. Sa indibidwal na kapasidad nila, lumaban ang ilang karakter at inangkin ang katwiran. Marahas ang aksiyong tulak rin ng dahas. Nailigtas ni Sito ang sanggol na si Hakob mula sa akmang pagpatay dito ng isang lalaking pinaniniwalaang sariling ama nito. Ang pagbawi sa buhay ni Tony ay pagbigay-hustisya kina Itang, Joselina at sa di pa naisilang na sanggol nito. Samantala, ang ipinamalas ni Itang na karunungan sa halamang lunas ng sakit maging sa tipong pampatupok ng buhay ay isang katutubong kapangyarihan. Maaalalang pinaslang ang kapangyarihang ito ng mga katutubong Filipino sa ilalim ng Batas Militar ng Espanya at ng Amerika. Nararapat lamang mabalikan ito ng mamamayan bilang proteksiyon sa sariling buhay liban sa sustenableng armas ng kalusugan. Si Joselina naman ay kakakitaan ng lakas sa mga yogang posisyon nito sa kabila ng kapansanang mental at pisikal.

Sa pagwakas ng pelikula, namilosopo ang Makatang “nagpakalayong maghanap ng tulang matatagpuan lamang sa sariling lupa kaya ngayo’y nagbalik upang dito mamatay”. Bukambibig nito ang “Basag na Uniberso”, “ang patay na bayan”, “bayan ng mga patay” o “ang sumpa ng malalang sakuna”. Idiniin ng monologo nito ang paghahanap sa sariling bayan at sa katwiran ng buhay.

Sa tono ni Crisostomo Ibarra at ng mga bayaning nagbalik sa mga epikong bayan, nanalig siyang “isang araw ay wawasto rin ang lahat”. Mataas ang paghanga nito sa gaya ni Sito na “lampas sa pagtatanim ang kaalaman at di sumusuko sa anumang pagsubok”. Samantala, hinikayat niya ang manunood upang maglimi “sapagkat tayo lahat ay nagkamali”. Sa puntong ito, ideyal ang tinutukoy na bayan: binubuo ng makatwirang mga mamamayan at ng makatwirang pamahalaan. Sa huling eksena ring ito, sinabi ni Sito na “mahirap arukin ang buhay”. Natatakot siya sa bagay na di niya alam: isa pang mahalagang puntong magandang paglimian.

Simboliko ang larawan ng pagpalutang ng pinaapoy na katawan ng Makatang tinupok ng kanser. Hindi makaalagwa ang apoy na nakikibaka sa ulan, ngunit ang ritwal ng Malay ay katuparan ng huling kahilingan para sa kadalisayan.

Para sa manunood na Swiss, maaaring kongkreto sa kanilang kamalayan ang ugnayan ng pamahalaang Marcos at ng pamahalaang Switzerland sa pagkalinga ng Swiss Bank sa diktador at ng mga nakaw na kabang-bayan kasama ng mga ginto at alahas (ill-gotten wealth ng mga Marcos). Maaaring para sa kanila, tapos na ang usaping ito sa pagbalik ng nakaw na yaman sa rehimeng Fidel Ramos noong dekada ’90.

Ngunit isang katotohanan pa rin sa bansa ang patuloy na kahirapan, kawalan ng akses sa serbisyong panlipunan, pagkatali ng mga magsasaka sa sistemang asyenda at pagdami ng kaso ng sapilitang pagkawala/pampulitikang pamamaslang. Nariyan din ang histeryang likha ng presidential sister na si Kris Aquino sa mga pasabog na kuwento tungkol sa kanyang sex life o kaya kalituhan kung saang bansa siya magsa-shopping.

Nawa’y sa paglibot ng pelikula sa mahigit 30 bansa bilang bahagi ng gantimpala ng festival ay maitambol ang mithi ng mga mamamayang Pilipino na makabangon mula sa bangungot ng kawalang demokrasya. Samantala, maipaunawa rin nito ang katotohanan ng prinsipyadong armadong pakikibaka sa Luzon, Visayas at Mindanao para sa tunay na pagbabago ng kalagayan ng ordinaryong mga mamamayan.

Migranteng Pinay bilang Nars, Nanny, Nanay

$
0
0

PW-nny(Bahagi ng Testimonya ng Aktor sa Dulang Testimonyal)

Matapos maglakbay sa Canada, Germany at U.K. mula 2009-12, itinanghal sa Pilipinas ang Nanay, isang Dulang Testimonyal noong Nobyembre 2013 sa direksiyon ni Alex Ferguson at produksiyon ng Urban Crawl sa pakikipagtulungan sa Philippine Educational Theater Association (PETA).

Sa panulat ni Geraldine Pratt katuwang si Caleb Johnston, kapwa mga Canadian at propesor sa Heograpiya, ang dula ay batay sa 15 taong pananaliksik kasama ang Philippine Women Centre of British Columbia (PWC), isang organisasyong nagtataguyod ng karapatan at kagalingan ng mga migranteng manggagawa sa Canada. Ang mga panayam ay inipon, isinatala, isinalin at isinalang sa workshop pangdulaan sa layong buksan ang usapan hinggil sa 22 taong Live-in Caregiver Program (LCP) ng Canada at sa katambal nitong 30 taong Labor Export Policy (LEP) ng Pilipinas.

“I’m not only a nanny. I’m also a Nanay.”
- Mhay, migranteng Pinay sa Canada

Ito ang naging salalayan ng pamagat ng dula ayon kay Pratt. Pamilyar sa lokal na Canadian ang mga Pinay bilang nanny kung di man bilang ‘parent helper‘ o kaya ay ‘domestic helper’. Sa dila ng isang Canadian, maaaring pagpalitin ang nanny-Nanay. Sa dila ng mga Kastilang nag-anak ng maraming Maria at sumisa sa maraming babaeng dukha, ang ‘nanay!’ ay mistulang pagbalewala o pagtanggi. Mula naman sa ‘son of a bitch’ ng Ingles/Amerika, siya ay putang ina. Para sa Pilipino, ang ‘Nanay’ ay Ilaw ng Tahanan, Inay, Inang, Inahan, Ina, Nanang, Manang, Mama, Mamay, Manay, Mom, Mommy, Mami, Ermat, Madir, Mamu, Eba, Maganda, shupermom, Darna: mga katawagang ‘mahal’.

Ang pagsambit kung gayon ng isang migranteng Pinay sa dalawang papel na nanny-Nanay kaugnay ng pag-alaga at pagkalinga ng pamilya ay may tonong paggiit sa kanyang katauhan at karapatan. Mayroon din itong pagkilala sa kanyang Inang Bayan.

Sa ganitong konteksto nasasaklaw ng pamagat na ‘Nanay’ ang parikalang katotohanan ng pagwalay ng mga migrante sa sarili nilang mga anak upang maging Nanay/Ikalawang Nanay ng di nila kaanak sa ibang bansa. Isa rin itong pagrehistro sa malay ng mga empleyadong Canadian sa tipo ng sapilitang sakripisyo ng maraming Pinay upang matugunan ang domestikong pangangailangan ng bansa.

Binanggit nina Pratt at Johnston ang tatlong layunin upang itanghal ang ‘Nanay’ sa Pilipinas. Una, “pagpatampok ng hustisya sa isang transnasyunal na pampublikong diyalogo kung saan nadudulog ang panig ng di karaniwang naririnig” gaya ng mga migrante. Ikalima ang Canada sa listahan ng migrant-receiver at tinitingala ang LCP nito bilang modelong polisiya ng US, Germany, Russia at Saudi. Ikalawa, pagtulay sa mga migrante at ang kanilang kaanak sapagkat ang tunay na kalagayan kaugnay ng pasakit at kahirapang nararanasan sa ibang bansa ay karaniwang “kinukubli ng migrante sa kanilang pamilya” sa personal na mga kadahilanan gaya ng pag-iwas ng pag-aalala ng kanilang anak at kamag-anak o kaya ay para maiwasan ang deportasyon. Ikatlo, pagkatok sa pamahalaan ng Pilipinas para sa pakikipagtalastasan hinggil sa problema ng mga migrante sa ilalim ng LEP na karaniwang tinatanggi ng mga tauhan ng gobyerno, sinisisi mismo sa mga migrante o kaya naman ay pinagpalagay na mayroon na itong kasagutan. Sa Scene 9, binaggit ng karakter na Philippine Foreign Affairs Rep:

But it is not the policy to send domestic workers abroad. It is a personal choice to leave the country.

Sa ganitong pananaw rin nakaangkla ang komentaryo ng embahada ng Pilipinas sa Germany na nakapanuod sa palabas nito sa Berlin HAU noong 2009. Sa tingin ng mga mananaliksik-manunulat, ang kanilang reaksyon ay problematiko. Sa pagsusuri naman ng Migrante International, isang alyansa ng mga migranteng Pilipino, ang pananaw na ito ay sistematiko sang-ayon sa estratehiya ng neo-liberal na pag-unlad kung saan ang mahirap na bansa ay nakakawing sa krisis ng mayamang bansa.

Sa pag-uwi ng ‘Nanay’, nais iparating sa manunood ang hinaing ng mga migranteng Pinay at ang kawalang-hustisya sa ilalim ng tambalang LEP-LCP. Ang talab nito ay maaaring mahinuha agad sa Talkback sa dulo ng dula, sa survey at sa iaanak na kolaborasyon , pakikiisa at ugnayan.

How far would you look for childcare? How far would you travel to earn enough to care of your own family?
-Publicity, ‘Nanay’

Mahigit 6,000 milyang layo. Mahigit anim na buwang walang araw sa pagkompleto ng 24 buwang rekisitos ng LCP upang magkaroon ng landed immigrant status. Sa esensiya, “pagtitiis” ng Nanay ng dalawang taon o higit pa gaya ni Joanne na lesensiyadong nars, iniwan ang dalawang anak sa Pinas upang magtrabaho bilang kasambahay at yaya ng matanda at mga bata sa Canada.

Tampok sa dula ang mga kuwento nina Ligaya, Michelle, Jovy at Joanne: mga boses ng pamilyar na kababaihan sa pamilyar na kwento sa pamilyar na mata at ngiti ngunit sa komplikado at dayuhang mundo. Sa mabilisang silip, si Ligaya (Marichu Belarmino) ang Nanay na sadyang may simpleng pangarap sa mga anak; si Michelle (Anj Heruela) ang anak na nawalay sa ina at binabaka ang identidad/pangarap nang ma-reunite sa kanya; si Jovy ang “maswerte” sa LCP at si Joanne ang “minalas” (Joanna Lerio). Hindi naitanghal ang eksena ni Jovy sapagkat hindi natuloy ang artista.

Samantala, natunghayan din ang kuwento ng mag-asawang Canadian na nangailangan ng katuwang sa bahay (Patrick Keating at Hazel Venzon), ng isang ahente na si Carl Hunter na pinagkakakitaan ang mga migranteng walang mga visa/landed status (Ferguson), at ang Rep/Agent mula sa pamahalaan ng Canada at ng Pilipinas (Keating at Lex Marcos).

Sa dula, hinikayat ang mga manunood sa isang paglalakbay sa loob ng kombensyunal na gusaling pangteatro ngunit sa mga espasyo nitong di-karaniwang ginagamit sa pagtatanghal (“unconventional”): sa Lobby, Library, Kitchen, Dressing Room, Studio Room at Rooftop.

Ang kaliwang lobby ng PETA sa mababang palapag ang nagsilbing portal ng manunood para sa iba’t ibang eksenang instalasyon ng mga monologo at diyalogo. Habang nag-antay ng iba pang manunood, maaari silang makinig sa oryentasyon ng LCP sa isang screen o kaya ay sa isang audio-recording ng migrante. Mula dito, nahati ang manunood sa dalawang grupo ng tig-15 sa tulong ng Guide. Ang isa ay tinahak ang ruta ng mga employado (Employer Route) habang ang isa ay tinahak ang ruta ng mga migrante (Domestic Worker Route). Sa bawat instalasyon ay tumitigil ang mga manunuod upang pakinggan o kaya ay tulungan ang kanyang kapwa-manlalakbay / karakter. Verbatim ang mga monologo at diyalogo kaya’t pangunahing wika nito ay Ingles ngunit may pagsalin ang ilang ekspresyon at may improbisasyon/malikhaing interpretasyon ang direktor at mga aktor.

Masasabing mabigat at palasak ang dating ng testimonyang tumatalakay sa “pagiging biktima at bulnerable” ng mga migrante: mga mistulang lumang kuwento ng kaapihan sang-ayon sa palagay ng ibang manunood. Ngunit ang dating na ito ay isa sa mga niresolba ng Talkback na mismong ang kuwentong ito ay buhay na buhay pa rin. Sa masiglang partisipasyon ng manunood sa Talkback, masasabing naabot ng dula ang layon nitong maging daan para mapag-usapan ang mga komplikasyon ng migrasyon at tuloy mamulat ang manunood.

Isang kinaharap na kontradiksyon ng mga karakter na migranteng manggagawa ay ang hamon ng pagbasag sa konseptong para sa mga Pilipino, ang Canada ay “langit” at para sa mga Canadian, ang Pilipino (nanny) ay “hulog ng langit” gaya ng sinasabi ng Nanniesfromheaven.com at Myprice4u.ca.

Tinatayang sa humugit 35 milyong mamamayan sa Canada, 800,000 ay Filipino o may dugong Filipino. Tinatayang 49 porsyento ng mga Filipinong residente ay dumaan sa LCP mula 1993-2009 o humigit 43,907 sa kanila ay LCP ang pangunahing pasaporte, direkta man o hindi, upang makapasok sa bansa at tuluyan nang manirahan. One third sa kanilang bilang ang may iniwang anak sa Pilipinas (TIEDE).

Sa datos ring ito ay lumabas na nangunguna ang Pilipinas bilang tagatustus sa pangangailangan ng caregiver sa Canada. Sa huling tala ng Embahada ng Canada sa Pilipinas, nakapag-isyu ito noong 2012 ng permanent resident visa para sa 33,000 Filipino, humigit 8,000 temporary foreign worker visa at humigit 31,000 temporary resident/visitor visa. Malakas ang hatak ng LCP dahil sa pakete nitong pagkaroon ng permanenteng “tahanan” sa Canada kasama ng pamilya.

Bilang pag-aaral-pagtatanghal sa kalagayan ng mga migranteng manggagawa partikular ang mga kasambahay at taga-alaga ng matanda, may kapansanan at bata, tampok sa dula ang relasyon ng migranteng Pilipino sa kanilang empleyadong Canadian maging ang mga katanungan sa LCP at ang katapat nito sa Pilipinas na LEP. Sa mga salaysay ay mahinuha ang epekto ng dalawang polisiya sa larangan ng ekonomiya at kultura ng dalawang bansa.

Maaaring maipa ang usaping migrasyon sa relasyon ng tagabigay-tagatanggap kung saan ang Canada ay nagbubukas ng trabaho habang ang Pilipinas ay “kusang” tumatanggap sa alok. Sa pagtanggap ng alok, ang Canadian employer ay nakikinabang sa serbisyo (sa murang halaga) ng migranteng Pinay sa domestikong gawain. Sa kabilang banda, nakikinabang ang mga anak/pamilya ng migranteng Pinay sa padalang pera ng kanilang Nanay. Natutustusan ang pangangailangan ng Canada para sa foreign-labor habang ikinatutuwa naman ng Pilipinas ang mito ng pag-unlad gawa ng remittance. Ikatlo ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamataas na remittance na umabot sa $24 Bilyon (2012).

Kaya naman, ang migranteng Pilipino ay binansagang “bagong bayani” ng bawat embahada at pangulo ng bansa. Sa tunay na buhay, ang ganitong pagkilala ay problematiko kaya problematiko rin kung ang ugnayang Canada-Pilipinas ay tingnan lamang sa isang mutwal na relasyong bigayan dahil sa aktuwal ang Pilipino ay agrabyado batay sa ilang libong kaso at salaysay na nakalap ng PWC.

Pangunahing kasangkapan ng Canada ang LCP sa paghain ng oportunidad sa mga manggagawang Pinay. Bagamat malinaw sa mga probisyon nito ang obligasyon ng isang employer sa pasahod at benepisyo ng live-in caregiver kung saan ang migrante ay nakatira sa bahay ng employer, maraming naratibo ng Pinay ang nagpapatunay sa mga paglabag dito gaya ng ibinahagi ni Joanne sa dula.

Masalimuot at mabuway kung gayon ang relasyon ng tagabigay-tagatanggap-tagatanggap-tagabigay ng Canada-Pilipinas-Canada-Pilipinas. Kailangang harapin ang tanong: ano ang pangunahing kasangkapan ng Pilipinas para sa “kusang” pagtanggap ng paglisan ng mga Pilipino? Ang panloob na pananaw ang pangunahing kinonsidera sa pag-uwi ng dulang ‘Nanay’ sa Pilipinas noong 2013. Kung gayon, ang paglakbay na ito ay paghanap sa ugat ng pangibambayan. Kaya naman hangad maipatampok sa palabas ang papel ng LEP sa kahinatnan ng mga migrante.

Sa puntong ito, maaaring maipa ang relasyong Pilipinas-Canada sa konseptong tulak-hatak kung saan ang obhetibong internal na kalagayan ng Pilipinas gaya ng kawalan ng lupa at nakabubuhay na trabaho ang siyang puwersang tumutulak sa maraming Pilipino upang mangibambayan habang ang palabas na salik ng krisis sa kakulangan sa lakas paggawa ng Canada ay puwersang humahatak upang lumabas ng bansa ang Pilipino. Hindi tinatanggi ng migrante na ang murang pasahod sa Canada ay higit na mataas kumpara sa pasahod sa Pilipinas ngunit kapalit nito ay pagharap sa mga bulnerableng kalagayan sa paggawa gaya ng karahasan sa kababaihan.

Sa isang banda, isang katotohanan naman ang pagtanggi rin ng pamahalaan sa pag-iral ng LEP sa kabila ng manipestasyon nito mula sa panahon ni Marcos hanggang kasalukuyan sa pamamagitan ng 1974 Omnibus Labor Code Amendments on Overseas Employment.

Bilang sukling serbisyo ay pagkikil ng pondo ng mga migrante gaya ng Gloria Macapagal-Arroyo Scam, walang pangil na Overseas Absentee Voting Law (2003) para makalahok sa eleksyon ang mga OFW, at pagdiskwalipika ng Migrante Sectoral Party (MSP) bilang representasyon ng sektor sa kongreso noong 2010. Ito ay sa kabila ng malaking tax at daming pinapataw na fee sa mga OFW.

Kaya naman hindi ring maiwasang isipin ng migranteng Pilipino na siya ay ginagatasan lamang ng kanyang pamahalaan habang siya ay nagkukumahog sa ibang bansa. Ang pinakamasaklap ay ang di pag-areglo o mabagal na aksyon sa mga kasong idinudulog ng mga migrante. Kabilang dito ang mataas na singil ng ahensiya, trafficking, mababang pasahod, paglabag sa kontrata, paggahasa, pagkakulong at pagkabitay.

Mahaba na ang kasaysayan ng migrasyon ng mga manggagawa mula panahon ng pananakop. Kaakibat naman nito ang pagkilos ng mga migranteng Filipino sa iba’t ibang panig ng mundo. Mula sa mga naisadulang panulat nina Jose Rizal at Andres Bonifacio ay naroon ang pakikibaka ng mga Indiong sapilitang pinatrabaho sa Mexico maging ng mga ilustradong nakapag-aral sa Europa. Ang mga naisadulang kuwento ni Carlos Bulosan gaya ng The Romance of Magno Rubio ni Lonnie Carter (Mayi-Theater, 2002) at Nasa Puso ang Amerika ni Bienvenido Lumbera, o maging ng dulang St. Louis Loves Dem Filipinos ni Floy Quintos (Dulaang UP, 1994/2005) ay nagpahayag ng buhay sa Amerika. Ang Kuwatro Kantos ng Teatro Pabrika (1996) ay tumalakay sa epekto ng globalisasyon at ibayong pangibambayan ng mga Filipino sa Saudi, HK at Taiwan. Ang Care Divas ni Liza Magtoto (PETA, 2011) batay sa pelikulang Paper Dolls ay hinggil sa kalagayan ng mga migranteng Filipinong bakla sa Israel. Tampok sa Imbisibol ni Herlyn Alegre (Virgin LabFest 9, 2013) ang mga migrante sa Japan. Ang Maleta, Kahon at Karatula ni Rommel Linatoc ay isang komentaryo sa pag-uwing de-kahon ng mga OFW (Teatro Ekyumenikal, 2013). Ang pag-aral sa iba pang dulang tumatalakay sa pangingibambayan ay isa pang tunguhin sa pananaliksik ng dulaang Filipino.

Bilang proyektong pansining na “transnasyunal” kung saan tinatalakay ng naratibo nito ang paglikha ng iisang mundo at ang mga komplikasyon nito para sa mga tauhang katutubo ng iba’t ibang bayan, napapanahong itanghal ang karanasan at pakikibaka ng humigit-kumulang 15 milyong migranteng Filipino.

Bagamat hindi tahasang sinabi ng Nanay, isang Dulang Testimonyal na ang LCP at LEP ay magkatambal na programang nagdudulot ng kaapihan at inhustisya sa mga migranteng manggagawa, sa pamamagitan ng pag-alay ng espasyong politikal ay naitambol nito ang hinaing ng mga kababayan sa ibayong dagat. Lalo namang kinumpirma ng mga testimonya ang kawastuhan sa panawagan ng Philippine Women’s Center para buwagin ang Live-in Caregiver Program ng Canada gayundin ang panawagan ng Migrante International para buwagin ang Labor Export Policy ng Pilipinas. Ang pagbasura sa LCP ay isang malaking hakbang sa harap ng maraming kaso ng paglabag sa karapatan ng migranteng manggagawa. Ang pagbasura naman sa LEP ay paghamon sa pamahalaan upang magsilbi para sa sustenableng istratehiya ng pag-unlad ng bansa.

Maalalang ipinasa lamang ang Magna Carta for Overseas Filipino Workers (Republic Act 8042) tatlong buwan matapos binitay si Flor Contempacion sa Singapore. Ito ay bunga ng pagtanghal ng protesta ng maraming Filipino sa loob at labas ng bansa. Samantala, ang International Convention of the Rights of All Migrant Workers and Members of their Families (2003) ay 11 taong gulang pa lamang. Pirmado ito ng Pilipinas ngunit hindi ng Canada. Para sa lokal na 2.5 milyong kasambahay, ang Kasambahay Law/Domestic Worker’s Act ay isang taon pa lamang (Enero 2013).

*     *     *

1780198_10152824545054742_4221878056419718992_oAng mga testimonya ng ‘Nanay’ ay muling matutunghayan kasabay ng lokal na mga kuwento ng migrasyon sa kolaborasyon ng Urban Crawl at Migrante International. Sa direksiyon ni Rommel Linatoc, ang dula ay gaganapin sa Covered Court, Brgy. 150, Bagong Barrio, Caloocan City ngayong Oktubre 11, 2014 (4PM). Para sa dagdag na detalye, makipag-ugnayan kay Boni o bisitahin ang FB Nanay Event.


Sanggunian:

Asia Pacific Mission for Migrants. Global Migration Report 2012: Trends, Patterns and Conditions of
Migration.

E. San Juan. Filipinos Everywhere: Displaced, Transported Overseas, Moving On in the Diaspora. IBON Books: Philippines, 2006.
Ferguson, Alex Lazaridis. Improvising the Document. University of Toronto Press. Canadian Theater Review, Vol. 143, Summer 2010, pp. 35-41

IBON International. Policy Brief: Migration and Development: A Matter of Seeking Justice. October 2013.

Johnston, Caleb at Geraldine Pratt. Taking Nanay to the Philippines: Transnational Circuits of Affect. Theaters of Affect, Playwrights Canada Press, 2014.

Johnston, Caleb at Geraldine Pratt. Translating Research into Theater: Nanay: A Testimonial Play. BC Studies, no. 163, Autumn 2009 pp. 123-132.

Lindio-McGovern, Ligaya at Isidor Wallimann. Globalization and Third World Women: Exploitation, Coping and Resistance. Ashgate Publishing, Ltd. (2013).

Lumbera, Bienvenido. “Dating”: Panimulang Muni sa Estetika ng Panitikang Pilipino.

Migrante International. Kalagayan at Pakikibaka ng Migranteng Pilipino (A Migrant’s Primer), October 2012.

Nicanor Tiongson. Ang Dating ng Dulang Filipino: Panimulang Sulyap sa Estetikang “Palabas”. Presentasyon sa National Conference on Theater Aesthics, Cultural Center of the Philippines, November 8, 2012.

Taylor, Lib. Voice, Body and the Transmission of the Real in Documentary Theater. Contemporary Theater Review, Vol. 23, No. 3 (August 2013) pp. 368-379.

Ubaldo, Lars Raymund (ed.). Paglaya-Paglawud: Paglalayag at Ugnayan ng mga Pamayanan sa Kasaysayang Pilipino. ADHIKA ng Pilipinas. (2012)

TULA | Aanhin Pa Ang Damo Ng Grasya Kung…?

$
0
0

10671337_839882476042072_8587845294280566168_nNapasaglit kami sa Cova da Iria, Fatima, Portugal,
bahagi ng isang turistang grupo, nang mabalitaan namin
ang kabuktutang nangyari sa Lacub, Abra, Setyembre 4-6, 2014.

Diumano’y nagpakita ang Birhen sa tatlong pulubing pastol
noong 13 Mayo 1917, kalagitnaan ng madugong digmaan
sa Europa noon. Inatasan silang magdasal…
Ngayon ang Fatima ay dambanang alay sa kapayapaan, sa kapatiran
ng sangkatauhan….
Naitanong ko sa puntod ng mga pastol sa basilica:
Kapayapaan at kapatiran sa Lacub, Abra?

Tinortyur at pinatay si Engineer Fidela Salvador, dalubhasang imbestigador ng     Cordillera Disaster Response and Development Services. Dinurog ng mga     sundalo ang kanyang bungo’t katawan.

Tinortyur at nilapastangan si Recca Noelle Monte, pulang mandirigma, ninakaw     pati utak ng katawang niluray, butong pinagbali-bali….

Nilapastangan din sina Arnold Jaramillo, Noel Viste, at ilan pang biktima ng 41     Infantry Battalion ng 5th Infantry Division ng AFP.

Paano kaya maipagdadasal sa Birhen ng Rosaryo ang kasuklam-suklam na     kabangisang iniasal ng gobyerno?
Magdasal upang matapos ang kalupitan?

Sa halip magdasal, nag-piket ang pamilya’t kamag-anak ng mga nasawi sa harap     ng AFP headquarters sa Camp Aguinaldo.

Baka sakaling mapansin sila ng Birhen, anong malay natin kung dumaramay     tayo sa mga biktimang tulad nina Jennifer Laude, Rosario Baluyut,     Gregan Cardeno, atbp.

Baka maging turistang himpilan ng Pasyon ang Lacub, Abra….

Larawan | Art workshop para sa mga batang Lumad, pagpapahayag ng hinaing nila

$
0
0
Pagguhit ng mga batang lumad kasama ng isa sa mga instruktor ng Guni Guri Collective. <strong>Jaze Marco</strong>

Gumuhit ang mga batang Lumad kasama ng isa sa mga instruktor ng Guni Guri Collective. Isa ito sa mga art workshops at iba pang aktibidad sa mga batang Lumad na kalahok sa Manilakbayan at kampanya ng Save Our Schools Network para ipahayag ng mga bata–na pawang mga estudyante ng indigenous alternative schools sa Mindanao–ang kanilang tunay na saloobin hinggil sa pananalakay ng mga sundalo sa kanilang mga eskuwelahan at komunidad. Jaze Marco

Paggabay ng isa sa mga instruktor sa batang Lumad sa pagguhit. <strong>Jaze Marco</strong>

Paggabay ng isa sa mga instruktor sa batang Lumad sa pagguhit. Jaze Marco

Grupo ng mga batang Lumad na lumahok sa art workshop na ibinigay ng Guni-Guri Collective. <strong>Twinkle Mangi</strong>

Lumahok ang ang mga batang Lumad sa art workshop na ibinigay ng Guni-Guri Collective. Twinkle Mangi

Panawagan ng mga batang Lumad sa isla ng Mindanaw. <strong>Jaze Marco</strong>

Panawagan ng mga batang Lumad sa isla ng Mindanao. Jaze Marco

Sining at Panitikan Ngayon sa Gilid ng Bangin

$
0
0

Amiri Baraka

[Panayam sa Taboan 2014 Philippine Writers Festival, Pebrero 25, 2014, Subic Freeport Zone, Zambales]

Kung sa anong dahilan, inatasan akong ilarawan ang situwasyon ng literatura–mas tumpak, ng awtor– sa bingit o gilid…Ngunit bakit natulak dito? Hindi maihihiwalay ang gilid sa gitna; kapwa pook ng relasyon o ugnayan.

May saysay pa ang mag-usisa kung ano ang diyalektikang proseso nito, ang pinagmulan at kahihitnan. Paano babansagan ang bawat hati ng panahon upang makatiyak sa ating pinanggalingan at patutunguhan? Nasaan tayo sa temporalisasyon ng kasaysayan?

Siyasatin natin ang mapa ng panahunan. Tanggap ng lahat na pagkatapos ng krisis noong 1970, minarkahan ng pagkatalo ng U.S. sa IndoTsina, nagbago ang mundo sa pag-urong ng Unyon Sobyet sa antas ng “booty capitalism.” Sumunod ang Tsina at Biyetnam, ngayo’y mahigpit na kasangkot sa pandaigdigang ikot ng akumulasyon ng tubo.

Pumasok tayo sa panibagong yugto pagkaraan ng 9/11, ang pagwasak sa Twin Towers, New York; at paglunsad ng digmaan laban sa tinaguriang “teroristang” Al-Qaeda sa Iraq, Afghanistan, Pakistan, Yemen. Nasa bingit tayo ng giyera laban sa Rusya at Tsina, sa gitna ng away sa Syria, sa dagat Tsina, kasangkot ang Spratly at mga isla sa pagitan ng Hapon at South Korea.

Samantala, maalingasngas ang usapin ng NSA surveillance, ng isyung nuklear ng Iran, pagpaslang ng sibilyan sa pamamagitan ng drone, atbp. Talagang tumitingkad ang krisis ng kalikasan, sampu ng paglusaw ng yelo sa Timog at Hilaga. Penomenal ang Yolanda, baha, lindol, bagyo sa Mindanao, at iba pang sintomas ng epekto ng kabihasnang pinaiinog ng exchange-value, salapi, tubo. Tanda ba ito ng bagong epoka, o pag-uulit lamang ng nauna at walang progresyon.

Para kay Martin Heidegger, repetisyon ng tradisyon at mito ng lahi ang dulo ng pagpapasiyang umiral sa harap ng takdang kamatayan. Para kay Walter Benjamin, ang kasukdulan ng panahon ay pagputol sa repetisyon–sa opresyon at kahirapan–sa katuparan ng Ngayon, pagpapalaya sa pwersang sinupil o sinugpo sa araw-araw upang maligtas ang lahat.

Pagsabog ng Imperyo

Isang tugon sa giyerang pinamunuan ng USA ang riff ng yumaong Amiri Baraka, “Someone Blew Up Amerika” Kung may cybercrime law, tiyak na hinuli na ang makata. Matinding binatikos si Baraka, ngunit hindi natinag ito. Malago’t matatag na ang tradisyon ng rebelyon ng grupong ito mula pa itinda ang nahuling katawan ng mga Aprikano sa pamilihan ng mga negosyante ng mga esklabos, ang simula ng kapitalismong global.

Ang barikada ng pagtatanggol ng karapatang magpahayag ay binabalikat ng mga manunulat sa larangang sinakop–Palestina, Iraq, Afghanistan, Libya, Yemen–at bansang patuloy na pinagnanakawan ng likas-yaman, tulad ng Pilipinas, Mexico, Columbia, at maraming bansa sa Aprika at Timog Amerika.

Nakapagitna ang taumbayan dito, hindi nasa gilid, bagamat ang sining/panitikan na may ambisyong tumiwalag sa gulo’t kagipitan ng karaniwang tao ay naging luxury item. “Tubo ko’y sa sariling pagod,” sabat ni Balagtas. At karamihan sa may mapanlikhang kakayahan ay napilitan o malugod na sumanib sa korporasyon at burokratang institusyong kumalinga’t gumamit sa kanila.

Sa gayon, nireplika ang sinaunang tungkulin ng mang-aawit ng tribung purihin ang hari at pagsilbihan ang makapangyarihang dinastiya o angkan.

Lumang tugtugin na ito buhat ng ihudyat nina Flaubert at Baudelaire ang pagkabagot at pagkasuka nila sa kamyerdahan ng kanilang burgesyang lipunan. Posible lang iyon sa artisanong may kasarinlan sanhi sa pag-unlad ng pamilihan. Iyon ang ugat ng modernismong kilusan na di umano’y hinalinhan ng postmodernista’t postkolonyalistang pananaw sa huling dekada ng siglo 20. May sariling pinagkukunan na ba ang postmodernistang artista? Sino ang awdiyens niya, paano siya nabubuhay?

Bagong Panahon, Bagong Moda?

Sa umpisa ng bagong milenyo, postmodernistang pastiche at pinaghalong genre/sangkap pa ba ang gawi? Hindi ba nagbago na ang pangitain, hilig, panlasa ng publiko sa matinding dekonstruksion at demistipikasyon nina Marx, Freud, Nietzsche? At pantay-pantay ba lahat ng tendensiya sa sining?

Sa tingin ko–tema ng pagsisikap ng avant-garde programa ng suryalismo, sitwasyonista, konseptualista, atbp.–ay talakayin ang problema: paano matatamo ang liberasyon ng pang-araw-araw na buhay, ang ordinaryong karanasan, sa komodipikasyon nito, sa isang banda, at sa pag-uulit-ulit nito upang manatili ang paghahari ng ilang nagmamay-ari. Paano mabubuwag ang bakod na humahati sa sining at lipunan, sa artista at karaniwang mamamayan?

Bumalik tayo sa ilan temang nakakawing sa problemang napasadahan na. Saan man mauwi ang kabihasnan, sa barbarismo o sosyalismo (ayon kay Rosa Luxemburg), kuro-kuro ng iba, magpapatuloy ang panitikan hanggang may wika o diskurso, kahit wala nang awtor. Di ba laos na ang awtor, ayon kina Barthes at Foucault, ngunit nariyan pa rin ang ecriture, sulatin, senyas/tanda o marka.

Sa bisa ng artikulasyon ng mga senyas nabubuo ang kahulugan, ang diyalogo ng awtor at mambabasa. Marahil, ang opinyong ito ay ebidensiya ng sakit ng optimistikong utak at pesimistikong damdamin.

Totoo ngang malubha ang lagay ng kalikasan ngayon, lubhang napinsala ng mapanirang sistema ng kapitalismong industriyal mula pa isilang ito noong 16 dantaon. Ginahasa ang kalikasan sa walang humpay na pagmimina at inalipin ng mga konkistador ang mga katutubo upang hakutin ang likas-yaman sa mga kolonya’t gawing kapital sa akumulasyon ng tubong walang lohika o katwiran kundi kasakiman sa kapangyarihan. Kaya nga, mariing kinundena ni Dante sa Divina Commedia ang mga usurero at mga negosyante ng mapagkunwari o mandarayang gawa.

Isinangla nga ni Doktor Faustus ang kaluluwa upang maging diyos habang hinahabol ang magayumang kariktan ni Helena, ang ideyal ng kagandahan.

Sumunod ba ang artista, ang manunulat, sa landas na hinawan ni Doktor Faustus at nagkamal ng dunong at dangal sa kanyang panitik? Sinubaybayan ni Thomas Mann ang papel na ginampanan ng manunulat bilang nabighaning alagad ng pasistang lakas sa Europa noong krisis ng imperyalismo noong dekada 20-30 ng nakaraang siglo.

Sa kabilang dako, inihayag naman ni James Joyce ang radikal na vocation ng artista bilang tagapanday ng konsiyensiya’t budhi ng kanyang lahi. Si Joyce ay tubo sa Irlanda, kolonya ng Inglatera, na may mahaba’t mayamang tradisyon ng himagsikan laban sa mananakop.

Naisusog na ilang historyador na ang panitikang Ingles, English Literature, ay imbensiyon ng mga kolonisadong sabjek tulad nina Joyce, Yeats, Shaw, O’Casey, Beckett, at iba pang nakaluklok sa gilid ng imperyo.

Sindak at Balisa sa Modernistang Klima

Sa imperyalistang bansa, ang perspektiba nina Mann, Andre Gide, Malraux, at nina TS Eliot, Ezra Pound, Virginia Woolf, atbp ang namayani. Samantalang sa bayang sinakop, ang prinsipyong tumututol at gumagala ni Joyce at Kafka ang nakanaig, simbolikong pagsalungat sa alyenasyon at mabangis na digmaang nagparusa sa daigdig noong unang bahagi ng ika-20 siglo. Sumunod sa kanilang yapak ang postkolonyalistang manununulat tulad nina Gabriel Garcia Marquez, Chinua Achebe, Salman Rushdie, Wole Soyinka, atbp.

Palasak nang itanong sa mga akademikong kumbersasyon: Lumipas na ba ang krisis ng modernismong estetika sa tagumpay ng Estados Unidos at mga kaalyado sa WW2 at nahalinhan na ba ng postmodernismong pananaw, estilo at paraan ng pagkilatis at pagpapahalaga sa sining?

Ano ang hinaharap ng makabagong awtor sa panahon ng kapitalismong global, na inuugitan ng neoliberalismong ideolohiya, sa gitna ng giyera laban sa terorismong tutol sa hegemonya ng Kanlurang bansa? Nasa bingit ba ng kung anong sakuna o kapansanan ang manunulat?

Bukod sa lugar, anong yugto o antas ng panahon ng kasaysayan ang lagay natin? Ito ang pinakaimportanteng paksang dapat pag-aralan at saliksikin upang matuklasan kung ano ang kinabukasan ng literatura, partikular sa Pilipinas bilang neokolonyal na pormasyong natatangi sa Asyang maunlad at industriyalisado. Pwede ring magkibit-balikat at sabihing walang mapapala sa ganitong pagmumuni, mabuti pang sumulat ayon sa dikta ng puso at hilig ng sensibilidad. Ok lang….

Krisis ng Imahinasyon

Ating balik-tanawin ang predikamento ng mga awtor sa ating kasaysayan. Noong panahon ng krisis ng kapitalismong monopolyo noong dekada 1930-40, nahati ang pulutong ng petiburgis na intelihensiya sa dalawa: ang tagasuporta ng “art for art’s sake,” sina Jose Garcia Villa, A.E. Litiatco, atbp, laban sa progresibong grupo nina Salvador Lopez, Federico Mangahas, Arturo Rotor, at Teodoro Agoncillo. Ang dibisyong ito ay repleksiyon lamang ng paghahanay ng iba’t ibang saray ng lipunan sa ilalim ng kolonyalistang rehimeng Komonwelt.

Sa kabuuan, ang manunulat sa wikang bernakular ay kapanalig ng mga progresibong lakas ng anak-pawis at intelihensiyang nakaugat sa masa. Hanggang ngayon, ang wika ay larangan ng pagtatagisan ng samu’t saring sektor sa lipunan.

Nakaayon ang situwasyon ng awtor sa institusyonal na aparatong pang-ideolohiya: lathalaing pangmadla, iskwelahan, burokrasya, atbp. Bagamat sunuran lamang ang rehimeng Quezon at mga oligarko sa utos ng Amerikanong amo, populista at makabayan ang dating ng kanilang mobiisasyon. Sinupil ni Quezon ang mga komunista.

Ngunit nang lumaking panganib ang pasismo sa Europa at Hapon, napilitang humingi ng tulong si Quezon sa mga organisadong lakas ng manggagawa’t magbubukid. Napilitang itaguyod o kaya’y akitin ang mga kasapi ng Philippine Writers League na nakikiramay sa pakikibaka ng mga anak-pawis. Sa paglalagom, hindi Doktor Faustus kundi Stephen Dedalus, o kaya mga karakter nina Turgenev at Gorki ang prototipo ng mga awtor noon.

Kung sa bagay, sumasalamin lamang ito sa matibay na pagsanib ng intelektwal (ilustrado) sa mobilisasyon ng taumbayan, tulad ng inasal nina Rizal, Del Pilar at mga Propagandista, hanggang kina Lope K Santos, Faustino Aguilar, Jose Corazon de Jesus, at Benigno Ramos. Samakatwid, kung nakabungad sa krisis, nakasandal o nakasalig ang kapalaran ng awtor sa kalagayan ng madlang tumatangkilik sa kanyang akda.

Sanhi sa di-pantay at masalimuot na pagsulong ng ekonomiyang pampulitika, sa aking palagay, hindi malalim o maselan ang agwat ng awtor sa mga institusyong publiko na naglilingkod sa madla–liban na lamang sa mga akademikong milieu nina Villa, Arcellana, atbp. Gayunpaman, salungat din ang estetikong pormalismo nina Villa at mga kapanalig sa instrumentalismong kultura ng korporasyon at materyalistikong konsumerismo ng metropole.

Ilugar ang Panahon at Sukatin

Sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, halos lahat ng manunulat ay kalahok sa pakikibaka laban sa pananakop ng mga tropang Hapon. Noong liberasyon, ang dalawang arketipo ng awtor ay kinatawan nina Amado Hernandez, peryodista at unyonista, at Alejandro Abadilla, huwaran ng indibidwalistikong manlilikha ngunit partisano ng wikang pambansa.

Batay sa karanasan ni Abadilla sa Amerika noong dekada 20 at sa bukod-tanging okupasyon niyang maliit na negosyante, humiwalay si AGA sa kalakarang pakikisangkot at tumambuli ng kanyang personal na pagtingin sa tradisyong itinuring na makaluma, konserbatibo, de-kahon o nahuhuli sa takbo ng panahon. Ito ang padron ng avant-garde: gawing bago ang akda, tumalikod sa nakaugalian, baklasin ang lumang regulasyon at panuntunan, gibain ang bakurang humihiwalay sa sining at madla.

Ang temporalisasyon ng kasaysayan ay pag-uulit ng nakaraang karanasan. Ngunit sino ang sumusukat o tumitimbang sa agos ng panahon at paano ito nababansagan na makaluma o makabago? Makatatakas ba tayo sa rutang siklikal? Makaiiwas ba tayo sa bingit o gilid sa ibang konseptuwalisasyon ng makabago, ng modernidad, ng kontemporaneo?

Ito ang dapat talakaying maigi–ang temporalisasyon ng historya at uri ng modernidad na nadalumat at isinakatuparang isatitik o isatinig–upang maipaliwanag ang kinabukasan ng awtor sa gitna ng krisis ng buong lipunan.

At ang krisis na ito ay di pansamantala lamang kundi permanente, batay sa buod ng sistemang kapitalista: ang walang hintong pagbabago ng paraan o mekanismo ng produksiyon, ang walang tigil na pagsulong ng imbensiyon ng mga gamit sa produksiyon, ng teknolohiya, at mga produktong ipinagbibili sa pamilihang pandaigdig. Ito ang saligan ng modernidad, ng mabilis na pag-iiba at transpormasyon ng mga bagay-bagay at kapaligiran.

Pagpasok sa Kosmos ng Cyberspace

Dumating na tayo sa epokang digital at mabilisang komunikasyon. Sa yugtong ito ng kapitalismong nakasalig sa teknolohiya ng kompyuter at dagling impormasyon, nasaan ang posisyon ng awtor? Kahit man tumutol sina Arundhati Roy o Harold Pinter sa imperyalistang karahasan sa Iraq, Afghanistan, Yemen, o sa bilangguan sa Abu Ghraib at Guantanamo, ginawa na bang instrumento lamang ang salita, wika, diskurso, sa program ng World Bank/IMF at WTO? Saan nakapuwesto ang awtor sa malalang krisis ng neoliberalismong mapang-usig?

Isang tugon sa bagong yugto ng kasaysayan, ang paglaganap ng kompyuterisadong komunikasyon at digital text-based environment, ang WEB, ay yaong conceptual writing nina Kenneth Goldsmith, atbp. Nagmula ito sa conceptual art nina Sol Lewitt, Joseph Kosuth, Robert Smithson, Andy Warhol, atbp noong dekada 1960-70, na taglay ang mahabang genealogy buhat kina Mallarme, Stein, Marcel Duchamp, Beckett, Burroughs, John Cage, OULIPO, atbp. (Sangguniin ang antolohiya nina Craig Dworking & K. Goldsmith, AGAINST EXPRESSION, Northwestern U Press, 2013 at kritika ni Marjorie Perloff at POETRY magazine sa Internet).

Ang susing argumento ni Goldsmith, hango sa manifesto ni Sol Lewitt, ay ito: Pinagaan at pinahusay ng digital networking sa broadband ang paraan ng pagkopya at pag-angkin /paghalaw (appropriation; detournement), pagputol at pagdikit. Sa iba, plagiarism ito, pagnakaw ng gawa ng iba. Pahayag ni Goldsmith (p. xix). Dagdag pa niya: “The idea becomes a machine that makes the text.” Ang konsepto ang gumagabay sa pagbuo ng produkto. Ipinatapon o binasura na ang subjectivity ng awtor, kaakibat ang paniwala na ang likhang-sining ay ekspresyon ng diwa, imahinasyon o ispiritu ng artista.

Nakasentro ang konseptuwal na gawa sa konteksto /sitwasyon at proseso. Isinaisantabi ang mga lumang kategorya ng genre, dekorum sa estilo, pati na rin ang pagkakaiba ng medium o instrumento sa pagpapahayag (pinta, salita, musika, galaw at iba pang senyas/tanda). Mahalagang layon nito ang pagbuwag sa pribadong pag-aari sa sining bilang komoditi at pagsira sa bakurang humahati sa ekslusibong larangan ng sining at ordinaryong daigdig ng karaniwang pamumuhay.

Ipinagpapatuloy ng panitikang konseptuwal ang mithiin ng avantgarde mula pa sa pagsilang ng modernidad sa kasukdulang antas ng kapitalismong industriyal noong ika-19 dantaon.

Maraming uri ng panulat konseptuwal at kahibangang tangkaing ilagom ang barayti nito sa sipat ni Goldsmith. Marami ring teoryang nagpapaliwanag sa iba’t ibang pagsubok sa ilalim ng bandilang konseptuwal at postkonseptuwal. Sa aking palagay, nailagom na ito ni Walter Benjamin sa kanyang sanaysay, “Art in the Age of Mechanical Reproduction.” Panukala ni Benjamin na sa pag-unlad ng teknolohiya, ng mga kagamitan sa paglalathala, brodkasting at komunikasyon, nalusaw ang “aura” ng sining at na-democratize ang dating pribilehiyong sanktwaryo ng sining.

Gayunpaman, alam ng lahat kung paano madaling nakolonisa muli ito. Naging selebriti sina Warhol at mga “high priests” ng Abstract Expressionism, Pop Art, Minimalist Art, at pati na rin ng Conceptual Art. Nabigo ang adhikaing ikinabit ni Benjamin sa suryalismong avantgarde, laluna ang mga eksperimental na pagsubok sa potograpiya at pelikula.

Eksperimentasyon at Pakikipagsapalaran

Sa tingin ko, hangarin nina Goldsmith, Vanessa Place at iba pang praktisyoner ng panulat konseptuwal ang labanan ang alyenasyon at anomieng dulot ng buhos ng impormasyon, teksto, diskurso. Nais nilang ipaibabaw ang kanilang intuisyon, isip, o galing intelektuwal upang masugpo ang baha’t pagsambulat ng wika at iba pang senyas sa Web na pinapatnubayan ng interes ng korporasyon at akumulasyon ng tubo o kapital.

Walang kontrol sila roon, ngunit itinuring nila na puwedeng maikontrol nila ito sa deklarasyong ang konsepto o iskemang sumungaw sa ulirat ang siyang ugat/bukal ng kahulugan, katuturan, halaga, ng kanilang niyaring diskurso/produkto. Ito ba’y ilusyon o pantasya lamang?

Tila nakalimutan nila ang isang payo ni Benjamin sa kanyang akdang “The Author as Producer.” Upang makahulagpos sa diktadurya ng tekstong inuugitan ng kapangyarihan ng salapi, kailangang sunggaban ng mga manunulat ang gamitan sa produksiyon–imprenta, kompyuter, software, atbp.–upang magamit ang mga ito sa kalayaan at kabutihan ng lahat ng tao, hindi lamang iilan.

Hamon ng Kinabukasan

Ngunit sa halip na gawin ito, pinababayaan ng mga artistang konseptuwal ang patuloy na paghahari ng korporasyong siyang nagdidikta ng Web at Internet, sampu ng gobyernong may kontrol ng mabisang teknolohiya. Nagkasya na lamang silang ipagbunyi’t itanghal ang birtud o galing ng kanilang utak/kamalayan. Hanggang ngayon, ang matinding hamon ni Benjamin ay naghihintay pa ng karampatang kasagutan.


 

E. SAN JUAN, kasalukuyang direktor ng Philippines Cultural Studies Center, Connecticut, USA, ay awtor ng maraming libro, kabilang na ang Ulikba (UST Publishing House), Kundiman sa Gitna ng Karimlan (UP Press) at ang darating na librong Between Empire and Insurgency (UP Press).

Viewing all 164 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>