Quantcast
Channel: Kultura – Pinoy Weekly
Viewing all articles
Browse latest Browse all 164

Makatotohanang sulyap

$
0
0

I.Puting Baboy Ramo, Imperyalismo

Nagsimula ang pelikula sa isang matandang kuwento ng mga Manobo— nang minsa’y may dumating na ilegal na mga mangtotroso sa lugar nila. Naging dahilan ito ng pagkatakot ng mga Manobo at matinding gutom. Umalis ang mga ito. Dali-dali silang nagsilabas upang manghuli ng makakain sa gubat, at nang makakita sila ng isang higanteng puting baboy ramo’y agad nila itong pinana. Sa kanilang gutom, agad na tinadtad at pinaghati-hati para sa lahat. Doon lamang nila napansin na ang puting baboy-ramo na kanilang nahuli’y hindi isang hayop kundi isa sa mga magtotroso. Mula noo’y tinawag silang “Sagasa.”

Sa unang bahagi pa lamang ng pelikula’y tinukoy na, at pinatay pa ang isa sa mga salik na problema ng lipunang Pilipino.

II.Militarisasyon at Pagmimina

Ang “Tu Pug Imatuy” ay isang bintana, kung saan pinasisilip ang manonood sa kalagayan ng mga Lumad sa Mindanao na nasa gitna ng militarisasyon at walang habas na pagmimina.

Umikot ang istorya sa isang pamilyang Manobo. Si Dawin ang ama at asawa ni Obunay, na pinilit ng militar na magsilbing giya upang matunton ang hinahanap nila — ang mga New People’s Army o NPA. Isa sa mga tampok na eksena ang pagsaboy ng militar sa daan ang dalang munggo ni Dawin at sinabing bilangin ito ng isa-isa. Sumabat ang anak ni Dawin na si Ilyan, at sinabing hindi marunong magbilang ang kanyang amang si Dawin.

Humagalpak ng tawa ang militar at pakutyang tinignan ang mag-anak. Mayroon ding eksenang pilit hinubaran ang mag-asawa at sapilitang pinagtalik sa harap ng mga militar. Sa isang sapa, ipinikita rin ang pag-agos ng kanilang katutubong kasuotan habang nagtatawanan ang mga militar–simbolo ng pagkawasak ng kanilang dignidad bilang mga katutubo sa kamay ng mga militar.

Tumatak din ang isang eksena kung kailan itinanong ni Ilyan (anak ni Dawin at Obunay) sa kanyang ama kung ano ang kanyang nakitang “backhoe.” Sinagot ito ni Dawin na “gamit iyan sa pagmimina.” Repleksiyon ito na ang mga katutubo’y hindi sanay makakita ng mga teknolohiyang ginagamit ng mga dambuhalang kompanyang pangmina.

unnamed (7)

III.Mabagal at Sinsero

Mabagal ang pagkakaputol ng mga eksena, mula sa mga eksena ng malalagong kagubatan, lambak, at talon, hanggang sa mga takbuhan at makapigil-hiningang mga engkuwentro.

Ang kabagalan din ng istorya ang nagtitiyak na hihintayin ng manonood ang pag-inog ng istorya. Gumamit si Barbarona ng epektibong mga anggulo ng kamera upang maipakita ang emosyon ng kanyang karakter nang hindi masyadong gumagamit ng dayalogo–mula extreme close-up para ipakita ang mensahe sa pamamagitan ng mga mata ng karakter (tulad nang patayin ng isang sundalo si Dawin, na sa halip na magsisigaw), extreme close-up ang ginamit ni Barbarona upang ipakita ang luhang tumutulo sa mga mata ni Obunay, habang nakatali ang dalawang kamay.

Follow shot naman ang ginamit para ipadama sa mga manonood ang kaba ng pakikipag-habulan sa gubat. Nang matunton ng mga militar ang kanilang mga hinahanap ay nagkaroon ng engkuwentro. Nagkaroon din si Obunay ng pagkakataon para tumakas.

Ang huling eksena’y muling pagtatagpo ng inang si Obunay at ng kanyang dalawang naiwang anak, “silhouette” ang eksena at hugis lang ng tatlong karakter ang makikita, sa background ang kabundukan: tila sinasabing gaano man kahaba at kasalimuot ang laban ng mga katutubo, makakabalik pa rin sila sa kanilang lupang ninuno.

Hindi propesyunal na mga aktor ang kabilang sa pelikula. Pero madarama ang sinseridad ng kanilang karakter. Marahil, ito’y dahil sila mismo sa tunay na buhay ay nakaranas o nakararanas ng pagsasamantalang ginawa sa mga karakter nilang ginampanan sa pelikulang ito.

IV.Pangayaw, Rebolusyon

Ang Tu Pug Imatuy ay hango sa tunay na buhay ni Obunay, na sa huli’y ipinakita ang testimonya noong siya’y sapilitang dinakip ng mga militar at ginawang giya.

Matagal nang nilalabanan ng mga Lumad ang pandarambong sa kanilang yutang kabilin (lupang ninuno), mula sa pagdedeklara ng pangayaw (ang lehitimong panwagan ng mga Lumad upang makidigma laban sa pandarambong ng kanilang lupang ninuno) hanggang sa pagsanib sa armadong pakikibaka ng rebolusyonaryong New People’s Army.

Ang pelikulang ito’y hindi lang isang pelikulang pagkatapos panoori’y hahayaang sumimsim sa kamalayan. Ang naratibo ng pelikula’y nagpapatuloy, hindi nga lang sa pinilakang tabing ngunit sa mga kabundukan ng Mindanao, at sa mga bayan ng mga sa aking palagay, ay ang mga tunay na Pilipino — ang mga Lumad.


 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 164

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>