May puwang para sa palihan sa panitikan ang akademiya, sirkulo ng mga artista at manunulat, at mga kultural na manggagawa at grupo sa kalunsuran man o kanayunan. Bagama’t kapag sinabing palihan, kadalasang pumpatungkol ito sa mga “workshop” na inestablisa ng mga pang-edukasyong ahensiya ng estado at ng pribadong mga organisasyon, maging ng sektor ng negosyo. Sa Pilipinas, ang mga “sikat” at “establisadong” mga palihan ay matatagpuang pinasimulan at pinagyayabong ng mga institusyong pang-edukasyon tulad ng mga pambansang palihan ng Silliman University, Unibersidad ng Pilipinas at Mindanao State University-Iligan Institute of Technology. Sumunod rito ang mga pambansang palihan ng Ateneo de Manila University, Iyas-La Salle Bacolod, University of Santo Tomas, at marami pang iba. Kadalasan rin, ang mga kilala’t matatagal nang palihan ay kumukuha ng isponsoryip mula sa gobyerno, partikular sa National Commission for Culture and the Arts.
Bagama’t may tema ang bawat palihan na isinasagawa ng akademiya kada taon, hindi maitatanggi na ang mga workshop na ito’y nagbabago ng layunin depende sa bumubuo nito. Maaari itong magsilbi bilang lunan at okasyon para sa reaksyonaryo’t pormalistang diskurso habang nakikipagtunggali naman ang samu’t saring kulay ng aktibismo at pagka-makabayan. Sa ganang ito’y masisipat, kung gayon, na ang paglulunsad ng palihan – at ang operasyon at proseso ng isang palihan – ay nasa ganang utak nito, nasa organisador nito. Sa isang istiryotipikal at mainstream na pananaw, pasok sa pormulasyon at repormulasyon ng kanon ang mga palihan. Pagbibinyag ito sa mga bagong manunulat, habang pagpapatuloy ng bakbakang ideolohikal para sa nauna, mas nakatatanda at mas may karanasang manunulat. Binanggit nga ng Pambansang Alagad sa Sining para sa Panitikan na si Dr. Bienvenido Lumbera na:
Young writing in the Philippines today is largely a production of the academe. The two leading workshops that have turned out the best and the most active young writers in the country are both based in universities… (2000, 185)
Ngunit hindi naman naiimbudo sa institusyunalisado’t akademikong naratibo ang palihan. Maging pang-masang mga organisasyon at maging ang rebolusyonaryong kilusang Pambansang Demokratiko ay mayroong mga palihan sa sining at panitikan. Nagsasagawa ng palihan sa panitikan ang progresibong pangkulturang organisasyon na Amado V. Hernandez Resource Center, ang grupong Desaparecidos na kumikilos sa hanay ng mga pamilya na may mga kamag-anak na biktima ng enforced disappearances, ang organisasyong pansining at panteatro na Sining na Naglilingkod sa Bayan (Sinagbayan), at ang mga pambansa demokratikong ligal na organisasyon na Kabataan para sa Tunay na Kalayaan (KARATULA) at Alaysining. Ang andergrawnd na Artista at Manunulat ng Sambayanan, sa ilalim ng National Democratic Front ng Pilipinas (ARMAS-NDF), naman ay naglabas ng Modyul para sa mga Rebolusyonaryong Palihan sa Panitikan (2006), at ang kaakibat nitong Apendiks ng Modyul para sa Rebolusyonaryong Palihan sa Panitikan (2006). Humahalaw ito mula sa kasaysayan, teorya at praxis ng mga palihan ng akademiya at ng mga ligal na progresibong organisasyong pangkultura. Gayunpaman, masasabing ang pangkabuuang politikal at kultural na layunin ng rebolusyonaryong palihan ay lubhang mas radikal at progresibo. Sa dokumentong “Hinggil sa Rebolusyonaryong Panunuring Masa sa Sining at Panitikan” na matatagpuan sa Apendiks ng Modyul para sa Rebolusyonaryong Palihan sa Panitikan (2006), malinaw na
“Kailangan ang rebolusyonaryong panunuri sa dominante o malaganap na mga likhang-sining… Ang paglikha at pagpapalaganap ng mga ito ay karaniwang kontrolado o impluwensyado ng mga institusyon ng imperyalismo at naghaharing uri. Kailangan ang kritisismo upang matukoy at mailantad ang mapanirang impluwensya o epekto ng dominanteng sining sa kaisipan at kultura ng masa at maging sa mga aktibista at kadre. Sa kabilang banda, kailangan din ang kritisismo upang makita ang mga positibong elemento sa mga likhang ito na maaaring pag-aralan at gamitin ng rebolusyonaryong artista para sa paglilingkod sa sambayanan.”
Batay rito, masasabi na ang pagsasagawa ng rebolusyonaryong palihan ay humahalaw rin mula sa karanasan ng dominanteng sistema. Ngunit higit pa sa paghahalaw ay pinagpapanibagong-hubog nito ang mga produkto’t prosesong naturan upang paglinkurin sa rebolusyonaryong interes at adhikain.
Sa digital na edisyon ng PADEPA (Pambansa Demokratikong Paaralan), ang pangkabuuang disenyo ng ideolohikal at kultural na teorya at praxis ng kilusang pambansa-demokratiko, nakasaad ang pagkasangkapan sa elektroniko’t digital na pamamaraan para sa pagpapalaganap ng edukasyong pampulitika nito. Ayon sa PADEPA Online:
Dinisenyo ang PADEPA Online upang makaagapay sa mas mabilis, sistematiko at regular na pagpapalaganap ng mga materyal para sa masigla at tuluy-tuloy na paglulunsad ng edukasyong pampulitika sa hanay ng malawak na masa at ng mga aktibista ng pambansa-demokratikong kilusan. Sa minimum na rekisitong mga kagamitan gaya ng kompyuter at printer, maaari nang magparami ng kopya ng mga babasahin at iba pang kagamitang pang-PADEPA mula sa website na ito.
Hindi naman ito nakapagtataka, sapagkat ang rebolusyon ay bukas na lihim – ang layunin at aktuwalisasyon ng rebolusyon ay laging isinasagawa at ang layunin ng kilusan ay palaganapin ito. Kung gayon, sa panahon ng elektronikong teknolohiya, nagsisilbing imbakan ang digital na mundo para sa mas mabilis na pag-akses ng mga materyal na gagamitin naman sa lapat at nakatungtong-sa-lupang pag-eeduka sa mismong mga miyembro ng kilusan at sa mga naiimpluwensiyahan at pinag-oorganisahan nito.
Makikita sa bahaging “Kurikulum” ng PADEPA Online ang samu’t saring sulatin, modyul at iba pang materyales para sa paghahawan ng edukasyong pampulitika. Sa katunayan, bagama’t hindi pa naka-upload sa naturang website ang Modyul para sa mga Rebolusyonaryong Palihan sa Panitikan ng ARMAS-NDF, maraming batayang babasahin na kaugnay at pinaghalawan ng naturang modyul ang maaakses sa PADEPA Online.
Sa mismong akto at puntong ito maaaring asintahin at ipaliwanag ang Modyul para sa mga Rebolusyonaryong Palihan sa Panitikan ng ARMAS-NDF. Ang modyul para sa palihan ng kilusang lihim ay kailangang malawakang ipalaganap, sa lahat ng pamamaraang maaari. Sa kasong ito, ang moda ng produksyon at pagpapalaganap sa modyul na nabanggit ay sa dalawang pamamaraan: Una, sa paraan ng pagpapasa at pag-aaral ng nakalimbag o nakasulat na modyul. Ikalawa, sa pamamagitan ng pagpapasa at pag-aaral sa pamamagitan ng elektronikong pamamaraan, sa pamamagitan ng porma, disenyo at teknolohiya ng portable document format (PDF), na maaaring i-email o i-burn sa CD o DVD, at pagdaka’y i-print.
Mula sa malawak at matagal na proseso ng paglikha ng modyul, ang pinal na bersiyong nakasulat ay ibinubunyag ang sarili nitong praksiyolohiya, tulad nang mamamataan sa mismong balangkas nito. Nahahati ito sa dalawang bahagi.
Ang unang bahagi, “Ang mga Rebolusyonaryong Palihan sa Sining at Panitikan,” ay naglalatag ng (a) paliwanag at layunin ng palihan, (b) esensiya ng modyul bilang “gabay ng tagapagpadaloy sa pagpapatakbo ng palihan,” (c) sino ang maaaring maging kalahok sa palihan, at (d) sino ang tagapagpadaloy at ano ang kaniyang mga responsibilidad. (2006, 7) Ipinaliliwanag sa unang bahagi kung para kanino at para saan ang isang rebolusyonaryong palihan:
Ito’y para sa mga kadre, Pulang mandirigma at tim o iskwad-pangkultura ng Bagong Hukbong Bayan; mga elemento ng Partido, aktibistang masa, at yunit ng mga aktibista sa kultura sa lokalidad. Ang mga modyul ay maaari ring iangkop para sa palihan ng mga pambansa-demokratikong grupong pangkultura sa kanayunan man o kalunsuran. (2006, 5)
Malinaw sa sipi na, sa pangunahin, ang intensyon ng modyul ay upang gamitin at palaganapin sa mga miyembro ng kilusang lihim sa payong ng Pambansang Nagkakaisang Prente o National Democratic Front (NDF) ng Pilipinas. Ang nasabing nagkakaisang prente ay ang siyang kinapapalooban ng mga alyadong organisasyon nito, andergrawnd man o “bukas” / “legal” na pambansa-demokratikong organisasyon. Sa Article IV (General Program), Section 9 ng konstitusyon ng NDF, nakasaad na kasama sa programa nito ang promosyon at pagpapaunlad ng isang makabayan, siyentipiko at progresibong kulturang masa.
Ang pagpapalaganap nito ay konsistent sa tinuran ni Jose Maria Sison sa kanyang “Mensahe sa PAKSA Hinggil sa mga Tungkulin ng mga Kadre sa Larangan ng Kultura”:
Ang mga kadre sa larangan ng kultura ay tulad ng mga kumander na namumuno sa mga batalyong pangkultura—ang masa na libu-libo, sampu-sampung libo at milyun-milyon ang dami. Ang mga tagasubaybay ng rebolusyonaryong mga obrang pampanitikan at pansining ay di mabibilang. Maaaring maulit nang napakaraming beses ang isang pagtatanghal ng dula o likhang-sining, kaya’t napakahirap sabihin kung gaano karami ang nakapanood nito. Maaaring limitado ang kakayahan sa paglalathala ng isang palimbagan, pero ang isang mahusay na akdang pampanitikan nama’y naipapasa-pasa at natatalakay nang walang tigil.
Sa unang bahagi ng modyul ay malinaw na pinasasapol ang konsepto ng rebolusyonaryong sining para sa kilusang pambansa demokratiko. Ang rebolusyonaryong sining at panitikan ay (a) “mga buhay na dokumentasyon ng digmang bayan,” (b) “dapat na isanib nang mahusay sa mga gawaing pagbubuo at pagpapatatag ng baseng masa, rebolusyong agraryo at armadong pakikibaka,” (c) dapat gamitin “upang makatulong sa pagpapanibagong-hubog ng mga kasama,” (d) dapat gamitin sa “pagsusulong ng proletaryong pananaw sa daigdig, pagpapanday ng proletaryong aktitud at disiplina, at pagsapol sa esensiya ng sakripisyo at paglilingkod sa masa,” (e) “pinatatampok ang masa bilang tunay na bayani at tagapaglikha ng kasaysayan,” at (f) epektibong naisasanib sa mga “rebolusyonaryong gawain sa kanayunan at kalunsuran.” (2006, 5-6)
Ang ikalawang bahagi ng modyul ay ang sentrong texto na “Modyul para sa mga Rebolusyonaryong Palihan sa Panitikan.” Nahahati ang bahaging ito sa [a] pambungad, [b] listahan ng mga gagamitin sa palihan (tulad ng panulat at papel, blakbord at tsok, tulong-biswal, at gamit sa dokumentasyon), [c] instruksyon “Para sa Tagapagpadaloy” o guro, [d] “Mga Panimula(ng)” gawain (paghahayag ng layunin, pagpapakilanlan, at pagkuha ng inaasahan), [e] “Mga Pamamaraan ng Paglalahad” o eksposisyon, [f] mga ispesipikong anyo o porma ng panitikan (sanaysay, katha at tula), at [g] ang “Pagtatasa.”
Bukod sa kolektibong panunuri, may diin ang modyul sa konsepto ng “kolektibong paglikha.” Tulad ng kolektibong mga hakbang ng Kilusang Pambansa-Demokratiko, ang rebolusyonaryong palihan ay itinuturing na kolektibong danas at pagpapakaranasan:
Ang palihan ay serye ng mga pagsasanay kung saan hinahasa ang kaalaman at kakayanan ng mga kalahok sa isang larangan ng gawain, gaya ng paglikha ng sining. Sa aktibidad na ito ay inaasahang matuto kapwa ang mga kalahok at tagapagpadaloy ng palihan upang magkaroon ng kolektibong likha o output. (2006, 6)
Bagama’t tunog pormal dahil mayroong “kalahok” at “tagapagpadaloy” sa loob ng rebolusyonaryong palihan, makikitang ang designasyon na ito ay pagsisistematisa ng kalakaran ng palihan. Mayroon ring empasis ang modyul sa pagkatuto kapwa ng kalahok at tagapagpadaloy – nangangahulugan ito ng batayang kaisipan na ang pag-aaral at pagkatuto ay hindi nasasalalak sa iisahang panig lamang, kundi ang diin ay sa “kolektibong likha” at “kolektibong paglikha,” bagamat ang kalahok ay itinuturing na “estudyante” at ang “tagapagpadaloy” ay siya namang “guro.” (2006, 8)
Sa katunayan, ang pagsasagawa ng palihan ay hindi impromptu. Nakaprograma ito at pinagkakaisahan, ayon sa rebolusyonaryong paninindigan:
Tungkulin ng mga tagapagpadaloy ang patakbuhin ang buong palihan ayon sa plano at napagkaisan ng pamatnugutan. (2006, 8)
Ang mga palihan ay makatutulong sa pagsisikap ng mga kasama na ilangkap ang sining at panitikan sa iba’t ibang rebolusyonaryong gawain. Ito ay inilulunsad ayon sa pangangailangan at takdang programa ng kaukulang teritoryo, organo, o yunit na maglulunsad ng palihan. Bago pa man ang palihan, inaasahang may pagkakaisa na sa layunin at takbo o daloy ng palihan ang kaukulang yunit na naglulunsad ng palihan at gayundin ang mga naatasang tagapagpadaloy nito. (2006, 6)
Ang mga kalahok o estudyante ay ang “lahat ng mga rebolusyonaryong pwersang nais matuto ng paglikha ng mga obrang pansining at pampanitikan.” (2006, 8) Kinikilala ng ganitong pagtingin na ang sinuman ay maaaring lumahok sa palihan, bagama’t inihihirati rin sa naturang modyul na “mahalagang tukuyin ang mga indibidwal na elemento na may potensyal at kakayahan, hilig o talent” sapagkat “(s)ila ay maaaring paunlarin bilang kadre o aktibista na mangunguna o mag-eespesyalisa sa gawaing pangkultura sa sining at panitikan.” (2006, 8)
Nangangahulugang itong realistiko ang praxis ng rebolusyonaryong palihan. Malinaw na ang disenyo ng palihan ay upang malikhaing pukawin at ipagpatuloy ang rebolusyonaryong adhikain ng eukasyong pampulitika ng kilusan, sa lahat, at ang makapagtukoy ng mga magiging kadreng pampalihan – kadreng pangkultura – na magsisikhay at magpapatuloy ng rebolusyonaryong palihan. Patunay ito na hindi hiwalay ang sining at rebolusyon, na masining (rin) ang pakikibaka.