Lubos na ikinasiya ni Ka Luis, o Luis Maria B. Martinez, ang pagkakaimprenta kamakailan ng akdang Pinagmulan ng Pamilya, Pribadong Ariarian at Estado na salin niya sa Filipino ng Origin of the Family, Private Property and the State, isang klasikong akda ni Frederick Engels.
Inabot ng tatlong dekada bago ito nalathala. Minsan nang pinarangalan si Ka Luis ng Manila Critics Circle sa pagsasalin ng ilang akda ni Renato Constantino tulad ng Mis-Education of the Filipino at Roots of Subservience.
Liban dito, isa rin siyang manunulat at makata. Naging kasapi siya ng Kabataang Makabayan noong dekada sitenta, naging liderestudyante, kumilos sa hanay ng mga manggagawa, at naging tahanan niya ang picket line hanggang magmartial law.
Inilahad ni Ka Luis ang kahalagahan ng Origin of the Family sa kasalukyang panahon. Aniya: “Ang Origin at iba pang akda na nabibilang sa tinatawag na Marxistang panitikan ay nag-aalok ng bagong pananaw tungkol sa kaunlarang panlipunan.
Sinasaad ng mga ito na ang ating kasalukuyang katayuan ay hindi walang hanggan — na ang mundo ay hindi isang “valley of tears” na tadhana natin hanggang sa libingan bunga ng “unang pagkakasala.”
Sa pagsulong ng kasaysayan, dugtong niya, mararating ng tao ang malaya, mapayapa at masaganang buhay kung saan walang pagsasamantala ng tao sa tao at magiging kalakarang panlipunan ang “malayang pag-unlad ng lahat bilang batayan ng malayang pag-unlad ng bawat isa.”
Para kay Ka Luis, mahalaga ang Origin para makita ang tunay na katangian ng estado. Paliwanag niya: “Sa Origin, sinasabi na ang estado ay sumibol sa lipunan pero tuluytuloy na humihiwalay. Pagtanggap ito na nasusuong ang lipunan sa isang hidwaan, sa nagtutunggaling mga panig o uri, at para huwag madurog ang lipunan sa kanilang mga tunggalian, kailangan ng isang papagitnang kapangyarihan — ang estado. Lamang at ang estado, simula at sapul, ay naging makiling sa isang uri — sa may ariarian. Naging kasangkapan ito sa pagsasamantala at pang-aapi sa mga uring walang ariarian — ang sanlaksang masa ng magsasaka at manggagawa.”
Bagaman ganito, ipinapakita ng Origin na paminsan-minsan ay kumikiling ang estado sa taumbayan, na makikita ngayon sa postura ng gobyernong Duterte. Ani Ka Luis: “Binanggit ni Engels si Solon na binunot ang mga pananda at pagkakasangla ng lupa at tinubos ang mga Griyegong ipinambayad-utang at ginawang mga alipin sa ibang bayan.”
Gayunman, sinasabi rin ni Ka Luis na hindi niya alam kung hanggang saan kakayanin ni Duterte ang kanyang mga panukala. Malalim ang pagkakatanim ng mga reaksiyunaryo sa bansa na pamana ng mga kolonyalista. Pumapalakpak ang mga reaksiyunaryo, aniya, na masolusyunan ang kriminalidad at trapik dahil nakikinabang din sila dito.
“Pero malalaman natin sa endo o kontraktuwalisasyon kung ano ang kanilang magiging karakas. Idagdag pa ang land reform at anti-mining.
Anu’t anuman, kailangan ni Duterte ang ating buong suporta. Ang malakas na suporta ng taumbayan ang tangi niyang maipantatapat sa lakas ng mga reaksiyunaryong lokal at banyaga.”
Hindi lamang Origin ang naisalin ni Ka Luis. Ilan pa rito ang Communist Manifesto nina Marx at Engels, Wage, Price, Profit at Wage-Labour and Capital ni Marx, The German Ideology nina Marx at Engels, Formen or Pre-Capitalist Economic Formations ni Marx, ilang kabanata ng Anti-Duhring ni Engels, at The Woman Question ni Lenin.
Naisalin na rin niya ang ibang akda tulad ng Political Economy ni John Eaton, Feudal Society Vol.1 ni Marc Bloch, What Happened in History ni Gordon Childe, Studies in the Development of Capitalism ni Maurice Dobb, at malayang salin ng Wealth of Nations ni Adam Smith.
Ngayon ay isinasalin niya ang Condition of the Working Class in England ni Engels. Nakamamangha man, pero ang pagsasalin ay pansariling hilig lamang, at noong 1976 pa siya nagsimula. Banggit ni Ka Luis, “Hirap kasi akong intindihin ang mga akdang nasusulat sa wikang banyaga. Kailangan ko pang sumangguni sa mga diksiyunaryo para masapol ang aking binabasa, kaya isinasalin ko sa wikang Filipino.”
Marami sa mga salin ni Ka Luis ay sulat-kamay o makinilyado, at labu-labong nakatambak. Mayroon na rin namang naiwaglit, nginatngat ng daga o inanay. “Hindi ko rin naman kasi sinapantaha na may magkakainteres na maglabas ng akda.”
Pero, siyempre, lubus-lubos pa rin ang kanyang kagalakan kapag naimprenta ang mga salin, nabasa at naunawaan, laluna ng mga manggagawa.