
Ang Gawad CCP ay nagsimula noong 1977 bilang parangal para sa mga Pilipino at institusyong naging susi sa pag-unlad ng kultura at sining ng bansa. (Contributed photo)
Ito ang namutawing mensahe mula sa 2012 Gawad CCP (Cultural Center of the Philippines) para sa Sining kung saan tatlong babae at apat na lalaking kapwa mga alagad ng sining at guro, isang institusyon sa malikhaing pagsulat ang pinagkalooban ng karangalang idinaos sa Tanghalang Nicanor Abelardo, Sentrong Pangkultura ng Pilipinas noong Pebrero 27, 2013.
Para sa Sining Biswal, ginawaran si Brenda Fajardo (ipinanganak sa Manila, 1940) bilang pagkilala sa kanyang pagsulong ng mga historikal at makabayang dibuho gamit ang mga katutubong ekspresyon at kwentong bayan. Naniniwala si Fajardo na ang paglikha ay paglilimi para maitanghal ang mas malalim na pag-unawa sa kasaysayang Pilipino habang ang edukasyon ng kapwa guro at kabataan ay nararapat lamang nakatuon para sa pagbabago. Mahalaga ang pagpanibagong-hubog at kamalayan ng sarili dahil hindi ito kusang binibigay ng gobyerno o ng burukrasya.
Sentral din sa kanyang mga obra ang imahen ng babae bilang Inang Bayan o mamamayang may mahalagang papel sa paglikha ng maunlad na bayan bilang babaylan, ina, anak o guro. Ang Baraha ng Buhay, isang mural na matatagpuan ngayon sa Philippine Educational Theater Association (PETA) lobby at nabuo sa kolaborasyon ni Fajardo kina Noel Soler Cuizon, Karen Ocampo Flores, Iggy Rodriguez at Max Santiago ay halaw sa kanyang tanyag na eksibit na Baraha ng Buhay ng Pilipino.
Sa alay-pagtatanghal ng PETA na pinamagatang Pagpupunla, Pagsilang, Pagpapailanlang, pinagalaw ang mga makapangyarihan at makulay na mga imahen ni Fajardo habang inawit ang mga kantang may diwa ng pagpapalaya gaya ng Babae Ka at Kung Ibig mo Akong Makilala.
Para sa Sayaw, ginawaran si Agnes Locsin (ipinanganak sa Davao, 1957) bilang pagkilala sa kanyang kontemporaryo at mala-etnikong koreograpiya sa mga produksyong nakaugat sa positibong katutubong paniniwala, ritwal, kaugalian, pamumuhay at pagmamahal sa bayan at kalikasan. Kabilang dito ang pagtatanghal ng Ballet Philippines ng La Revolucion Filipina (2008), Elias (1997), Salome, Encantada (1992), Taong Talangka, Babaylan, Dabaw, Bagobo, Igorot at Moriones. Sa kanyang masugid na pagbibigay ng pagsasanay sa Manila at Davao, isinilang ang mga henerasyon ng Pilipinong mananayaw na kinikilala sa loob at labas ng bansa.
Ayon kay Locsin, ang paglikha ng sining ay isang masalimuot na paghahanap at pagtuklas na makakamit sa pamamagitan ng pagkaroon ng bukal na loob at ng pagturing sa gawain bilang pag-aalay. Sa kanyang aklat na Philippine Neo-Ethnic Choreography (UST Press 2012), ibinahagi niya ang proseso ng pagkabuo ng mga katutubong sayaw sa bagong anyo, maging ang naging inspirasyon ng kanyang mga obrang di kailangang lumingon o mangopya sa Kanluran.
Sa isang panalong bahagi ng piyesang Salome na muling itinanghal ni Krisbelle Paclibar-Mamangon sa gabi ng Gawad, ramdam ang mga antas ng kalungkutan ni Salome sa kanyang pag-iisa gawa ng walang-katiyakang-buhay-ay-di-mautas na muling paglalakbay ng kanyang rebolusyunaryong kasintahang si Elias. Mula sa mahinahong pag-unawa hanggang sa pag-aalala, hibik, hinagpis, pighati, habag, bagabag, asam at siphayo ng makasariling damdamin, sumabog ang pag-asa ng pagkikitang muli. Samantala, sa piyesang Moriones na halaw sa pista ng Moriones sa Marinduque, tampok ang bruskong galaw ng mga sundalo sa nakamaskara nilang anyo.
Para sa Dulaan, ginawaran si Zeneida “Bibot” Amador (1933-2004) bilang pagkilala sa kanyang pag-arte, pagdirehe, pagsasanay at pagtatag ng isa sa pinakamatagumpay na tanghalan sa bansa: ang Repertory Philippines (Rep). Mula nang itinayo ang Rep noong 1967, kinikilala siya nito bilang ama at ina. Bagamat pangunahing nagtatanghal ng mga klasikong Ingles at musikal mula sa Broadway (US) at West End (UK) ang kumpanya, binanggit ang natatanging pamana ni Amador sa pagbahagi ng disiplina, paghubog ng mga artista at pagyabong ng mga tagapagtangkilik ng tanghalan. Naniniwala si Amador sa dalisay na pagmamahal para sa sining at katiwasayan ng pakiramdam sa pagkatuto at paglipad ng henerasyon ng mga artistang Pilipino.
Kabilang sa naging anak niya si Lea Salonga na tanyag bilang unang Kim ng Miss Saigon (1989) at unang Asyanong gumanap ng Eponine at Fantine sa Les Misérables (1995/2007). Ang iba namang kapwa mga premyado rin ay nakapagtatag ng sarili nilang kumpanyang pang-teatro gaya nina Monique Wilson (New Voice Company), Audie Gemora (Trumpets), Robbie Guevara at Mio Infante (9 Works Theatrical) at Joel Trinidad (Upstart Productions).
Itinanghal ng mga miyembro ng Rep sa saliw ng Philippine Philharmonic Orchestra (PPO) at kumpas ni Olivier Ochanine ang Les Misérables Medley na unang dinerehe ni Amador noong 1993.
Ginawad naman ang Tanging Parangal sa Silliman University National Writers Workshop (1962) bilang pagkilala sa mahigit 50 taon ng pagsasanay ng mga makata at manunulat ng bansa. Itinatag ng Pambansang Alagad ng Sining na si Edith Tiempo at ng manunulat na si Edilberto Tiempo, isinilang at isinisilang muli ang mga salita, kataga at talinghaga mula sa loob ng tatlong linggong pagkatay o paglamay sa tula at kwento karamay ng iba pang manunulat.
Para kay Edith Tiempo, ang pagsusulat ay di lamang pagkuha ng litrato ng realidad kundi paglikha muli ng realidad alang-alang sa mambabasa. Hangga’t ang isang tao ay marunong tumingin, makinig at kumilatis ng buhay, siya ay may puwang sa sining ng pagsulat. Ang tula, gaano man ito kalalim, ay nararapat lamang maging tahanan ng pakiramdam na di hiwalay sa mamamayan.
Kabilang sa mga naging Fellow ng palihan sa Dumaguete sina Pambansang Alagad ng Sining Virgilio Almario (Ang Makata sa Panahon ng Makina), Pambansang Alagad ng Sining Salvador Bernal (The Firetrees Burn all Summer at Designing the Stage), ang martir na si Emmanuel Lacaba (Open Letters to Filipino Artists), Rogelio Sicat (Impeng Negro at Tata Selo), Ninotchka Rosca (State of War at Twice Blessed), Alfredo Navarro-Salanga (ed. Kamao: Panitikan ng Protesta 1970-86), Ricky Lee (Si Tatang at ang mga Himala ng ating Panahon), Rogelio Mangahas (Mga Duguang Plakard), Bibeth Orteza (Ang Lalaki sa Buhay ni Selya), Lamberto Antonio (Insiang), J. Neil Garcia (Philippine Gay Culture: The Last Thirty Years), Jun Cruz Reyes (Ka Amado), Alfred Yuson (Great Philippine Jungle Energy Café) at Eric Gamalinda (ed. Flippin’: Filipinos on America).
Itinanghal ng Kolab Company ang To Silliman with Love, isang pagtatagni ng karanasan sa pagsusunog ng kilay at pagpaparaya ng mga inspirasyon at mithi ng manunulat ng bayan sa isang libong eroplanong papel.
Para sa Pelikula at Sining Brodkast, ginawaran ang Hari ng Katatawanan na si Rodolfo “Dolphy” Quizon Sr. (1928-2012) bilang pagkilala sa kanyang ambag sa paghubog ng kulturang Pilipinong may positibong pagtingin sa kanyang lahi at kakayanan. Mula sa kanyang AVP, hinalintulad ni Dolphy ang comedy sa kapayakan ng mga nota ng musika. Ang hamon dito ay ang paglikha ng maraming variation mula sa walong batayang nota kung kaya ang pag-arte ay walang katapusang pag-aaral. Dagdag pa niya, mahalaga para sa epektibo at makatotohanang pagsasatauhan ang pakikihalubilo sa kapwa. Palagi niyang nilayon ang magpatawa habang nakapagbigay nang seryosong mensahe sa mga manunood. Makikitaan ito sa kanyang mga sitcom gaya ng John en Marsha (1973-90) at Home Along da Riles (1992-2003) gayundin sa mga pelikulang Markova: Comfort Gay (2000), Good Morning Professor (1982) at Ang Tatay kong Nanay (1978).
Bilang pagbigaypugay, itinanghal ng kanyang mga anak na sina Epy at Vandolph ang Bahay Kubo, isang comedy sketch tampok ang pagsasalin ng awit, tula o kasabihan sa estilo nina Dolphy at Panchito na unang napakinggan sa Tawag ng Tanghal (ABS-CBN Radio) at sa kalaunan ay ipinalabas sa Buhay Artista (tv). Masasabing wala pa ring kupas ang sketch ni Dolphy na kapansinpansin sa di mapigilang pagbulanghit ng mga manunood. Sa pag-usbong ng Stand-up Comedy na kilala ngayon, magandang mabalikan ng mga nasa karera ng pagpatawa ang diwa at sensibilidad ni Dolphy sa pagkataong Pilipino kung saan di kailangang manglait, mambastos o magpaka-macho para lamang magpatawa.
Para sa Musika, ginawaran si Ramon Santos, PhD (1941) sa kanyang ambag sa pananaliksik, teorya at praktika sa pag-unlad ng tradisyonal na musikang Pilipino. Ayon sa kanya, ang awit at musika ay di maaaring sikilin bagkus ito ay nararapat lamang palayain nang sa gayon ay tuloy-tuloy ang buhay nitong napapakinabangan ng bawat salinlahi. Mahalagang harapin ng mamamayan ang hamon ng palagiang pagtatanong at paglikha ng bago.
Ang kanyang mga obrang gumagamit ng kombinasyon ng mga elemento ng musika ng Timog Silangang Asya, Europa at Latino Amerika ay kinikilala bilang halimbawa ng sulong na katutubong musika sa kontemporaryong anyo. Mula 2009, pinangunahan rin ni Dr. Santos ang Rondalla Festival para sa mga grupong pampaaralan, komunidad at propesyunal upang mahikayat ang katutubong tugtugan ng balitaw, kundiman, sayawang bayan at mga klasikong awit sa bansa.
Tinanghal ng UP Cherubim at Seraphim sa kumpas ni Elena Mirano at sa saliw ng gitara nina Lester Demetillo at Gary Duran ang Awit ni Pulau (libretto ni Edgardo Maranan). Namayani naman ang orkestral na komposisyon ng maestro na binigyang-buhay ng PPO sa Penomenon mula sa First Movement: Pagdiriwang ni Santos.
Para sa Pananaliksik Pangkultura, ginawaran si Florentino Hornedo, PhD (ipinanganak sa Batanes, 1938) bilang pagkilala sa kanyang masikhay na pag-aaral laluna sa kultura at sining ng Hilagang Luzon at ng Ivatan, pambansang minorya sa Batanes. Ayon sa guro ng mahigit 50 taon, ang kulturang Pilipino ay hindi linyar kundi ay sapin-sapin ng mga impluwensya ng sinaunang panahon, panahon ng kolonyalismo at panahon ng teknolohiya. Mahalaga ang pagdiskubre at pangangalaga ng mga artifact na may katumbas na isang libong kaalaman. Ang buhay at sining ay may mahigpit na relasyon kung kaya ang paghalungkat sa mga epiko at katutubong panulaan ay may mahalagang papel sa pagbuo ng sining ng katwiran at pambansang dangal.
Halaw sa kanyang sanaysay na The Visitor and the Native in the Jeepney and Tricycle, inawit ng Madrigal Singers ang God Knows Hudas not Pay sa komposisyon ni Ryan Cayabyab at sa malikot na mala-dyip na galaw ng Ballet Philippines.
Para sa Panitikan, ginawaran si Cirilo Bautista bilang pagkilala sa kanyang walang humpay na pagsulat ng tula, katha at kritisimong pawang nakalaan sa mas malalim na pag-unawa ng pagkataong Pilipino. May-akda ng The Trilogy of Saint Lazarus, tinangan niya ang epiko bilang muling paglikha ng kasaysayang may sentral na bayaning pupukaw ng damdamin at kamalayan ng isang lipunan. Sa obserbasyon ni Bautista, maraming kabataan sa kasalukuyan ang di marunong bumasa samantalang yung mga marurunong, di naman nagbabasa. Naniniwala siyang susi sa pagkilala at pagpalalim ng identidad ng Pilipino ang pagbabasa bilang balon ng kasaysayan at kasarinlan.
Sa paanyaya ng makapangyarihang boses ni Rody Vera at nakakatindig-balahibong biswal ni Don Salubayba, naglakbay ang mga saksi ng Gawad CCP sa The Archipelago: Hammering the Arc kung saan ikinuwento ni Bautista ang muling pagtuklas at pagsakop ng mga kolonyalistang Espanyol sa kapuluan maging ang makasaysayang pagtatag ng Maynila. Sa dulo ng texto, dumagundong ang sigaw ni Vera gaya ng sigaw ng pagbangon.
Ang Gawad CCP ay nagsimula noong 1977 bilang parangal para sa mga Pilipino at institusyong naging susi sa pag-unlad ng kultura at sining ng bansa. Idinerehe ni Jose Estrella ang programa ngayong taon sa disenyo ng entablado ni Ricardo Cruz at disenyo ng ilaw ni John Batalla. Nagbukas ang pagdiwang sa Prusesyonal Jubilate ng Pambansang Alagad ng Sining na si Lucio San Pedro na sinundan ng O D’wata Holi Kemudung (Tagapaglikha, Gabayan mo Kami), isang mahalinang chant ni Grace Nono para sa pagkakaisa, pagtutulungan at pagbabahaginan ng biyaya. Nagsara ang programa sa pagtatanghal ng Basta’t Masasayaw mula sa dulang Katy (Spotlight Artists Center Actors Studio East Production) at ng Kulturang Pilipino Alay sa Mundo (musika ni Cayabyab at titik ni Herminio Beltran).#